PANUKALANG BATAS NA NAGPAPALAWAK SA SCHOLARSHIP PROGRAM NG LGU DAET NAIPASA NA!

Ipinasa na sa regular na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Daet kaninang umaga ang panukalang batas ni Konsehal Sherwin Asis. Ito ang panukalang batas na naglalayong palawigin pa ang programang scholarship ng LGU Daet. Unang palalawakin sa naturang batas ang pondo na dapat ilaan sa programa. Ito ay magiging 2 milyong piso mula sa dating 1.8 milyong piso para sa taong 2014 – 2015.

Hindi lang pondo ang pinalawak sa batas na ito. Isa rin sa inamyendahan ay ang pagpapalawig ng saklaw na kurso na maaaring suportahan ng scholarship. Bukod sa mga apat na taong kurso, ito ngayon ay puwede na sa mga kursong teknikal o non degree courses.

Ito ay bukas sa tatlong sektor na kinabibilangan ng mga nagtapos ng ALS (Alternative learning Systems), mga anak ng magsasaka, at mga PWD’s (Persons with Disabilities).

Upang lalong maraming mag-aaral ang matulungan, ibinaba na ang GA (General Average) sa 80% mula sa dating 85%. Ang maintaining grade ay ibinaba na rin sa 2.5 mula sa dating 2.0 upang lalong dumami ang makapagtapos sa tulong ng scholarship.

Ang mga naglalayong maging scholar ay maaring mag-aral sa mga pampublikong kolehiyo at paaralang teknikal. Ang lahat ng kurso sa CNSC (Cams. Norte State College) ay bukas sa mga scholar.

Ilan  sa mga kondisyon para maging scholar ay ang pagpasa nila sa Qualifying Exam na ibibigay ng LGU Daet at sa Entrance exam ng kolehiyong kanilang napili.

Sa kasalukuyan ay mayroong 106 na scholars ang LGU Daet at ito ay tiyak na madaragdagan pa sa pagkapasa ng naturang panukala. Ang dami ng mga kukuning bagong scholars ay nakasalalay sa dami ng mga magtatapos na scholars ngayong taon.

Ang pondo na ilalaan sa programa ay maaari pang madagdagan depende sa ilalaki ng IRA (Internal Revenue Allotment) ng LGU Daet.

Nag uulat,

Cresencio Adlawan

Leave a Reply

Your email address will not be published.