Nais marinig ni Vice Governor Jonah Pimentel ang paliwanag ng ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na hindi sumipot sa kanilang usapang pagbisita sa tanggapan ng bagong District Engineer ng DPWH na si D.E. Elmer Redrico.
Nitong nakatalikod na sesyon ng SP noong Marso 19, 2014, napagkasunduan na pumunta sa nasabing tanggapan kinabukasan ang naturang mga opisyal sa layuning mabatid ang status ng isinasagawang Labo Bridge #2 sa Brgy Bulhao ng naturang bayan.
Nakarating na rin sa kaalaman ng SP ang umanoy mabagal na konstruksyon ng nasabing tulay na una nang nakapagrelease ang DBM ng humigit kumulang 150 milyong piso para sa phase 1 ng naturang proyekto.
Hindi pa malinaw sa ngayon kung ano na ang estado ng naturang gawaing tulay kung kayat nais na malaman ng Sangguniang Panlalawigan ang plano dito ng bagong Dist. Engr ng DPWH.
Isa pa sa layunin ng pagtungo doon ay para alamin ang eksaktong bilang ng kurbada meron ang Maharlikha Highway simula Sta Elena hanggang Bayan ng Basud bilang bahagi ng pinaplano ni Board Member Pamela Pardo na maideklara ang Camarines Norte bilang “Zigzag Capital of the Philippines”.
Sa mga hindi nakadalo tanging si Bokal Bong Quibral ang nakapagpaalam na hindi darating dahilan sa tumutulong ito sa pagbibigay ng impormasyon sa kanyang mga kabarangay sa Labo para sa Multi-Services Caravan ng kapitolyo sa naturang bayan na ginanap naman ngayong araw, Marso 21, 2014.
Nagpauna na si Vice Gov Pimentel sa kanyang mga kasamahan na ang kanyang hihingiin ay paliwanag lang naman para mabatid kung ano ang mga kadahilanan ng mga ito sa hindi pagdalo. Wala naman anya itong ibang masamang pakahulugan at kanya namang irerespeto anuman ang mga rason ng mga kasamahan.
Donde Consuelo/Rodel Llovit
CNNews