KALESA, SAKAY ANG 12 KABATAAN, NAHULOG SA GILID NG ILOG SA BRGY SAN ISIDRO DAET!

Nahulog sa gilid ng Daet River ang isang kalesa habang sakay ang labing dalawang mga kabataan habang patungo sa Basketball Court ng Brgy San Isidro sa bayan ng Daet kamakalawa ng gabi, Marso 22, 2014.

Mula sa Purok 5, patungo ng basketball court para manood ng Liga ang nasabing mga kabataan, sakay ng kalesa nang biglang mag “Wild” ang kabayo at dumire-diretso sa bahagi ng ilog-Daet.

Sa ulat ni Nardz Hernandez ng Kadamay Network, PBN-DZMD sa kanilang programang Bicol Target, tatlo lamang umano sa labing dalawang sakay ang nakatalon mula sa kalesa habang ang natirang siyam ay kasamang nahulog sa malalim na bangin sa tabing ilog.

Maswerteng hindi na nakarating pa sa bahagi ng tubig ang kalesa at sa tabing ilog lamang nakarating ang mga biktima. Kung nagkataon umano ayun sa mga residente na mataas ang ilog ng oras na maganap ang aksidente ay posibleng inanod ang mga ito patungo sa karagatan ng bayan ng Mercedes.

Puro galos sa katawan ang inabot ng mga sakay na kabataan habang nabalian naman ang kabayo bunsod ng aksidente.

Wala na rin ni isa sa mga biktima ang isinugod sa ospital dahilan sa wala namang naging malubha sa mga ito.

Agad ding pinag tulungan ng mga residente sa naturang lugar na maiahon sa pagkakahulog ang mga biktima maging ang kalesa at ang napilayang kabayo.

Pag aari ng isang Efren Dichoso ang karetela at minamaneho ng mismong anak nito na isa namang menor de edad.

Ang Barangay San Isidro ang nag iisang Barangay na lamang sa bayan ng Daet na tanging gumagamit pa ng kalesa bilang kanilang transportasyon.

 Nag uulat,

Rodel Macaro Llovit

Leave a Reply

Your email address will not be published.