MARKET DAY SA DAET CENTRAL TERMINAL COMPLEX, NAGING MATAGUMPAY SA PAGSISIMULA KANINANG UMAGA!

Naging matagumpay naman ang pag sisimula ng Market Day ngayong araw (March 8, 2014) sa Central Terminal Complex sa Barangay Camambugan sa bayan ng Daet.

Alas kwatro pa lamang ng madaling araw, nakahanda na ang mga paninda sa nasabing Tiangge na pawang mga agricultural products mula sa mga wholesalers at mga ambulant vendors na galing naman sa Pamilihang Bayan ng Daet.

Pinasimulan ang nasabing bagong sistema sa isang programa at mensahe ni Mayor Tito Sarion sa mga mamimili at magtitinda na dumalo sa nasabing Tiangge.

Binigyan diin ng alkalde na ang nasabing bagong sistema ay para matugunan ang matagal nang problema sa pagsisikip ng trapiko sa centro ng Daet partikular sa mga araw ng Sabado at Linggo, gayundin ang para mapagbigyan ang mga residente sa bahagi ng Daet South na mapalago ang komersyo sa bahaging ito ng Daet. Tiniyak din ni Sarion na sa mga susunod na Market Day ay walang matitirang ambulant vendors sa Pamilihang Bayan ng Daet.

Sa mga darating pang araw ay pasisimulan na rin ang pagpapatayo ng ilang mga negosyo sa nasabing lugar partikular ng Gasoline Station, Hotel at iba pa, at ang paglilipat ng tanggapan ng Land Transportation Office sa tapat mismo ng nasabing Central Terminal Complex. Hudyat na anya ito ng pagsisimula ng paglawak ng commercial area ng bayan ng Daet.

Bilang pasasalamat sa mga magtitinda na nakiisa sa nasabing Market Day, namigay ng mga regalo si Mayor Sarion kasama na ang Apron na magagamit ng mga magtitinda para maging malinis ang mga ito habang ibinebenta ang kanilang mga produkto.

Kinuha din ng alkalde ang pangalan ng mga nagsipagdalo para mabigyan prayoridad at tuluyan nang magbigyan ang mga ito ng sariling permanenteng pwesto sa gagawing Satellite Market sa mga susunod na buwan. Kasabay ito ng tuluyan ng pagbabawal sa mga ambulant vendors sa paligid ng palengke ng Daet bilang kanyang kongkretong hakbang sa pag tugon sa matagal ng problema sa Ambulant Vendors sa Pamilihang Bayan ng Daet.

Patuloy na nananawagan ang alkalde sa mga ambulant vendors sa palengke na kanina ay hindi nakiisa na lumipat na sa pagtitinda sa Central Terminal Complex bago tuluyang malawalan ng pwesto ang mga ito kapag tuluyan nang ipinatupad ang pagbabawal sa kanila sa Pamilihang Bayan.

Seryoso ang alkalde sa kanyang mga hakbangin sa ngayon sa layuning maisaayos ang lahat bago ang pagtatapos ng kanyang ikatlong termino.

Samantala, maliban sa mga nagsipagdalo at mga namili sa Market Day kanina, nagpasalamat din si Mayor Tito Sarion sa kanyang mga kapwa opisyal at kawani Pamahalaang Bayan ng Daet, gayundin sa mga Department Heads na katuwang nya sa pagsasakatuparan ng programang ito.

Nagpakita din ng suporta sa alkalde ang kanyang maybahay na si Connie Belarma Sarion na nanguna sa pamimili ng iba’t ibang produkto.

Pinasalamatan din ni Sarion ang suportang ibinigay ni Govenor Egay Tallado sa pagpapagamit ng mga Tents na ginamit naman ng mga magtitinda at mga mamimili bilang panangga sa init at ulan.

Sa kabuuan, itinuring ng alkalde na TAgumpay ang pagsisimula ng programang ito at patuloy na nananawagan sa publiko na tangkilikin ang nasabing programa para makatulong sa mga pagbabagong isinusulong ng kanyang administrasyon tungo sa pagpapalago ng ekonomiya ng bayan ng Daet.

Ang market Day ay magpapatuloy hanggang sa araw ng linggo at muling magbubukas sa araw muli ng Sabado at Linggo at mag tutuloy tuloy na hanggang sa makasanayan na ito ng publiko.

Nag uulat,

Rodel Macaro Llovit

Bay Radio/CNNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *