Note: The photo has been removed to protect the rights of the minor victims.
Dalawa ang nasawi, apat ang nailigtas matapos na lumubog ang bangkang sinasakyan ng isang buong pamilya sa karagatang sakop ng Barangay Bagasbas sa Bayan ng Daet, Camarines Norte.
Sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Daet, nabatid na isang ulat ang nakarating sa kanilang tanggapan na isang Bangka ang lumubog malapit sa mismong Bagasbas Beach sakay ang hindi pa batid na bilang ng pasahero.
Ang naturang impormasyon ay agaran ding nakarating sa kaalaman ni Mayor Tito Sarion kaugnay ng nasabing insidente, agad ding tinawagan ng alkalde si Municipal Administrator Santiago Mella para ialarma ang mga rescuer na maaaring makatulong sa pagsagip ng nasabing mga biktima.
Tulong-tulong na sumagip sa anim na mga biktima ang mga life guard, Response Unit ng MDRRMO Daet, at ilan pang grupo na agaran namang nadala sa pangpang ang mga biktima.
Agad na isinugod sa pagamutan ang mga ito bagamat hindi na umabot pa ng buhay ang dalawa sa mga biktima. Tinangka pang i-revive ng mga rescuer ang mag-inang sina Riza Lazado, 50 anyos, ina sa naturang pamilya at ang anak na si Naida Lazado, 7 taong gulang.
Samantala, himalang kasama sa nakaligtas ang tatlong buwang gulang na sanggol na si ____ Lazado, ____ Lazado, 1o taong gulang, ___ Briones, 15 years old at ang ama ng tahanan na si Reynoso Lazado.
Ayun sa kwento ng mga biktima, galing sa bahagi ng Catanduanes ang pamilya at patungo sa Polilio Island para doon lumipat ng tirahan. Dala pa ang mga kagamitan ng masira ang katig at lumubog ang Bangkang sinasakyan ng mga ito sa may bahagi ng Barangay Bagasbas, sa Bayan ng Daet matapos na sumalpok umano sa mataas na alon.
Ayun sa MDRRMO, nakataas ang Gale Warning kagabi kung kayat ito marahil ang dahilan ng pagkasira ng saksakyang pandagat ng mga ito. Maliit lamang umano ito kung kaya’t madali itong nasira ng alon.
Kagabi, sa follow-up ng CNNews, hindi pa umano makausap ng maayos ang mga nakaligtas dahilan sa matinding trauma na inabot ng mga ito.
Samantala, may mga ulat din na hindi pa kumpirmado na isa umanong malaking sasakyang pandagat ang nakabangga dito na naging dahilan ng pagkasira at paglubog nito.
Samantala, nagpaabot na ng tulong si Mayor Tito sa pamilya ng biktima habang nandito pa nananatili sa Bayan ng Daet ang mga ito. May ilang pamilya na rin mula sa Barangay Bagasbas, partikular ang Pamilya Abordo ang pansamantalang nagbigay na rin ng makakain ng mga nakaligtas na miyembro ng pamilya.
Sa ngayon ay nangangailangan pa rin ng tulong ang mga ito na hindi pa alam kung papano haharapin ang malaking trahedyang kanilang kinasadlakan.
Sa mga gustong tumulong, mangyari lamang pong dumulog sa DSWD Office para maiparating ang anumang tulong na maibibigay sa nasabing mga biktima. Naubos ang kanilang buong kagamitan na kasama sa nalubog na Bangka na kanilang sinasakyan.
Narito ang kwento ng isa sa mga nakasaksi at unang tumulong sa pangyayari na si Krystal Gayle Ella.
Nag uulat,
Rodel Macaro Llovit