Malapit nang mapuno ang Sangguniang Panlalawigan sa patuloy na pang iisnab ni Mines and Geosciences Bureau MGB Regional Director Rommel Pestaño sa kanilang imbitasyon.
Hindi lamang ito ang unang pagkakataon na hindi sinipot ng naturang opisyal ng MGB ang imbitasyon ng SP hinggil naman sa issue ng Miniral Exploration sa bahagi ng Mt Labo
Kahapon, hindi tinanggap ng SP ang ipinadalang kinatawan ni Pestano sa kanilang regular na sesyon na si Engr. Ricardo Nacional para sumagot sa mga katanungan ng SP.
Nag ugat ang nasabing pagpapatawag matapos na hindi magustuhan ng mga miyembro ng SP ang naging katugunan ni Pestano sa resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan na hinihiling na alisin ang ipinagkaloob nitong explration permit sa Mt. Labo Exploration and Development Corp na nagsasagawa ng eksplorasyon sa Mt Labo. Pangamba ng SP na sisirain ng nasabing explorasyon o hanggang sa pagmimina ang watershed area sa nasabing kabundukan na pinagkukunan ng tubig sa walong bayan ng Camarines Norte.
Una na ring idinahilan ni Director Pestaño na wala pa naman umanong “No Go Zone Map” sa nasabing lugar kung kayat hindi maaaring bawiin ang naipagkaloob na exploration permit.
Kahapon, agarang kinuwestyon nina Bokal Romeo Marmol at Bong Quibral ang representasyon ni Engr. Nacional sa paliwanag na hindi ito ang kanilang inimbitahan. Maging ang naturang kinatawan ni Dir. Pestaño ay naniniwala din na mismong ang kanyang boss ang marapat na sumagot sa mga katanungan ng SP.
Mula kay Vice Governor Jonah Pimentel hanggang sa lahat ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ay masidhi ang hangarin na mapigilan ang nasabing explorasyon sa pangambang sila ang sisihin ng mga susunod na henerasyon pag tuluyang nasira ang pinagkukunan ng malinis na inuming tubig ng mamamayan ng Camarines Norte.
Sinabi rin ni Board Member Gerry Quinonez na base sa nakakarating na imporasyon sa kanya ay nagpapatloy sa ngayn ang exploration ng naturang kumpanya sa kabila ng matinding pag tutol ng pamahalaang panlalawigan.
Maging ang Camarines Norte Water District Board of directors ay nagpasa na rin ng resolusyon na sumusuporta sa pagkilos ng Sangguniang Panlalawigan sa pagtutol sa nasabing explorasyon. Nagpasa din ng kahalintulad na resolusyon ng pagsuporta ang Sangguniang Barangay ng Tulay na Lupa.
Nanawagan na rin ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa lahat ng Lokal na Pamahalaan ng Labo, Daet, Basud, San Vicente, San Lorenzo Ruiz, Vinzons, Talisay at Mercedes na samahan na sila sa labang ito bago tuluyang maging huli ang lahat.
Sa huling pagkakataon ay muling magsasagawa ng pag imbita ang Sangguniang Panlalawigan sa naturang opisyal. Magugunitang nitong mga nakatalikod na sesyon ay lumutang ang pagbabanta ng SP na idedeklarang Persona-Non-Grata si Pestano dahilan sa tila kawalan nito ng malasakit sa magiging kahihinatnan ng bundok labo na pinagkukunan ng inuming tubig ng mga taga Camarines Norte. Sakaling hindi pa rin ito dumating, ay possible na itong tuluyang ideklarang persona non grata sa pamamagitan ng resolusyon.
Donde Consuelo/Ricky Pera
CNNews