Matapos na maipasok na para sa unang pagdinig sa Sangguniang Panlalawigan ang Ordinansang isinusulong ni Board Member Pamela Pardo na magreregulate sa paggamit ng plastics o non-biodegradable materials sa Camarines Norte, isinalang na ito kanina (May 20, 2014) para sa Public Hearing. Dinaluhan ito ng mula sa iba’t ibang sector partikular ang mga negosyante na maaaring maapektuhan, gayundin ang mula sa mga namamaranggay.
Umikot ang talakayan hinggil sa kung ano ang magiging mga pagbabawal at penalidad at maging ang kung sino ang magpapatupad nito.
Ilan sa mga ipagbabawal ay ang labis na paggamit ng mga plastic bags sa mga palengke at grocery stores at ilan pang mga tindahan, paggamit ng Styrofoam at ilan pang mga plastics na maaari namang iwasang gamitin at maaaring palitan ng mga bio-degradable materials.
Tinukoy din ang mga exemptions katulad ng mga bilihin na hindi maiiwasan ang paggamit ng plastics, katulad ng lalagyan ng mga hilaw na karne, isda, bakery goods, medicines, mga pagkaing may sabaw o mga perishable items at ilan pang mga kagamitan na rasonable ang paggamit ng plastics.
Hindi lamang sa plastic bags nakatuon ang nasabing iminumuknang batas, kundi maging sa lahat na mga non-biodegradable materials na makikita sa pang araw na araw. Maging ang pagsusunog ng plastics sa mga barangay ay sasakupin ng naturang ordinansa, o anumang makadaragdag sa pagkasira ng ozone layer.
Sa mga food chains at convenient stores, sinabi ni Bokal Pardo na may mga sumusunod na din naman sa ngayon na pawang mga recyclable materials na ang ginagamit na pambalot ng kanilang mga produkto. Bagamat ilan sa mga rekomendasyon sa mga ito ay gumamit ng mga reusable na kubyertos katulad ng kutsara, tinidor, ceramic plates, bowl para sa mga dine in costumers, samantalang bio-degradable naman ang kinakailangang gamitin para sa mga magte-take out.
Samantala, sa mga magnenegosyo naman ng pagbebenta ng ng mga reusable bags, kinakailangan lamang din anyang maregulate ang presyo ng mga ito sa pamamagitan ng Department of Trade and Industry upang mabantayan ang posibleng pananamantala ng mga negosyante na magbebenta ng nasabing mga reusable o bio-degradable bags.
Narito ang unang rekomendasyon para sa parusa at penalidad sa mga paglabag:
PAGLABAG PENALIDAD
1st Offense 4 hours community service OR multang Php100.00
2nd Offense 6 hours community service OR multang Php300.00
3rd Offense 8 hours community service OR multang Php500.00
May kaakibat din itong pagkakakulong na hindi lalagpas ng dalawang taon bilang pinakamataas na penalidad sa mga paulit-ulit na lalabag.
Samantala, ayon naman kay Brgy 2, Daet, Punong Brgy Nestor Dalida na babaan ang bilang ng oras para sa penalidad na community service, nirekomenda nito ang mga sumusunod:
PAGLABAG PENALIDAD
1st Offense 1 hours community service OR multang Php100.00
2nd Offense 2 hours community service OR multang Php300.00
3rd Offense 3 hours community service OR multang Php500.00
Or depende sa maaaring ipataw ng mga implementing agency ng nasabing ordinansa.
Para naman sa mga hindi nakarating sa public hearing kahapon, sinabi ni Bokal Pardo na kanilang susulatan ang may-ari ng mga establishimento na hindi dumating upang ipaabot kung ano ang napagkasunduan sa naturang pagdinig. Sakali anyang meron din silang mga rekomendasyon ay maaari din naman itong maikonsidera.
Kaugnay naman sa implementasyon, tinukoy ni Pardo ang mga lokal na pamahalaan, kasama ang Barangay na syang magpapatupad nito. Kinakailangan lamang din anyang magkaroon ng citation ticket ang LGU para gamitin sa pagpapatupad nito sakaling maaprubahan. Mas nais ni Pardo na ang Barangay ang syang pangunahing magpatupad nito upang maging aware ang bawat namamaranggay at magiging karagdagan pa itong pondo sa kanila bilang trust fund mula sa mga magmumulta.
Sa kasalukuyan ay isa ang bayan ng Daet sa may umiiral nang ordinansa kaugnay ng pagregulate ng paggamit ng plastics sa mga pamilihan, grocery items o sa anumang tindahan. Kaugnay nito, sinabi ni Pardo na wala naman magiging problema sa implementasyon nito at kinakailangan lamang na maging tugma ang magiging nilalaman ng ordinansa. Bukod pa sa mas malawak ang saklaw ng kanilang proposed ordinance na tumutukoy sa pangkalahatang paggamit ng non-biodegradable materials.
Sakaling maaprubahan ang nasabing proposed ordinance, maaari anyang bumuo ang mga barangay ng task force na magpapatupad nito.
Sa mga susunod na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ay muling isasalang ang nasabing proposed ordinance para sa deliberasyon sa ikalawa at ikatlong pagdinig.
Umaasa naman si Pardo na agaran itong makakalusot sa kanilang hunta dahilan na rin anya sa urgency ng nasabing batas upang maagapan ang patuloy na pagkasira ng kalikasan. Naniniwala din ang naturang bokal na ang ganitong uri ng batas ay kinakailangan ang unti-unting pagpapatupad bago tuluyang maisabuhay ng bawat mamamayan ng lalawigan.
Tatlong taon ang inilalaan sa nasabing proposed ordinance bago tuluyang i-ban na ang lahat ng mga dapat ipagbawal na mga non-biodegradable materials, pangunahin na dito ang Styrofoam.
Rodel L./Donde C./Lino M.
Bay Radio/CNNews