Isang billboard ngayon ang makikita sa mga pangunahing lugar sa bayan ng Vinzons hinggil sa pag tuligsa sa patuloy na pagkabalam ng pagpapasa ng Annual Budget ng Naturang bayan.
Nilalaman ng naturang billboard ang larawan ng isang tambak ng basura, at ang mga pangalan ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Vinzons na pumapabor sa pag arpuba at mga hindi pumabor.
Nakasulat dito ang mga sentimiyento ng mga residente ng Vinzons na lubha nang naaapektuhan ng nasabing umano’y away pulitika sa naturang bayan na ang mismong mga residente ang naapektuhan.
Tinukoy dito ang kawalan ng pondo para sa kalinisan ng Vinzons, para sa scholarshiop program, pasahod para sa mga Job Order, ang health center na hindi makapag operate at makapag serbisyo ng maayos at ilan pang serbisyo ng pamahalaang lokal na hindi makausad bunsod ng pagkabalam ng naturang pondo na dapat sana’y nagagamit na sa ngayon.
Narito ang nilalaman ng billboard na kumakalat na rin hanggang pati sa social media:
(Quote)
“PAANO ANG BAYAN KUNG WALANG BUDGET?
Nais po naming Ipaalam sa inyong lahat mga minamahal naming kababayan, na ang ANNUAL BUDGET PARA SA TAONG 2014 ay HINDI INAPUBAHAN ng SANGGUNIANG BAYAN. Nakakalungkot, nakakapanlumo.. Napakadaming magagandang programa, mga adhikain para sa taong bayan ang ninanais ng pamahalaan subalit para bang pilit na pinipigilan ang pag angat at pag uswang ng ating bayan.
Saan tutungo ang mga kabataang dumudulog sa pamahalaan na ang nais lamang ay makapag-tapos ng pag-aaral, makatulong sa magulang at sa lipunan, kung sa tuwing lalapit sila ay ang isasagot ay “Pasensya na, wala pa approved budget.” Ang mga kababayan nating umaasa, nananatiling buhay at pilit na lumalaban sa kahirapan, sila ang kababayan nating magsasaka, mga mangingisda, mga manggagawa at mga taong nagigipit na pinaglalaanan sana ng lokal na pamahalaan ng tulong pinansyal.
Ang ating Health Center na hindi lubos maibigay ang serbisyo para sa taong bayan dahil sa kakulangan o sabihin na nating dahil sa kakulangan ng gamot. Nais ba natin kumalat ang mga sakit sa ating bayan dahil sa nagkalat na basura sa kapaligiran? Paano ang mga kababayan natin na manggagawa na ilang buwan ng nagtitiis ng walang sahod? Silang nagsususmikap na itaguyod ang mga pamilya subalit pinagkakaitan ng karapatang pantao….KARAPATANG MABUHAY NG MARANGAL…..KARAPATANG MAGING BAHAGI NG LIPUNAN….Ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Vinzons….sila na nagkakaroon na ng mababang moral, mga taong may magandang adhikain at magagandang ideya na mananatili na lamang sa sulok ng diwa at mawawalan ng talas sa pag hubog tungo sa pag-unlad ng bayan.
Bakit hindi natin isaalang-alang ang interes ng nakararami at hindi ang pansariling kapakanan? ANO NGA BA ANG TUNAY NA DAHILAN? KULAY NG PULITIKA? ANO ANG EPEKTO NITO SA TAONG BAYAN?”
NARITO ANG RESULTA NG BOTOHAN PARA SA 2014 ANNUAL BUDGET :
Mga pumabor sa pag apruba:
Konsehal Ligaya Heraldo, Jay Pimentel, Lydia Racelis, Eddie Raro, Padi Villafranca
Mga hindi pumabor:
Konsehal Oliver Ferre, Jose, Segundo, Raul Elep
Hindi bomoto: Konsehal Augorio Guinto
(End of Quote)
Nitong nakatalikod na sesyon ng SB Vinzons, biglaang isinulong ni konsehal Lydia Racelis ang pagpapa-apruba sa kanilang annual budget na matagal nang nakahanay sa unfinished business. Bagamat may pag tutol dito ang ilang miyembro ng konseho, pinangalawahan naman ito kasabay ng pag tutol. Nauwi sa division of the house ang usapin at lumabas ang 5-pabor vs 3-kontra at isang abstain bilang resulta.
