Sinampahan ng kasong ABUSE OF AUTHORITY sa Office of the Ombudsman kahapon, March 14, 2014 ang Administrator ng National Electrification Administration na si Editha S. Bueno ng isang Media Practitioner at dating Board of Director ng Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO) na si JUN ZABALA.
Ito ay bunga ng pagtatalaga ng Project Supervisor ng NEA sa CANORECO bilang tugon naman sa kahilingan ng Sangguniang Panlalawigan.
Hindi kumbinsido si Zabala sa ipinasang resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan na nagpapatalaga ng Project Supervisor (PS) at sa halip, sinabi nito na dapat ay hilingin ng Sangguniang Panlalawigan sa National Electrification Administration na i-fast track o pabilisin na ang pagtatalaga ng General Manager ng CANORECO susog sa normal na proseso. Ang ginawang hakbang na ito anya ng SP ay isang tahasang pakikialam sa pagpapatakbo ng kooperatiba gayung merong sariling patakaran ang hunta direktiba.
Susunod nyang sasampahan ng kaso ang Sangguniang Panlalawigan sa oras na may makita syang maling hakbang ng mga miyembro at pinuno nito hinggil sa naturang usapin.
Sa eksklusibong panayam ni Jorge Dayaon sa kanyang programang Tinig ng Bayan ng Kadamay Network PBN-DZMD kay Ginoong Jun Zabala, sinabi nitong isang pang-aabuso sa kapangyarihan ang pagtatalaga ng PS ng walang malinaw na batayan.
Tanging ang “Ailing” o may sakit o mamamataying cooperative lamang anya ang maaaring pagtalagahan ng PS ng NEA, o kung sakaling hindi na nakapagbabayad ng pagkakautang at ilan pang katanggap tanggap na rason.
Naniniwala si Zabala na artificial lamang ang sinasabing kaguluhan sa kooperatiba dahilan sa wala namang malinaw na paliwanag dito maging ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na pangunahing nagsulong ng nasabing kahilingan para sa Project Supervisor. Hindi rin anya ito natukoy ni Administrator Bueno sa kanyang Office Order na nagtatalaga kay Engr. Wilfredo O. Bucsit bilang PS na may petsang Pebrero 26, 2014.
Nais malinawan ni Jun Z. kung ano ang tinutukoy sa bahagi ng kaatasan na “After thorough evaluation, this office deems it EXTREMELY necessary to designate a Project Supervisor…”. Hindi anya dinetalye sa kaatasan kung ano ang mga tunay na natuklasan sa CANORECO para gamitin ang salitang “extreme” at magtalaga ng naturang PS. Katulad anya sa nakasaad sa Bill of Rights, karapatan ng inaakusahan na malaman kung ano ang kanyang naging pagkakamali.
Ang anya’y mga tinutukoy na kapangyarihan ni Bucsit sa Office Order ay higit pa sa isang OIC, na anumang oras na naisin nitong palitan ang Board of Directors ay maaari nitong gawin kung kinakailangan at may sapat na batayan. Maging ang pag labas-masok ng pera sa kooperatiba ay dadaan din anya dito ang mga dokumento para sa kanyang lagda, kung kaya’t magmimistulang ordinaryong kawani na lamang dito ang kasalukuyang OIC GM na si Efren Belgado, samantalang magmimistulang stamping Pad naman ang Board of Directors.
Naaawa din umano si Jun Zabala sa itinalagang PS na si Engr Bucsit dahilan na rin sa sumusunod lang naman anya ito sa kaatasan sa kanya. Sa ayaw nya at sa gusto ay kinakailangan nyang manatili sa isang malayong probinsya ng Camarines Norte mula sa kanyang pinanggalingan sa Metro Manila para lamang dito.
Nitong nakatalikod na linggo, nagpatawag ng Press Conference si CANORECO Board President Jet Fernandez at tahasang sinabi na hindi nila tatanggapin o kikilalanin ang nasabing personaheng ipinadala ng NEA dahil hindi naman ito kailangan ng CANORECO sa ngayon. Nasa category B ayun kay BOD President Fernandez ang naturang kooperatiba kung kayat wala anyang rason at katibayan ng nasa bingit ng alanganin ang CANORECO para lagyan ng PS ng NEA. Plinano din nito na mag file ng Temporary Restraining Order o TRO sa Court of Appeals para sa nasabing kaatasan.
Kaugnay nito, naniniwala naman si Jun Zabala na hindi maaaring tanggihan ng Board of Directors ng CANORECO ang itinalagang PS dahilan karapatan ito ng NEA na gawin ang pagtatalaga bilang isang Quasi-Judicial Body. Maging ang pagtatatag ng Interim Board ay maaari rin nitong gawin kung may sapat na batayan at kung kinakailangan.
Sa huli, payo ni Jun Zabala sa mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan na irespeto ang tamang proseso ng kooperatiba, at makapagsagawa na ng nabanggit nyang resolusyon para sa mabilisang pagkakaroon na ng full-pledged General Manager ang CANORECO, ipaliwanag sa publiko ang sinasabing gulo o mga nilalaman ng mga kadahilanan sa kanilang resolusyon hinggil sa kanilang kahilingang PS. Payo din nito sa mga Board of Directors na ipaglaban ang kanilang mga karapatan alinsunod sa batas at polisiya ng CANORECO at bilang mga binotohan ng mga miyembro konsumedores.
Nanawagan din si Zabala sa mga miyembro konsumedores na wag maging passive at matutong manindigan at ipaglaban ang karapatan bilang mga tunay na nagmamay-ari ng kooperatiba.
Sa kasalukuyan, tanging sina Engr. Zandro Gestiada at Engr. Ding Cruz ang umanoy kwalipikadong kandidato bilang General Manager ng CANORECO na nakapasa sa screening ng NEA. Ang dalawa ay pawang mga kasalukyang kawani ng naturang kooperatiba.
Magugunitang nitong mga nakatalikod na taon, ang grupo ni Jun Zabala na Camarines Norte Consumers Group ang kumuwestyon sa kalahating bilyong pisong Capital Expenditures (CAPEX) o uutangin na naging dahilan para bumaba ito ng bumaba. Kasama sa nasabing grupo ang ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na sa ngayon ay pangunahing nagsusulong na pagpapatalaga ng PS sa CANORECO.
Kahapon, pormal nang dumating sa lalawigan si Engr. WIlfredo O. Bucsit at agaran na ding nakapagpatawag ng Pagpupulong sa mga Direktor ng Hunta Direktiba. Tatlo lamang umano ayon sa impormasyon sa mga miyembro ng Board ang hindi nakarating sa pulong at ang isa dito ay nasa pagamutan at may karamdaman. Muling tumulak sa Maynila ang nasabing opisyal at inaasahang babalik sa araw ng Lunes o Martes para simulan na ang mga trabahong iniatang sa kanya.
Samantala, una na ring sinabi sa CNNews Camarines Norte News ni OIC GM Efren Belgado na una pa lang na natanggap nya ang nasabing Office Order ay agaran na syang nagpahanap ng bahay na tutuluyan ng kanilang bisitang opisyal. Binigyan diin ni Belgado na anuman ang mga pagbabago at pagkilos sa kooperatiba, habang ito naman ay naaayon sa alituntunin ng kooperatiba at ng NEA ay tatalima sya bilang isang kawani.
CNNews