ADMINISTRATIVE CASE CERENO -VS- ANG WALA NANG PAGDINIG NA MAGAGANAP! PAGSUSUMITE NA LAMANG NG POSITION PAPERS, NAPAGKASUNDUAN NG MAGKABILANG PANIG!

Wala nang magaganap na pagdinig sa Sangguniang Panlalawigan hinggil sa kasong administratibo na kinakaharap ni Mayor Agnes Ang na isinampa naman ni Ginoong Gabriel Cereno.

Kaninang umaga, Marso 27, 2014, sa kauna-unahang pre-trial conference, sa binuong quasi-judicial body, napagkasunduan ng kampo ng magkabilang panig na magsusumite na lamang sila ng kani-kanilang position papers bilang kanilang mga argumento at depensa na hindi na magkakaroon pa ng aktwal na pagdinig.

Pinahintulutan naman ito ng SP kung kayat kanina sa nasabing pre-trial conference,  ayun sa temporary presiding officer na si Board Member Bokal Pamela Pardo na nakatakda silang magpalabas ng sulat sa magkabilang panig kaugnay ng napagkasunduan. Dito ay bibigyan lamang nila ng labing limang araw, simula sa pagtanggap nila ng sulat ang bawat kampo upang isumite ang nasabing mga position papers.

Dito na babase ang mga miyembro ng SP para sa kanilang magiging desisyon. Hanggang isang daan at dalawampung araw lamang ang ibinibigay sa kanila ayun sa rules para tapusin ang kahalintulad na usapin.

Ayun kay bokal Pardo, sa pamamagitan ng executive session isasagawa ang pagdedesisyon at walang sinumang miyembro ng media na papahintulutan na makapasok sa executive session upang hindi sila maapektuhan o para maiwasan ang anumang destructions sa maselang bahaging ito ng kanilang pagdedesisyon.

Anuman anya ang magiging kalalabasan ay malalaman din naman ng mga miyembro ng media at maaari na silang makipag-ugnayan sa sinuman sa mga miyembro ng hunta. Iniiwasan lamang muna sa ngayon ng mga miyembro ng SP na magsalita anumang may kaugnayan sa merito ng kaso na ipinagbabawal din ayun sa alituntunin.

Nilinaw din ni Pardo na limitado lamang din hanggang sa suspension ang kanilang pwedeng ipataw sa akusado sakaling mapatunayan itong guilty. Subalit sa ngayon ay wala silang ideya sa kung ano ang magigiging desisyon ng bawat isa at kanya-kanya naman umano sila sa kanilang mga desisyon hinggil sa kaso.

CNNews

Leave a Reply

Your email address will not be published.