Nais tiyakin ni Bokal Erwin Lausin ng Sangguniang Panlalawigan na hindi maaapektuhan ng mga pagmimina sa Camarines Norte ang mga pinagkukunan ng inuming tubig ng mamamamayan ng Camarines Norte.
Kamakailan lang ay pinatawag ng SP sa inisyatibo ng Committee on Environmental Protection na pinamumunuan ni Board Member Lausin ang mga kinatawan ng mga water districts sa lalawigan partikular sa mga bayan ng Sta Elena, Paracale, Jose Panganiban water district at ang CNWD, upang alamin ang kalagayan ng mga pinagkukunan ng mga tubig nito.
Nabatid na karamihan sa mga pinagkukunan ng tubig ng mga ito ay hindi pa naidedeklarang protected watershed area na nanganganib na maapektuhan ng mga nagmimina sa mga kabundukan ng lalawigan.
Kaugnay nito, nakatakdang makipag ugnayan ang Sangguniang Panlalawigan sa mga Sangguniang bayan upang makatuwang nila sa pagpapadeklara bilang watershed area sa lahat ng mga lugar na pinagkukunan ng tubig ng nasabing mga water utilities.
Tinukoy din nito ang mga Barangay na syang unang tutukoy ng mga water source sa kani-kanilang barangay upang mas mapabilis ang pagwawagawa ng batas hinggil dito ng mga Sangguniang Bayan at maging batayan na din ng Sangguniang Panlalawigan.
Sa bayan ng Labo kung saan isa ito sa source ng tubig sa malaking bahagi ng Camarines Norte, unang nang pinadeklara ni BM Erwin Lausin noong konsehal pa sya ng naturang bayan ang 5-kilometer radius ng mga watershed doon bilang protected area. Samantala, hindi pa dito nakuntento si bokal Lausin sa naturang ordinansa kung kay’t inamiyendahan ito at ginawang 2-kilometers mula na mismo sa pinaka gilid ng watershed. Ito ay upang mas mapalawak ang sakop ng declared watershed. Nangangahulugan ito na hindi maaaring sakupin ng anumang mining claims ang mga naideklarang watershed area.
Samantala, ikinatuwa naman ni Bokal Lausin ang mga inisyatibo at mga programang isinasagawa ng Camarines Norte Water Distrcit sa pamumuno ni GM Nannette Boma partikular ang reforestation at patuloy na edukasyon sa publiko hinggil sa tamang pag aalaga ng kalikasan upang matiyak ang malinis na tubig na dadaloy sa kabahayan.
Samantala sa gitna ng napakaraming Mining Claims sa lalawigan ng Camarines Norte, mas papabilisan pa ng SP katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ang kanilang mga pagkilos hinggil dito bago pa man lamang tuluyang mamina ang mga ipagbabawal na lugar at sa harap na rin ito ng patuloy na pagbawas ng watersource sa lalawigan.
Nag uulat,
Donde Consuelo
Rodel Macaro-Llovit
CNNews Managing Editor