Hindi na naitago ni Konsehal Felix Abaño ng Sangguniang Bayan ng Daet ang pagkairita dahilan sa tila lumalabas na ang pamilya Abaño ang itinuturong dahilan ng pagkadelay ng patrabaho ng Mabulao Bridge sa F. Pimentel Avenue
Idinaan ni konsehal Abaño ang kanyang saloobin sa pamamagitan ng Privilege Speech at inihayag na hindi nito nagugustuhan ang mga lumalabas na ulat mula sa DPWH na ang kanilang kaanak ang tila dahilan sa nasabing napakabagal na usad ng proyekto na ginawa pa anyang “sangkalan” ang kanilang pamilya ng kabagalan ng naturang proyekto.
Ayun pa kay Abaño, na kung talagang may pinanghahawakang batas ang DPWH ay maaari na nila itong ipatupad at wag nang kaladkarin ang kanilang pangalan dahilan sa napakaliit lamang naman itong lupa para ipagkait pa ng pamilya Abaño. Muling pina-alala ng 3-termer councilor na hindi madamot ang kanilang pamilya kung lupa lang naman ang pag-uusapan. Binanggit nito ang mga paaralan, sementeryo, simbahan, palengke, at ang eco-athletic field at ilan pang mga pampublikong lugar na mga lupaing kanilang ipinamigay para sa kapakinabangan ng mamamayan. Napakaliit
naman anya ng 1.5 meters lamang kung ito pa ang magiging dahilan ng pagkakaladkad ng kanilang apelyido sa usapin pa ng kakarampot na lupa.
Isang malaking miscommunication at miscoordination umano ang nakikita nya dito kung kayat nauwi sa ganito ang naturang usapin. Nitong nakatalikod na linggo, maaga pang dumating ang bunsong anak ng may-ari ng lupa na si Ginang Marissa Abaño Sy na kumatawan sa pamilya hinggil sa nasabing usapin. Wala naman anyang nakitang pagtutol ang pamilya Abaño sa nasabing paggigiba ng bahagi ng ginagawang tulay subalit kinakailangan lang naman na mapaabisuhan ng maayos ang mga nagmamay-ari ng naturang istrakturang masasakop.
Sa mga susunod na araw ay malalaman na rin kung ano ang mga naging laman ng pag-uusap ng mga anak ng may-ari ng lupa at inaasahan din naman ni Konsehal Felix Abano na hindi ito ang magiging dahilan ng pagkabalam pa ng proyekto dahil madaling kausap ang kanilang pamilya kung ganito lang naman ang pag-uusapan, lalo pa’t ito ay para sa mamamayan at matagal na silang tumutulong sa bayan ng Daet.
Bukas, May 27, 2014, alas 9 ng umaga, personal na tutungo ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Daet at iimbitahan si Dist. Engr. Elmer Redrico para makasama sa mismong pagawain para sa ocular inspection.
CNNews