MGA FISH CAGES SA BAYAN NG MERCEDES, PINATATANGGAL NA NG LGU! FISH CAGE OWNERS, UMALMA!

MGA FISH CAGES SA BAYAN NG MERCEDES, PINATATANGGAL NA NG LGU! FISH CAGE OWNERS, UMALMA!

Seryoso ang pamahalaang lokal ng bayan ng Mercedes sa pagpapatanggal ng mga fish cages sa ilang bahagi ng karagatan ng naturang bayan.

Magugunitang matagal na ring inirereklamo ng ilang resort owner ang nasabing mga fish cages na nagsisilbi umanong eye sore sa naturang isla.

Sa ngayon ang mga resort sa mga Coastal Barangays ng Mercedes ang isa sa mga dinarayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.

Sinabi ni Municipal Agriculture Officer (MAO) Rowella De Los Reyes ng bayan ng Mercedes, na wala namang mga kaukulang permit ang nasabing mga fish cages mula sa pamahalaang lokal at wala rin itong ipinapasok na buwis sa kanilang lokal na pamahalaan.

Nitong nakatalikod na linggo, nagpatawag na ng dayalogo ang pamahalaang lokal ng Mercedes at dinaluhan ito ng mga fish cage owner, resort owners, Brgy Officials at MAO.

Naging laman umano ng usapan ang paggigiit ng mga fish cage owner na bigyan sila ng kompensasyon kung tatanggalin ang kanilang mga straktura. Tutol naman dito ang munisipyo dahilan sa matagal na panahon umanong kumikita ang nasabing mga negosyante ay wala man lang naipasok na buwis sa pamahalaang lokal. Ilan pa sa naging laman ng nasabing usapin ay maaari pa din naman ibalik ang nasabing mga istraktura subalit kinakailangan nang kumuha ng kaukulang permiso sa pamahalaang lokal ng Mercedes at sumailalim sa regulasyon. Marapat din umanong removable ang nasabing mga fishcages na ilalagay para madaling alisin o ilipat kung kinakailangan.

Sa ngayon, sa gitna ng pagmamatigas ng mga fish cage operators, ay inirekomenda na ni Agriculture Officer De Los Reyes kay Mayor Alex Pajarillo na tuluyan nang madismantle ang nasabing mga istraktura.

Ito ay sa harap na rin ng nalalapit na National Dragon Boat Competition na gaganapin sa naturang bayan partikular sa Brgy. Cayucyucan ngayong Hunyo 13 at 14, 2014.

Lumalabas na hanggang sa ngayon tila hindi pa nagkakasundo ang mga fish cage owners at pamahalaang lokal at pinangangambahang mauwi sa sapilitang pagtatanggal nito kung patuloy na magmamatigas ang nasabing mga negosyante bago sumapit ang nasabing kompetisyon.

CNNews

Leave a Reply

Your email address will not be published.