PRINCIPAL NG BATOBALANI ELEM SCHOOL PINARANGALANG MOST OUTSTANDING PUBLIC SCHOOL PRINCIPAL SA CAMARINES NORTE

Sa edad na 35 taon, si G. Antonio A. Maderal na School Principal I ng Batobalani Elementary School (BES) sa Bayan ng Paracale ang tininghal na 2013 Most Outstanding Public School Principal – Division Level ng Department of Education (DepEd), Camarines Norte.  Tinanggap niya ang parangal sa bahagi ng Managers’ Committee Meeting (MANCOM) ng DepEd Camarines Norte na idinaos sa Apolonia Hotel, Jose Panganiban.

Kaugnay nito, ipinalabas ng Sangguniang Panlalawigan ang Resolusyon Blg. 103-2014 bilang pagkilala kay G. Maderal na ipinakita ang dedikasyon sa mahusay na pag-AKSYON sa tawag ng kanyang tungkulin lalo’t higit ang maiangat ang kalidad ng edukasyon sa kanyang nasasakupan.  Ang naturang resolusyon ay iniakda nina Bokal Arthur Michael G. Canlas, Bise-Gob. Jonah G. Pimentel at Bokal Senen M. Jerez.

Hindi man tubong Paracale, si Maderal ay ginawaran ng ‘Galing Paracaleño Award 2014 ng LGU Paracale dahil sa unang taon pa lamang ng panunungkulan niya noong SY 2012-2013, ang BES ay tinanghal na ‘Brigada Eskwela 2013 Best Implementor (Exceptional Category) na nakopo ang unang puwesto sa division, regional, at national levels.  Sa pamumuno rin ni Maderal, pinarangalan ang BES bilang Cleanest and Greenest Public School ng Bayan ng Paracale.

Matatandaan na si Maderal na tubong-Jose Panganiban, Camarines Norte ay dating halal na Sangguniang Kabataan (SK) Chairman ng Brgy. Sta. Cruz ng naturang bayan. Una siyang naglingkod sa DepEd Camarines Norte noong 2004-2005 bilang teacher-in-charge ng San Pedro Elementary School at bilang head teacher ng Nakalaya Elem School noong 2006-2007 parehong sakop ng Jose Panganiban West District.

Noon namang SY 2007-2012, nanungkulan si Maderal bilang Principal I ng Gumaus Elementary School at simula SY 2012 hanggang sa kasalukuyan ay naglilingkod bilang Principal I ng BES.

LORENA DELA TORRE – IBASCO/JING ARIOLA-CALIMLIM

Community Affairs Office, Camarines Norte

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *