Natuldukan na din ang kaliwa’t kanang usap-usapan hinggil diumano’y kasong kinakaharap ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan hinggil sa mining sa Camarines Norte.
Ayun kay Vice Governor Jonah Pimentel, sa kanilang pagdalo kahapon sa NBI Main Office sa Maynila, naging maayos umano ang pagtanggap sa kanila ng mga opisyal ng NBI at ito umano ay pawang imbitasyon lamang sa kanila upang makapagbigay linaw at tulong sa imbestigasyong isinasagawa ng NBI hinggil sa mining activities sa lalawigan.
Sa katunayan anya ay pinamiryenda pa sila ng kawani ng naturang kawanihan at isang simpleng kwentuhan lamang ang nangyari doon.
Ayun pa kay Vice Governor Pimentel na napagkasunduan ng kanilang mga kasamahan sa SP na sya na lamang ang italagang tagapagsalita sa nasabing pagpapatawag para maging maayos ang pag-uusap.
Tanging layunin lamang umano sa kanila ng NBI ay alamin kung anong mga pagkilos ng Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Norte hinggil sa pagmimina sa lalawigan.
Humihingi din anya ang NBI ng kopya ng mga resolusyon at ordinansa na naipasa sa SP para mabatid kung ano ang mga pagkilos ng naturang hunta sa usapin ng pagmimina sa lalawigan.
Wala rin anya silang naibigay dahilan na rin sa hindi nila alam na isa ito sa hihingiin ng nasabing investigating agency.
Hiniling na lamang ni VG Jonah sa NBI na makapag-isyu din ito ng panibagong subpoena para sa mga dokumento o mga resolusyon at ordinansa na kanilang naipasa hinggil sa pagmimina para na rin agaran nilang mabigyan ng sipi ang nasabing mga opisyal.
Kung makakatulong anya ito sa isinasagawang pagkilos ng NBI ay wala silang magiging pagtutol dito gayung ito naman anya ay makakatulong para isinasagawang trabaho ng ahensya.
Bago pa man nagsimula ang kanilang pag-uusap, una nang tinanong ni VG Pimentel kung totoong meron silang kasong kinakaharap at malinaw anya ang katugunan ng mga opisyal ng NBI na “WALA” at ang subpoena para sa kanila ay isang imbitasyon lamang para makatulong sa nasabing pagkalap ng mga impormasyong may kaugnayan sa mga legislative measures ng SP hinggil sa isyu.
Nag uulat,
Rodel Macaro Llovit