Nabatid na hindi ito inaprubahan ni Vice Mayor Radam Herrera ang nasabing Ordinansa dahilan sa ay limang boto ay hindi pa umano maituturing na mayorya. Rason ng Bise alkalde na isinasaad umano sa batas hinggil sa pag apruba ng annual bduget ay kinakailangang majority ng kabuuang kasapi ng isang konseho. Ibinilang ni Vice Mayor Herrera ang kanyang sarili sa bilang kung kaya’t itinuring nitong sampu lahat sila sa konseho na pagbabasehan ng bilangan.
Bagay na kinuwestyon naman ng kampo ni Mayor Agnes Ang. sinabi nito na klaro ang resulta na kung bibilangin ay mayorya sa siyam na miyembro ng Sangguniang Bayan ng Vinzons ang lima. hindi naman anya dapat na kabilang ang bise alkalde sa bilangan dahilan sa hindi naman ito kasama sa mga magbobotohan bilang presiding chair. Anya, magkakaron lamang ng karapatan ang presiding officer na bomoto kung magkakaroon lamang ng tie. sa pagkakataon anyang ito ay hindi pa sya(vice mayor) maituturing na kabilang sa mga boboto. kung kayat ang bilang ng mga miyembro ay siyam lamang, at dito malinaw na majority ang lima.
Magugunitang makailang ulit nang nagpabalik balik sa tanggapan ni Mayor Agnes Ang at Sangguniang Bayan ng Vinzons ang nasabing budget subalit patuloy itong hindi nakakalusot sa naturang konseho munisipal.
May mga ilang probisyon mula sa Executive Budget na isinumite ni Mayor Agnes Ang, ang hindi pinapalusot ng Sangguniang Bayan bunsod ng umanoy hindi naayon sa panuntunan at mga kwestyonableng pinaglalaanan.
Samantala, una na ring nabanggit ni Mayor Agnes ang sa Camarines Norte News ang labis na pagtataka nito kung bakit patuloy na iniipit sa SB Vinzons ang nasabing budget gayung naisaayos na mana nya ang mga dapat ayusin base sa rekomendasyon ng Sangguniang Bayan at Sangguniang Panlalawigan.
Isa umanong malinaw na pulitika ang nakikita dito ng alkalde kung bakit patuloy itong binabalam ng ilang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Vinzons.
Samantala, makikita sa mga pumabor sa nasabing pag apruba ng Annual Budget si Konsehal Jay Pimentel, na kilalang kalaban sa pulitika ng alkalde. labis iktong ipinagtaka ng ilan sa biglang pag pabor ng batang Pimentel sa naturang kontrobersyal na budget.
Paliwanag ni Pimentel sa eksklusibong panayam ng CNNews ang kanyang pag pabor dito ay may kalakip na kundisyon. Ito ay ang pagbabalik sa listahan ng mga recipient ng ARCP 2 ang Brgy Aguit-it na una nang inalis umano ng alkalde sa kanyang isinumiteng executive budget. Bukod dito ay ang ilan pang pagbabago sa ilang bahagi ng naturang budget na kanilang kinukwestyon.
Labis din ang kanyang panghihinayang sa milyon milyong pisong pondong ipagkakaloob ng ARCP 2 para sa bayan ng Vinzons na hindi matutuloy kung hindi sila makapag bibigay ng counterpart. Kinakailangang maaprubahan ang budget ngayong taon para makapaglaan dito ng pondo para sa naturang counterpart.
Naniniwala si Konsehal Pimental na sa kanyang pananaw ay marapat talaga na magkaroon sila ng isang approved budget at hindi ang re-enacted budget. Malaki anya ang magiging kawalan nito sa bayan ng Vinzons at posibleng masakripisyo ang serbisyo ng pamahalaang lokal kung wala silang aaprubahang budget sa ngayong taon.
Hindi rin nya gugustuhin na ang mamamayn ng Vinzons ang magsakripisyo at maapektuhan ng alitan ng mga mismong mga opisyal. Nais lamang din umano nya na matiyak na magiging maayos ang implementasyon ng mga proyekto at pag gastos ng pondo sa pamamagitan ng transparency o ang pagkakaroon ng kaalaman ng Sangguniang Bayan sa kung papano ito ginagastos.
Samantalang naniniwala naman si Mayor Agnes Ang na nasa tuwid na direksyon ang kanyang pamamahala sa bayan ng Vinzons bilang alkalde. Kinakailangan lamang anya nya ang suporta ng Sangguniang Bayan at hindi ang pang aabala ng mga ito.
CNNews