MGA KARAGDAGANG SISTEMA KAUGNAY SA Kto12 PAPASIMULAN NA NGAYONG SUSUNOD NA SCHOOL YEAR SA DEPT ED CAM NORTE!

Bubuksan ngayong darating na School Year 2014-2015 ang mga bagong aralin o kurso sa Department of Education sa Lalawigan ng Camarines Norte.

Sa eksklusibong panayam ng Kadamay Network PBN-DZMD, sa palatuntunan ni Jorge Dayaon kay DepEd Schools Division Supt. Dr. Arnulfo Balane sinabi nito na umuusad na ang kanilang mga programa para sa Science High School, Agriculture, Technical Vocational at Sports High School. Ang nasabing mga Tracks ay hakbangin alinsunod sa K to 12 program ng nasabing Departamento.

Sa ngayon ayun kay Balane, nasa 50% na ang infrastructure na isinasagawa para sa mga gusali na gagamitin sa Daet Science High School na pakikinabangan ng buong Camarines Norte.

Isinakripisyo na ni Balane ang dapat sana ay pambili ng bagong sasakyan ng DepEd Camarines Norte  na gagamitin sana sa monitoring. Mas minarapat ng opisyal na ipa-convert na lamang ang nasabing pondo tungo sa pagpapagawa ng Sports Building para magamit ng mga mag-aaral.

Hindi rin anya lahat ng paaralan ay makakapag offer ng apat na tracks, depende sa infrastructure ng school at kakayahan ng mga guro.

Papasok anya sa Memorandum of Agreement ang DepEd sa mga Secondary Schools para magamit ang kanilang facilities at mga teachers, na ang DepEd ang magbabayad.

Ang nasabing mga kurso ay magiging direksyon ng bawat estudyante depende sa kanilang mga skills o kakayahan pagdating ng grade 11.

Sa nasabing bagong patakaran ay maaari nang makapasok sa trabaho ang mga estudyateng makapagtatapos ng grade 12 dahilan sa ito ay nasa tamang edad na bukod pa sa tapos na rin ito ng mga kurso na naayon sa kanilang espesyalisasyon o kung anong track ang kanilang pinili.

Mali din anya ang kaisipan ng ilang mga magulang at estudyante na dagdag na dalawang taon sa pag aaral ang K to 12 at sa halip, ayun kay Balane ay mas nakabawas pa nga, bukod pa sa ito ay libre.

Muling binigyan diin ni Balane na “Ang gobyerno mismo ang magbabayad ng tuition para sa grades 11 and 12 kahit saan mang paaralan nila gusto mag-enroll, maging sa pampubliko man o pribadong paaralan”.

Malaking pondo anya ang inilaan dito ng National Government para sa pagpapatupad ng K to 12 sa Pilipinas para makahabol sa ibang bansa.

Bentahe rin umano ito sa mga mag-aaral kung makapagtatapos ng nasabing mga kurso sa ilalim ng K to 12 Program dahilan sa maging sa ibang bansa ay maituturing silang propesyunal kapag nakapagtapos ka ng nasabing bagong programa sa Pilipinas.

Isa pa sa itinurong advantage ng Bagong Educational Scheme ay ang pagdaragdag ng mga guro sa DepEd. Nito lamang nakaraang taon, umabot sa apat na raang (400) mga teacher’s item ang naidagdag sa lalawigan at panibagong tatlong daan naman ang inaasahan sa ngayon. Na sa kabuuan ay umaabot sa pitong daan (700) sa loob lamang ng dalawang taon na karagdagang guro na makapagtatrabaho sa DepEd Camarines Norte.

Bago ipinatupad sa Pilipinas ang K to 12 Program, halos tatlong bansa na lang anya sa buong mundo kasama ang Pilipinas ang hindi pa naipatutupad ang K to 12, kung kayat kinakailangan nang makahabol ang bansa sa nasabing sistema ng edukasyon ngayong napasimulan na ito.

CNNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *