SP RESOLUTION NA HUMIHILING SA NEA NA MADALIIN ANG PAG-APPOINT NG FULL PLEDGED GM NG CANORECO, IBINASURA SA COMMITTEE LEVEL PA LAMANG!

Sa committee level pa lamang ay hindi na nakaarangkada ang resolusyon ni Camarines Norte Provincial Board Member Michael “Mike” Canlas hinggil sa kahilingan sa National Electrification Administration (NEA) na mapabilis ang proseso o ang isinasagawang pag pipili o pag-appoint ng Full Pledged General Manager ng Camarines Norte Electric Cooperative (CANORECO).

Ito ay sa harap na rin ng kontrobersiyang nakapaloob ngayon sa CANORECO na pinakialaman na rin ng Sangguniang Panlalawigan. Aminado din naman si Vice Governor Jonah Pimentel sa terminong “Pinakialaman” nila ang nasabing usapin dahilan sa mas mananagot anya sila sa mamamayan ng Camarines Norte kung pababayaan nila na malugmok ang CANORECO na hindi sila nakikialam.

Ugat pa rin ito ng mga pagkilos nina Bokal Pol Gache at Romeo Marmol na una nang tumuligsa ng anilay hindi magandang sistemang nangyayari sa kooperatiba. Nagbunga rin ito ng kahilingan ng SP sa pamamagitan ng resolusyon tungo sa NEA na humihiling na magtalaga ng Project Supervisor (PS) para sa CANORECO. Rason ng SP, malinaw na may problema sa nasabing kooperatiba dahilan sa nakaapat na palit na ng Officer-in-Charge sa loob lamang ng maikling panahon.

Una na ring inihayag ni Canoreco Board President Engr. Jet Fernandez na walang rason para magtalaga ng Project Supervisor sa kooperatiba ng kuryente dahilan sa nasa maayos anya ang kalagayan nito maging sa usaping pinansyal. Binigyan diin din nito na nasa Category B ang CANORECO at inaasahan pa itong muling aakyat sa category A ngayong taon. Ang sinasabing “kaguluhan” ay isa lamang anyang artipisyal o kathang isip lamang at wala namang katotohanan.

Kamakailan lamang, dumating na sa lalawigan ang itinalagang Project Supervisor na si Engr. Wilfredo Bucsit at nagsimula na ring manungkulan at gampanan ang itinalagang trabaho sa kanya ng NEA.

Sa mga paunang panayam ng media kay Bucsit, sinabi nito na wala pa naman syang nakikitang anumang malaking problema sa takbo ng kooperatiba.

Samantala, agaran din namang nagsulong ng resolusyon si Board Member Mike Canlas kahapon March 19, 2014 sa kanilang regular na sesyon na humihiling sa NEA na mapabilis na ang pagpoproseso ng pagtatalaga ng full pledged General Manager ng CANORECO subalit sinawimpalad na naibasura ang naturang panukala.

Ayun sa naging daloy ng usapin, agarang inirefer sa kometiba ang resolusyon, at sa botong 7-5 pabor sa pagbasura sa resolusyon ay naging hudyat na ng tuluyang pagkamatay ng nasabing resolusyon. Bomoto para sa pagpapasa ng resolusyon ay sina Bokal Mike Canlas, bilang proponent, Bokal Jerez, Lausin, Malubay at Quibral. Samantalang ang natitirang pitong kasapi ng Hunta probinsyal ay hindi pumabor para dito.

Paliwanag ng mga kumontra, hindi napapanahon ang naturang kahilingan sa NEA dahilan sa kadarating pa lamang ng Project Supervisor sa CANORECO na kanila ding naging kahilingan.

Maaari anilang hindi maging maganda ang magiging kaisipan ng NEA kung matapos silang pagbigyan sa kanilang kahilingan ay agaran din namang hihiling ng panibagong hakbang para sa pagtatalaga na ng Full Pledge General Manager.

Magugunitang kamakailan, hiniling ni Ginoong Jun Zabala sa SP na makapagpasa na ng resolusyon para hilingin sa NEA na mai- Fast Track o mapabilis na ang pagtatalaga ng full pledged GM ang CANORECO. At bilang tugon, agarang isinulong ni Bokal Canlas ang nasabing panukala, bagay na hindi naman pinaboran ng kanyang mga kasamahan sa Sangguniang Panlalawigan. Si Zabala ay nagsampa ng kasong administratibo laban kay NEA Administrator Edith Bueno matapos na magtalaga ng PS sa CANORECO.

Bigo man na mailusot ang nasabing panukala, naniniwala pa rin si Bokal Mike Canlas na napapanahon ang naturang panukala dahilan sa mas nararapat na makapagtalaga na ng isang maituturing na Totoong General Manager upang tuluyan nang maging normal ang daloy ng CANORECO. Hindi rin naitago ni Bokal Canlas ang kanyang pagkadismaya sa pangyayari at panghihinayang sa kinahinatnan ng kanyang resolusyon.

Nag uulat,

Rodel M. Llovit

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *