TRICYCLE SECTOR SA LALAWIGAN, UMALMA SA BAGONG PATAKARAN NG BIR. PAG IISYU NG TICKET SA MGA PASAHERO, DAGDAG UMANONG PABIGAT SA KANILANG SEKTOR!

Umalma ngayon ang sector ng traysikel sa lalawigan ng Camarines Norte hinggil sa bagong patakarang ipinatutupad ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) hinggil sa pag-oobliga sa mga tricycle drivers na mag-isyu ng ticket na magsisilbing resibo para sa kanilang mga pasahero at magkaroon ng Simplified Bookkeeping.

Sa panayam ng CNNews kay Ginoong Edel Santiago, Pangulo ng Federation of Tricycle Drivers and Operators Association (FETODA), sinabi nito na mabigat na para sa kanila ang nasabing dagdag na pasanin gayung ang kanilang sector ang isa sa itinuturing na maliit lamang ang kinikita.

Umapela si Santiago na unahin muna ng BIR ang National Capital Region (NCR), para sa pagpapatupad ng nasabing bagong patakaran. Napakaliit anya ng Camarines Norte para unahin na dito ipatupad.

Kamakailan din ay humingi ng tulong sa Sangguniang Bayan ang grupo ng FETODA para maimbitahan ang pinuno ng BIR sa lalawigan na si Revenue Disctrict Officer Maria Thelma F. Pulhin.

Isa ito sa mga napagkasunduan sa pagpupulong ng FETODA at Daet Tricycle Operators Association (Daet TOA) na ipinatawag naman ni Councilor Rosa Mia King, bilang Chairman ng Public Utility Committee sa Sangguniang Bayan ng Daet at Chairman din ng Tricycle Regulatory Unit.

Nitong nakatalikod na Lunes, inaasahan na ni King at ng grupo ni Ginoong Santiago na darating ang kinatawan ng BIR para makapagbigay ng linaw hinggil sa inirereklamong BIR Memorandum Circular # 7, subalit hindi ito nakarating dahilan sa wala naman palang imbitasyon na nakarating sa naturang opisyal ng BIR.

Ayun kay King base sa follow-up nya sa isa sa mga staff ng Sangguniang Bayan, pina-”hold” umano ni Vice Mayor Ahlong Ong ang sulat imbitasyon  para kay RDO Pulhin at sinabing si Konsehal King na lamang ang personal na pumunta sa BIR.  Bagay na hindi naman nagustuhan ni King dahilan sa anyay hindi naman personal ang kanyang sadya sa BIR kundi ang para sa mga tricycle sector na kanyang kinakatawan.

Sa panayam naman kay Vice Mayor Ahlong Ong ng Kadamay Network, PBN DZMD, sinabi nito na ipapatawag nila ang Revenue District Officer, subalit hindi naman nito inamin kung totoong sya nga ang dahilan kung bakit hindi nakarating ang sulat imbitasyon sa BIR.

Araw ng Martes, sa kanilang En Banc Meeting, iginigiit na umano ni Vice Mayor Ong na mapatawag ang naturang BIR official sa susunod na sesyon para sa nasabing usapin ng Memo Circular # 7.

Sa harap nito, hangad ng sector ng tricycle na agaran silang mabigyan ng atensyon ng Sangguniang Bayan para matulungan silang maipaabot ang kanilang apela sa lalong madaling panahon bago pa man ito tuluyan nang maipatupad.

Umaabot sa 1,500 pesos ang kabuuang babayaran ng mga tricycle operators para sa limang taong resibo na kanilang gagamitin. Isa din ito sa mga requirements bago makapagrenew ng kanilang mga Rehistro sa Land Transportation Office ang nasabing mga tricycle operators.

BIR ON MEMO CIRCULAR # 7

Samatala, una na rin namang nilinaw ni RDO Maria Thelma F. Pulhin sa panayam ng Camarines Norte News (CNNews) na ang nasabing Circular ay nagmula pa mismo kay BIR Commissioner Kim Henares, ito anya ay ipatutupad sa buong bansa, sa lahat ng mga marginal income earners. Layunin nito na mamonitor ng BIR ang mga kinikita ng bawat maliliit na naghahanap buhay para mabuwisan din ng tama lamang. Isa pa sa layunin ng Memo Circular # 7 ay para malaman din ng pamahalaan kung magkano talaga ang kinikita ng bawat ordinaryong pinoy at matugunan kung ano ang kinakailangang programang dapat mailapat ng pamahalaan para sa mga ito.  Hindi anya ito para mabigatan ang mga maliliit na mamamayan.

Hindi lang din naman anya Tricycle Drivers lamang ang tinutukoy ng nasabing bagong panuntunan kundi ang lahat ng marginal income earners partikular maging ang mga karenderya, barbershops o ang mga kumikita ng hindi lalagpas ng 100,000 pesos sa loob ng isang taon.

Hindi din anya ito agarang pagbubuwis sa halip ay kinakailangan mo lamang i-ulat sa BIR ang iyong kinita sa loob ng isang taon, at kung hindi naman ito lalagpas sa itinatakdang limitasyon, ay hindi nila kailangang magbayad ng buwis.

Bukas naman ang tanggapan ni RDO Pulhin para mapaliwanagan ang publiko hinggil dito. Hindi rin anya sya ang magdedesisyon kung ipatitigil ang pagpapatupad nito dahilan sa ito ay isang batas na ipapatutupad hindi lamang sa Camarines Norte kundi sa buong bansang Plipinas.

Nag uulat,

Rodel Macaro Llovit

Bay Radio/CNNews

Leave a Reply

Your email address will not be published.