
Hindi pa alam ng Sangguniang Bayan ng Daet kung hanggang kelan mareresolbahan ang problema sa transformer ng Legislative Building ng Pamahalaang Lokal ng Daet sa Brgy Pamorangon.
Nitong mga nakatalikod na sesyon ng SB Daet, hindi na rin naiwasan na mapag usapan ang tila Christmas Lights na daloy ng kuryente sa nasabing gusali.
Naipatawag na rin si Municial Engr. Jesus Fernandez sa sesyon at sinabi nitong wala naman problema sa electrical wirings ng Legislative Building kundi mismo ang transformer lamang nito. Hindi anya, kinakaya ng kasalukuyang ginagamit na transformer ang load ng kuryente na ginagamit ngayon ng gusali.
Napagusapan din kung magkano ang maaaring gastusin para sa pag bili ng tatlong transformer para dito. Ikinagulat ng ilang miyembro ng Sangguniang Bayan partikular ni Konsehal JonJon Coreses nang mabanggit ang halagang 670,000.00 bilang kabuuang halaga nito. Maging ang bise alkalde ay aminadong napakataas nga ng nasabing halaga.
Nag ugat ito ng pag imbita sa mga authorized dealers ng transformer sa lalawigan upang makapag tanong ng tunay na halaga ng nasabing ekipahe. Posibleng ilan sa mga maiimbitahan ay sina Ginoong Varin, Nagera, Ferrer at Lukban na pawang mga may awtorisasyon mula sa CANORECO para mag benta ng nito. Ipapatawag din sa kanilang darating na en banc session ang kinatawan ng CANORECO kung meron itong maaaring maipahiram sa munisipyo habang naghihintay ng pondo. Habang isa pang kawani ng munisipyo ang iimbitahan din matapos na mabatid na galing sa mesa nito ang presyong 670K na halaga ng nasabing transformer bilang quotation.
Sa usapin naman ng budget, sinabi ni Vice Mayor Ahlong Ong sa Panayam ni Junjun Quibral sa kadamay network PBN-DZMD na wala pang tiyak na mapagkukunan ng pondo para sa nasabing transformer.
Pinag aaralan pa umano ng bise alkalde kung walang magiging problemang legal kung maaaring makapaghihiram o uutang muna sila sa kung kaninumang supplier ng transformer habang wala pang pondo para dito ngayong taon. Kung sakali anyang hindi ito maaari o naaayon sa batas, ay wala umano silang magagawa kundi mag tiis muna sa matinding init ng panahon ngayon na walang maayos na daloy ng kuryente. Nabatid din na hindi lamang ang SB Daet ang okupante ng naturang gusali kundi maging ang Local Civil Registrar, TESDA at ilan pang opisina.
Ipinagtataka lamang ng ilang okupante ng gusali na kung bakit nakalusot at natapos ang nasabing gusali na hindi napaghandaan ang ganitong sitwasyon na wala palang kakayahan ang transformer na inilagay dito.
Sa ngayong taon, hindi pa kasama sa budget ang pagbibili ng transformer kung kayat hindi pa malinaw kung hanggang kelan magtitiis ang mga okupante dito sa init ng mga opisina sa gitna ng el nino na dinaranas ngayon ng bansa.
CNNews