ELECTRIFICATION PROJECT SA BRGY MACOGON, NAGING KONTROBERSYAL DAHIL SA ISYU NG BILLBOARD!

Umalma ang Head ng Office of the Brgy Affairs ng Pamahalaang Panlalawigan na si Ginoong Nicomedes Velas hinggil sa diumanoy paglalagay ng Tarpaulin o Billboard ni 1st District Representative Catherine Barcelona-Reyes na anya’y umaangkin sa kredito ng Electrification Project sa Purok 1 and 2 ng Brgy Macogon sa bayan ng Labo.

Hindi maitago ni Velas ang pagkabigla at pagka-inis matapos na tumungo sa kanyang tanggapan ang ilang Brgy Officials ng Brgy Macogon at magpaabot sa kanya ng impormasyon hinggil sa paglalagay ng diumano’y mga tauhan ni Cong Barcelona -Reyes ng pangalan nito bilang kanyang Priority Project ang nasabing elektripikasyon.

Binigyan diin ni Nico Velas na ang nasabing proyektong pailaw ay pinaghirapan ni Governor Edgardo Tallado sa pagdulog ng Gobernador sa National Electrification Administration o NEA. At patunay anya dito ang sulat mula sa NEA kay Gov. Tallado na may petsang June 27, 2013 na nagsasabing aprubado na ang kahilingan ng Gobernador sa ilalim ng Sitio Electrification Program (SEP) ng NEA.

Kasama anya ito sa inaprubahan at nakaprogramang 41 Sitio noong 2013 at 17 naman ngayong 2014 na umabot sa 1,508,661.66.00 na pondo para pa lamang sa single Phase Line Extension sa Purok 1 and 2 ng Brgy Macogon sa Bayan ng Labo.

Nakailang pabalik-balik umano ang Gobernador sa tanggapan ng NEA sa Manila para lamang makuha ang nasabing proyekto na magpapailaw sa mga malalayong sitio ng Camarines Norte. Kung kayat, hindi naman anya makatarungan na angkinin ito ng kampo ni Cong. Barcelona-Reyes.

Maging mismong si Velas ay personal ding nag-asikaso ng nasabing proyekto sa pagsasagawa ng mga transmittal tungo sa CANORECO.

Nabatid din na nagpadala na si Gov. Tallado ng mga empleyado ng Provincial Engineering Office sa nasabing lugar para ipatanggal ang inilagay na Billboard ng pang-aangkin ng naturang kongresista.

Muling nilinaw ni Velas na wala namang balak na maglagay ng kanyang pangalan si Gov. Tallado sa mga proyekto nito, bilang pagtugon na rin sa Anti-Epal Campaign ng pamahalaan, subalit nauna pa anya ang kampo ni Reyes na mag lagay ng kanyang pangalan sa Brgy Macogon gayung hindi naman dito nanggaling ang pondo para sa nasabing Electrification Project at hindi rin ito ang nagtrabaho para mapunta sa lalawigan ang naturang proyekto kundi ang mismong Gobernador.

Sinubukan ng Camarines Norte News na kunin ang panig ni Congresswoman Reyes hinggil sa isyu sa pamamagitan ng isa sa kanyang ka-alyado subalit hanggang sa mailathala ang balitang ito ay wala pang tugon na natatanggap ang pahayagang ito.

Mananatiling bukas ang aming pahayagan sa panig ng kongresista.

CNNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *