Pasado na sa 3rd and final reading sa Sangguniang Bayan ng Daet ang ordinansang isinulong ni konsehal Sherwin Asis para sa pag bubuo ng isang item para sa tanggapan Municipal Disaster Risk Reduction Management Office MDRRMO ng bayan ng Daet. Ito ay susog sa Republic Act 10121 may kaugnayan sa Disaster Risk Reduction and Management program ng pamahalaang nasyunal.
Sa kasalukuyan ay pansamantala lamang ang tanggapan ng MDRRMO at pawang “designate” lamang ang item para sa namumuno dito na si Municipal Administrator Santiago Mella Jr. Pawang mga Job Order lamang ang mga nakatalagang manggagawa na gumagalaw ngayon para sa nasabing tanggapan.
Sakaling mapirmahan na ni Mayor Tito Sarion at dumaan na sa mga kaukulang proseso ang nasabing ordinansa, ay ganap na itong maipatutupad at bubuksan. Bagamat nilinaw ni konsehal Sherwin Asis na hindi pa agaran sa ngayon itong mapag lalaanan ng pondo dahilan na rin sa hindi pa ito nakasama sa kasalukyang pondo ng pamahalaang lokal ng Daet para ngayong 2014. Subalit, sa mga huling quarter ng taon ay maaari na ring makapag talaga ng personaheng mamumuno dito bilang isang regular na department head.
Wala pa mang tinutukoy ang mga opisyal ng LGU daet, matunog na ang pangalan ni Municipal Administrator Mella at isa pang elected official ang posibleng maitalaga sa nasabing posisyon.
Sa pagkakabuo ng nasabing item, magsasagawa na ng budget ang Munisipald Budget Office ng Daet para sa mga gastusin dito sa loob ng isang taon para sa sweldo at Maintenance and other operating expenses MOOE at ilan pang gastusin. Magtatalaga din ng tatlong regular staff sa naturang tanggapan para sa operasyon nito.
Nag uulat,
Rodel Macaro Llovit
CNNews