DUGO NG MGA KABABAIHAN… IAALAY! BILANG BAHAGI NG WOMEN’S MONTH CELEBRATION SA BAYAN NG DAET!

Boluntaryong magbibigay ng kanilang mga dugo bukas, March 10, 2014, simula alas otso ng umaga, ang ilang mga kababaihan dito sa Bayan ng Daet kaugnay ng pagdiriwang ng Women’s Month ngayong buwan ng Marso.

Sa panayam ng Camarines Norte News kay Konsehal Rosa Mia L. King, Chairman ng Committee on Women, Children and Family sa Sangguniang Bayan ng Daet, sinabi nito na ang nasabing aktibidad ay bilang bahagi ng pagpapakita ng lakas at kakayanan ng mga kababaihan na makatulong sa kapwa sa pamamagitan ng pag-alay ng sariling dugo.

Simbolo din ito ng katapangan at hangarin na magkaroon ng patas na pagtingin ang komunidad sa pagitan ng mga kababaihan at kalalakihan.

Kasama ni Konsehal King sa nasabing aktibidad si Camarines Norte First Lady at Provincial Chairperson ng Philippine Red Cross Camarines Norte Chapter Ms. Josie B. Tallado at ang Unang Ginang ng Bayan ng Daet na si Ms. Connie B. Sarion, at gayundin si Konsehal Joan Christine Tabernilla-De Luna, bilang aktibong miyembro ng Red Cross at Chairperson ng Health and Sanitation ng Sangguniang Bayan ng Daet.

Pawang mga kababaihan lamang ang mga magdodonate ng kanilang mga dugo sa nasabing aktibidad na gaganapin naman sa Lobby ng Pamahalaang Gusali ng Daet.

Samantala, sa ika-26 ng Marso at parte pa rin ng Womens Month, itinakda din ayun kay Konsehal King ang Seminar patungkol sa usapin ng “Violence Against Women and their Children” sa layuning mas mapalawak ang kaalaman ng mga kababaihan sa kanilang karapatan at maging ng kanilang mga anak.

Kinagabihan ng Marso 26, isasagawa naman ang awarding ng “Outstanding Women of Daet”.

Limang araw bago ang naturang awarding ay maipapaalam na rin ng bubuuing Juror  kung sino ang mga tatanggap ng nasabing pagkilala.

Nagbabalita,

Rodel  Macaro Llovit

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *