MGA PALPAK NA PATRABAHO SA MAHARLIKA HIGHWAY, BINISITA NG DPWH MANILA, MGA KONTRATISTA, HINDI BABAYARAN HANGGAT HINDI NAISASAAYOS LAHAT NG DEPEKTIBONG BAHAGI!

Hindi babayaran ng DPWH ang mga kontratistang may palpak na patrabaho sa kahabaan ng maharlika highway partikular sa isinasagawang “Annual Work Program for the upgrading and preservation project” ng nasabing lansangan sakop ng lalawigan ng Camarines Norte.

Nitong nakatalikod na miyerloles sa regular session ng Sangguniang Panlalawigan, sa committee report ni Board Member Gerry Quiñonez, bilang chairman ng SP Committee on Infrastructure and Public Works, inilatag nito ang mga naging resulta ng isinagawang ocular inspection ng mga kinatawan mula sa DPWH Manila, bilang tugon naman sa kanyang naunang SP Resolution No. 470 and 471-2013 requesting for the assessment to check the durability of the asphalt overlay in the Construction and Widening project along Maharlika Highway.

Pinangunahan nina Engr. Carlos P Ebora, OIC Engineer V, BQS and Engr. Julius C. Roma, Engineer II, BOD mula sa DPWH Manila para isagawa ang inspeksyon at assessment sa nasabing mga pagagawain nito lamang Marso 31, 2014 kasama ang mga kinatawan mula sa Engineering Department ng DPWH Daet at mismong si Bokal Gerry Quiñonez bilang Chairman ng Committee on Infrastructure and Public Works sa Sangguniang Panlalawigan.

Ang mga unang napaulat na depektibong bahagi ng proyekto, sa ilalim ng Annual Work Program, nabatid na ito na isinasagawa ng R.D. Policarpio & Co., Inc. sa kahabaan ng Maharlika Highway simula K0315+000 hanggang K0331+171 ang target ng nasabing isinagawang inspeksyon. Kasama din dito ang kahabaan ng mula K0345+214 hanggang K0357+000 sakop nito ang bahagi ng Malangcao Basud sa bayan ng Labo tungo sa Sitio Calambusing, San Felipe Basud.

Ayun sa ulat ni BM Gerry Quiñonez, una nang naisagawa ng ilang kontratista ang pagsasaayos ng mga depektibong porsyon ng asphalt overlay matapos ang kanilang unang isinagawang inspeksyon, bagamat wala pa umanong katiyakang matatag ang nasabing pagsasaayos. Ang mga isinagawa anyang pagsasaayos sa mga depektibong bahagi na naobserbahan na sub-standard ay minarkahan ng naturang mga opisyal ng DPWH para matukoy at makapagsagawa ng kaukulang aksyon. Magsasagawa din ng test and evaluation maging ang pagkuha ng samples ang DPWH para madetermina ang tibay ng proyekto.

Ang resulta ng nasabing mga inspeksyon ay isusumite mismong sa tanggapan ni DPWH Sec. Rogelio Singson para sa kaukulang aksyon. Bibigyan din ng sipi nito ang Sangguniang Panlalawigan para sa kanilang kaalaman sa magiging pagkilos ng DPWH hinggil dito.

Sa ilalim ng bagong panuntunan, ang mga kontratista na nagsasagawa ng mga proyektong pang pamahalaan ay saklaw ng liability period. Isang taon (1year) para sa defective warranty at limang taon (5 years) para sa structural warranty kung kayat ayun kay Quiñonez ay marapat lamang na maisaayos ito ng naturang kontratista dahil sakop pa ito ng nasabing warantiya.

Ayun pa rin sa panuntunan na ang sinumang kontratista na may palpak na proyekto ay mapananagot at hindi babayaran hanggat hindi naisasaayos ang depektibong proyekto. Kaugnay nito, inatasan na ng nasabing mga DPWH officials ang kinatawan ng R.D. Policarpio & Co., Inc. Construction at ilan pang mga humahawak ng kontrata sa naturang lansangan na agarang isaayos ang dapat na ayusin bago pa man lamang malagay sa alanganin ang lisensya nito bilang kontratista.

Nag uulat,

Rodel Macaro Llovit/Donde Consuleo

Leave a Reply

Your email address will not be published.