MAYOR AGNES ANG NG VINZONS PUMUNTOS NA NAMAN! 60-DAY SUSPENSION, TINANGGAL NA NG KORTE! SANGGUNIANG PANLALAWIGAN, TULOY PA DIN SA PAG DINIG SA KASO!

Pumabor kay Mayor Agnes Ang ng bayan ng Vinzons ang pinakahuling desisyon ng korte hinggil sa kasong administratibong isinampa laban sa kanya ni ginoong Gabriel Cereno kamakailan.

Magugunitang halos isang araw lamang noon matapos ang pagpapalabas ng suspension order, agad na nakakuha ang kampo ni Mayor Ang ng TRO mula sa korte kung kayat hindi nakaupo bilang OIC ang bise alkalde, kasusunod naman ang pag sampa ng motion for injunction ni Ang para sa nasabing quasi-judicial body na ginagampanan ng SP.

Kahapon, tuluyan nang nagtapos ang dalawampung (20) araw na Preventive Suspension na ipinataw dito ng Sangguniang Panlalawigan na nagsimula noong Marso 19, 2014 matapos na makakitaan ng probable cause ng mayorya ng naturang hunta.

Kahapon, Abril 1, 2014, ibinaba ng RTC Branch 41, sa sala ni Judge Arniel Dating ang desisyon na nag nagpapawalang bisa sa desisyon ng SP, partikular ang SP resolution No. 095-2014 at ang suspension order na may petsang March 3, 2014 habang nagpapatuloy ang pag-dinig o maliban kung ito ay ili-lift ng naturang korte.

Rason ng korte, na gayung ang nasabing Preventive suspension ay hindi naman itinuturing na kaparusahan, maaaring ito ay magdulot ng pagkabalam ng mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan lokal ng Vinzons sa kanilang mga mamamayan at gayundin na maaaring magdulot ng kalituhan sa lokal na pamamahala.

Higit pa sa lahat, binigyan diin sa naturang desisyon ang hindi pagkakakumbinse ng korte sa mga naging argumento ng kampo ng respondents para hindi mapagbigyan ang kahilingan ni Mayor Ang.

Kaakibat din sa nasabing desisyon ang pagpipigil kay Vive Mayor Radam Herrera na umupo bilang pansamantalang alkalde.

Gayunpaman, sa gitna ng naturang sitwasyon, magpapatuloy pa din naman ang pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan sa kasong nabanggit. Nito lamang nakatalikod na pre-trial conference, napagkasunduan ng kampo ni Ang at Cereno na sa pamamagitan na lamang ng position letter ang kanilang magiging laban. Labing limang (15) araw ang binigay ng SP sa magkabilang kampo para gawin ang nasabing mga written arguments. Hanggang isang daan at dalawampung (120) araw lamang ang ibinibigay ng rules ng quasi-judicial body para desisyunan ang kahalintulad na kaso. Sa panig naman ng korte, magpapatuloy din ito sa pagdinig sa mga kasong inihain ng alkalde dito.

kanina, tinangka ng Camarines Norte News na kunin ang pahayag ni Mayor Agnes Ang subalit tumanggi itong magbigay ng anumang pahayag base na rin sa payo ng kanyang manananggol. Hindi rin naman nagpaunlak ng panayam si Provincial Legal Officer Atty. Botor hinggil dito bagamat tiniyak nito na may mga susunod pa silang hakbang kaugnay sa mga pinakahuling development ng kaso.

CNNews

Leave a Reply

Your email address will not be published.