Pinabubuksan muli ng National Electrification Administration ang pagtanggap ng mga bagong aplikante bilang General Manager ng Camarines Norte Electric Cooperative.
Ito’y kasabay ng pagkadiskwalipika ng dalawang aplikante na sina Engr. Fernando N. Cruz at Engr. Zandro Gestiada na pawang mga kawani ng CANORECO.
Sa ipinadalang sulat kay CANORECO Board President Jesus T.L. Fernandez Jr. ni NEA Deputy Administrator for Electric Distribution Utilities Services Edgardo Piamonte nilinaw na sa isinagawang written examinations (Essay, IQ and EQ) na inadminister ng University of the Philippines noong April 30, 2013, tanging sina Engr. Cruz and Gestiada lamang sa siyam na examinees ang nagQualify na sumailalim sa initial interview ng komite na isinagawa naman noong Pebrero 6, 2014.
Subalit, ayun kay Deputy Administrator Piamonte, sa kabuuang resulta mula sa examinations at initial interview na isinagawa, lumalabas anya na ang dalawang aplikante ay hindi umabot sa required minimum average rating.
Kasunod nito, sa naturan ding sulat, inatasan na ng NEA ang CANORECO Board na magsumite na ng Board Resolution para sa re-advertisement o panawagan sa publiko para sa pagtanggap ng panibagong mga aplikante para maging General Manager ng kooperatiba.
Samantala, kahapon, sa regular session ng Sangguniang Panlalawigan, dumalo si CANORECO Project Supervisor Engr Wilfredo Bucsit para mag courtesy call sa nasabing hunta probinsyal.
Sa gitna ng mainit na mga isyung kinasasangkutan ng CANORECO, hindi rin nakatiis ang ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na magpaabot ng katanungan kay PS Bucsit.
Tanong mula kay Bokal Bong Quibral kung ano ang magiging papel ng PS at ng OIC, nilinaw ni Bucsit na mananatili ang trabaho ng OIC sa daily operations ng CANORECO, samantalang sya naman ang magsisilbing taga pagsupervise ng kabuuang operasyon nito at sya din ang magpapaimplement ng mga Board resolutions.
Hindi rin anya sya tatanggap ng sweldo mula sa CANORECO at pawang ang Board and Lodging lamang ang sagutin ng kooperatiba sa kanyang pananatili dito.
Nilinaw din nito na hindi naman maituturing na “ailing” ang CANORECO dahilan sa ito ay nasa category “B” sa ngayon. Bagamat may mga ilang mga nakitang kadahilanan ang NEA na kinakailangang maglagay pansamantala ng Project Supervisor base na rin sa mga impormasyong nakarating sa kanilang tanggapan at upang mapag-aralan at makatulong para maisaayos kung kinakailangan man.
CNNews