VILMA JALGALADO-BARCELONA, PINAAARESTO NG KORTE SA KASONG PAMIMILI NG BOTO!

VILMA JALGALADO-BARCELONA, PINAAARESTO NG KORTE SA KASONG PAMIMILI NG BOTO!

Iniutos ni Judge Roberto A. Escaro ng Regional Trial Court Branch 64 ang pagpapaaresto kay Ginang Vilma Jalgalado-Barcelona, ang ina ni Camarines Norte 1st District Representative Catherine Barcelona-Reyes sa kasong umano’y pamimili ng boto nitong nakatalikod na 2013 local elections.

Sa kasong PEOPLE OF THE PHILIPPINES (Complainant) Versus VILMA JALGALADO-BARCELONA (Accused) na may Criminal Case No. 2013-2418 sa pag labag sa Sec. 261 ng BP Blg. 881 o Omnibus Election Code, tinukoy na korte na may sapat na batayan ang kasong isinampa laban kay Jalgalado-Barcelona para ipaaresto ito.

Ang kaso ay isinampa laban kay ginang Barcelona buwan ng Hunyo 2013, o halos ilang araw pa lamang pagkatapos ng eleksyon.

Sa pag-aaral ng korte sa mga ebidensyang isinumite ng kampo ng akusado at ng kanyang testigo at sa karagdagang resolusyon na isinumite ng prosekusyon na may petsang June 9, 2013, wala umanong nakikitang sapat na dahilan ang korte para mabago ang unang findings nito ng pagkakaroon ng sapat na batayan sa kaso na maaaring nagawa nga ng akusado ang nasabing krimen kung kayat kinakailangan talagang ituloy na ito sa pagdinig sa korte. Samantala, ang pagkaantala umano ng Petition for Review na isinampa ni Ginang Barcelona sa Department of Justice (DOJ) ay hindi rin maaaring makapigil sa pagpapalabas ng warrant of arrest para dito. Tinukoy ng korte ang Section 11(c) of Rule 116 ng Rules of Criminal Procedures, tanging ang pagbabasa lamang ng sakdal

(arraignment) ang maaaring masuspinde sa loob ng anim na pung (60) araw na bibilangin simula pagsampa ng petition for review.

Ayun pa sa korte, wala na rin magiging kinalaman at walang magiging puntos ang mosyon na manggagaling sa prosekusyon sa pag-aaral ng kung meron o walang sapat na batayan ang isang kaso tungo sa pag-iisyu ng aresto de mandamiento dahil ang nasabing bagay ay nasa eksklusibong tungkulin na ng huwes sakaling maisampa na sa kanila ang impormasyon. Pinagbatayan nito ang Baltazar Versus People (G.R. No. 174016, July 28, 2008, 560 SCRA 278, 293-294). Susog ito sa Sec 6, Rule 112 ng Rules of Criminal Procedure.

Sa harap ng mga paliwanag na ito, iginawad ng korte ang desisyon para arestuhin si Ginang Vilma Jalgalado-Barcelona bilang pagpapatibay sa una nang desisyon ng korte noong Hunyo 28, 2013 na kinakitaan ng sapat na batayan ang naturang kaso laban sa ina ni Kinatawan Catherine Barcolena-Reyes at tiyahin naman ng dating Kinatawan Renato “Jojo” Unico Jr.

Miyerkoles, Mayo 21, 2014 nang ibaba ni Judge Roberto A. Escaro ang nasabing desisyon kalakip ang pagtatakda ng piyansang umaabot sa labindalawang libong piso (P12,000.00) para sa pansamantalang kalayaan nito.

Samantala, base naman sa hindi pa kumpirmadong impormasyon, nasa labas ng bansa umano ang akusado at hindi pa batid kung kelan ito babalik sa probinsya. Hindi pa rin naman nabatid ng Camarines Norte News kung nakapaglagak na ng piyansa si Ginang Barcelona hanggang sa isinusulat ang balitang ito.

UPDATE: (Thru Short Messaging System SMS) May 24, 2014 – 6:00pm

Sa pamamagitan ni Board Member Mike Canlas na kilalang kaalyado ng mga Barcelona, ipinaabot nito ang reaksyon ng akusado hinggil sa naturang usapin. Anya,  relax lamang umano at kampante si Ginang Barcelona kaugnay sa nasabing kaso dahilan sa kaya nilang harapin at idepensa ang kanilang panig sa korte. Ikinalungkot lamang umano ni Barcelona ang pangyayari na mas nauna pa ang kalabang kampo na nagkaroon ng kopya ng nasabing desisyon at maging ang local at national media na nagamit para palakihin, atakehin ang pamilya Barcelona at bahiran ang anilay magandang pangalan at imahe ni Congresswoman Catherine Barcelona-Reyes.

Sinabi pa ni Bokal Canlas na hanggang sa ngayon, Mayo 24, 2014 (6pm) ay wala pa ring natatanggap na kopya ang kampo ng akusado ng nasabing warrant of arrest. Nakahanda din anyang maglagak ng piyansa si Barcelona dahilan sa ito ang isinasaad ng batas. Hindi rin anya ito nangangahulugan na guilty na o may sala na si Ginang Barcelona.

Normal at pangkaraniwan na rin anya ang pagtulong at pagiging samaritano ng nasabing pamilya, may pulitika man o wala, na pinag-isipan at kinaiinggitan pa anya ng ibang tao ayun pa kay Canlas.  Samantala, hindi na rin nabanggit ni Canlas kung nasaan ngayon si Barcelona na napaulat na nasa labas ng bansa.

CNNews

Leave a Reply

Your email address will not be published.