AMA NG PAMILYANG NALUNOD SA BAGASBAS BEACH, WANTED SA KASONG RAPE AND KIDNAPPING SA SARILING ANAK!

Gumulantang ang isang makapanindig balahibong rebelasyon mula sa step daughter ng ama ng pamilyang nalunod kamakailan sa Bagasbas Beach.

Magugunitang napaulat ang isang insidente ng pagkalunod ng isang pamilya sa Bagasbas Beach habang sakay ng isang Bangka na mula pa sa lalawigan ng Catanduanes na ikinamatay ng ina at isang pitong taong gulang na anak na babae. Habang nakaligtas ang ama, isang 10 taong gulang na babae, isang 15 anyos na dalagita at isang tatlong buwang sanggol. (Balikan ang kwento. i-click –> ISANG PAMILYA, NALUNOD)

Matapos na mailibing ang mag-ina, nanatili pa ng ilang araw ang ama na si Reynoso Lazado (unang pangalang ginamit ng ama), hanggang sa pansamantala itong kinupkop ni Punong Barangay Domingo Bacurin ng Barangay Bagasbas habang inaasikaso pa ang maaaring paglipatan ng mga nakaligtas na pamilya.

Sa paglabas din ng pagamutan, pasikretong nakipag-usap ang 15 taong gulang na survivor na dalagita kay Brgy Secretary Yet Villeno at dito ibinunyag ang kahayupan na ginagawa ng kanilang ama sa kanila bago pa man maganap ang trahedya sa dagat.

Pansamantala munang inilihim ng Brgy Secretary ang impormasyon habang nakikipag-ugnayan sila sa DSWD. Kaninang umaga, habang nagsasampay ng nilabhan ang may bahay ni Punong Brgy Bacurin, sumalisi umano si Tatay Reynoso sa kwarto kung saan nandun ang kanyang mga anak. Pilit umanong binuksan ng ama ang pintuan at nang makapasok ay pinagsasaktan ang mga anak habang pinilipit na isama para tumakas.

Dito naabutan ni Brgy Secretary Villeno na umiiyak pa ang magkakapatid. Agaran nyang dinala sa Brgy Hall ang mga bata na nagkataon namang dumating si Daet Chief of Police Abay na personal ding tumungo sa Bagasbas para kumustahin ang mag-aama. Dito na dinetalye ng mga bata ang kanilang sumbong hinggil sa ginawa ng kanilang ama.

Nabatid na si Tatay Reynoso ay hindi totoong Lazado ang apelyido, taliwas sa unang pagpakilala nito sa mga doctor sa Pagamutan. Sinabi ng 15 taong gulang na anak na itatago natin sa pangalang “Maria” na Bracero ang kanilang tunay na apelyido. Napag-alaman din na anak sya sa unang naging asawa ng kanyang ina. Bagamat nakarehistro na sya sa apelyido ng kinagisnang ama.

Mas naging kagimbal gimbal ang kwento ng biktima nang aminin nito na ang tatlong buwang gulang na sanggol ay anak nya kay Mang Reynoso. Sa kanyang murang gulang ay paulit-ulit umano syang ginagamit ni Mang Reynoso hanggang sa magbunga na nga ito.

Nagbunsod ito ng pagsasampa ng kanyang ina ng kasong rape at kidnapping sa kanyang Step Father nang itakas sya mula sa kanilang tirahan sa Caramoan patungo ng Catanduanes, kasama ang dalawang buwan nyang bagong silang na sanggol.

Pagkalipas ng dalawang buwan, binalikan umano nila ang kanilang magulang at ibang mga kapatid sa Caramoan, patago lamang ang kanilang pagbalik sa lugar dahilan sa pinaghahahanap na rin ng batas ang suspek na ama.

Nagawa pa umano nitong magnakaw ng makina ng Bangka na ginamit nila sa pagbiyahe sa karagatan patungo ng Polilio Island. Bago pa anya sila bumiyahe, binugbog pa ni mang Reynoso ang kanyang ina dahilan sa ayaw nilang sumama dito. Pinagbantaan pa umano sila ng suspek kung kayat napilitan silang sumama sa pagbiyahe gamit ang maliit na Bangka. Marso 7, 2014 nang umalis sa Caramoan ang pamilya.

Sa kalagitnaan ng dagat na lamang umano nya nalaman na hindi pala sya tunay na anak ni Mang Reynoso habang nag-aaway ang mag-asawa habang nasa Bangka.

Hindi rin anya totoo ayun sa biktima na nasira ng alon ang kanilang Bangka. Nang makarating na sila sa may bahagi ng Brgy Bagasbas, Daet, Camarines Norte, malapit sa mismong Bagasbas Beach, tumalon anya sa dagat ang kanilang ama at tsaka niyugyog ng niyugyog ang maliit na Bangka at sadyang sinira ang katig nito. Dahilan para mahulog sila sa tubig at sadyang nilunod ng kanilang ama.

Tila sya lamang at ang kanyang anak na sanggol umano ang nais na iligtas ng ama kung kaya’t tuluyang nalunod ang kanyang ina at isang kapatid.

Sa pagdating ng mga rescuers, hindi na rin kinaya ng kanyang ina at kapatid ang paglangoy na naging dahilan ng pagkamatay ng mga ito.

Dahilan sa salaysay ng biktima, agarang pinadampot ni Chief of Police Abay ang suspek at agad na dinala sa himpilan ng pulisya at nabatid na may standing warrant of arrest nga ang suspect sa lalawigan ng Catanduanes.

Hinihintay na lamang ng Daet PNP ang Warrant of Arrest mula sa probinsya kung saan ito unang nasampahan ng kaso. Samantalang pinag-aaralan pa ang pagsasampa ng kasong Double Murder dahil sa pagkamatay ng asawa at anak nito samantalang panibagong tatlong frustrated murder pa naman dahilan na rin sa pagkakaligtas ng tatlong iba pa.

Nag uulat,

Rodel Macaro Llovit

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *