Haharangin ng Sangguniang Panlalawigan ang paglalabas ng mga produktong mineral mula sa lalawigan ng Camarines Norte sakaling hindi sumunod sa ordinansa ang mga mining companies na nag ooperate nito.
Kaninang umaga (June 3), sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, halos iisa ang saloobin ng bawat miyembro ng SP sa paggigiit na kailangang sundin ng mga mining operators ang isinasaad sa ordinansang ipinasa ng naturang hunta hinggil sa pagbibigay ng proteksyon sa kalikasan ng lalawigan.
Inihayag ni Vice Governor Jonah Pimentel sa harap ng sesyon ang umano’y nakatakdang paglalabas ng tone-toneladang iron ore o hindi pa tiyak na mina na mula umano sa bayan ng Jose Panganiban ang Investwell Mining Corporation. Base sa kanyang nakalap na impormasyon, hanggang sa Hunyo 10, 2014 na lamang ang huling araw bago tuluyang ibiyahe sa pamamagitan ng cargo ship o barko ang nasabing mga mineral.
Sa harap nito, nagbanta naman si Board Member Gerry Quinonez, ang pangunahing nagsulong ng ordinansa na hihilingin nya sa gobernador na magpalabas ng Cease and Desist Order (CDO) upang mapigilan ang operasyon gayung wala pa itong anumang pagpapaalam o permiso mula sa pamahalaang panlalawigan o walang respeto sa kanilang ordinansa na nagpoproteksyon sa kalikasan ng lalawigan.
Alinsunod sa ordinansa, kinakailangan munang dumaan sa pamahalaang panlalawigan ang sinumang mga mining companies at mag comply sa lahat ng requirements bago ito bigyan ng kapahintulutan sa kanilang operasyon. Iminungkahi ni Vice Governor Pimentel kay Bokal Quinonez na agapan ang kahilingan sa gobernador para sa pagpapalabas ng CDO dahil baka tuluyan na itong makalabas sa ika 10 ng kasalukuyang buwan. Sakali anyang makalusot ito, lalabas na katawa-tawa. Ito rin anya ayun kay Pimentel ay magsisilbing pagsubok sa ordinansa ng lakas nito.
Naitanong din ni Bokal Tess Malubay sa gitna ng deliberasyon kung nabigyan ng kopya ng ordinansa ang nasabing kumpanya. Ipinaliwanag ng Bise Gobernador na kahapon din, Hunyo 2, 2014 binigyan na nya ng kopya ng ordinansa ang mga kinatawan ng Investwell upang malaman nito ang batas ng probinsya patungkol sa nasabing pagmimina. Muli nitong inilatag ang doktrina ng “Ignorance of the Law, excuses no one”. Subalit sa harap nito ay hindi rin anya nagkulang ang SP sa pagpapaabot ng impormasyon sa mga magmimina sa lalawigan simula ng isinasagawa pa lang ang nasabing ordinansa. Mula sa pagpapatawag sa public hearing, consultation hanggang sa publication mismo ng batas. Hindi rin batid ng bise gobernador kung dumadalo ang Investwell sa nasabing mga pagpapatawag.
Naitanong din ni Bokal Malubay kung saklaw ng “Governor’s Task Force” ang pagsisiyasat sa paglabas at pagpasok ng mga produktong mineral na minimina at tinatransport ng mga malalaking kumpanya. Iminungkahi na din ni malubay na isama na ito sa trabaho ng Task Force gayung ito naman ay naka pwesto sa mga exit at entrance points ng Camarines Norte, at maging sa ilang mga estratihikong lugar.
Tinanong naman ni Board Member Renee Herrera kung ano ang ginagawa ng PNP hinggil sa ganitong mga bagay. Sagot ni Pimentel na hindi pa naman itinuturing na illegal ang nasabing operasyon lalo pa’t hindi pa naman nailalabas ang naturang mga mineral. Sakali anya na tangkain na itong ilabas ng hindi nagpapaalam sa pamahalaang panlalawigan at sumunod sa mga isinasaad sa ordinansa, dito pa lamang ito ituturing na illegal at maaari na itong galawan ng pulisya. Subalit sa kabila nito ay aminado si Pimentel na hindi na nila batid kung patuloy ang pagmimina sa ibat ibang lugar sa lalawigan at kung nagpapatuloy din ang paglalabas ng mga produkto, kung kayat sa pamamagitan ng mga pagkilos nila sa ngayon ay inaasahan nito na matutugunan ang nasabing suliranin. Binigyan diin nito na hindi makatarungan kung patuloy na minimina ang kalupaan ng Camarines Norte na wala man lang nakukuha ni konting sentimo ang probinsya.
Samantala, dinagdagan naman ni Bokal Bong Quibral ang mga impormasyon hinggil anya sa posibleng nanggagaling sa Barangay Napaod at Benit ang nasabing kontrobersyal na mineral na nakatakdang ilabas ng lalawigan. Isang sulat ang tinukoy ni BM Quibral na nagmula anya sa isang Nerissa Barcelona na nagpapatunay ng ilang mga kaganapan ng pagmimina sa ilang Barangay sa lalawigan. Kinukwestyon din ni Quibral kung bakit pumapasok at ini-entertain pa sa SP Session ang mga Mining Companies gayung lalabas na tinotolerate na ang pagmimina sa lalawigan. Binigyan diin nito na mas mayaman ang balat ng lupa kung saan ito ang nagiging sakahan na pinagkukunan natin ng mga pagkain, kumpara sa ilaim ng lupa o ginto na iilan lamang ang nakikinabang. Nilinaw naman ni VG Pimentel na mas mabuti nang bigyan ng pagkakataon na makapag explore ang mga mining companies na kumikilala sa ordinansa probinsyal at sumusunod sa mga alituntunin kesa sa mga santambak na mga nagmimina na wala man lang pasintabi sa mamamayan at gobyerno ng lalawigan habang patuloy ang kanilang operasyon.
Hinggil naman sa pangamba ni Bokal Bong Quibral na pinagdududahan na sila ng ilang mamamayan na sila ay nasusuhulan ng mga mining companies, sinabi ni Pimentel na ang pagkakapasa ng ordinansa at ang pag-iimbita sa mga nagmimina na dumalo sa sesyon ang magpresenta ng kanilang mga proyekto ay isang patunay na walang suhulang nagaganap hinggil dito.
Sinuportahan naman ni Bokal Senen Jerez ang argumento ng kanyang mga kasamahan at sinabing sa usaping ito ay iisa ang tinig ng kabuuan ng Sangguniang Panlalawigan. Katulad ni Bokal Quinonez, hiniling din nito sa gobernador na makapagpalabas ng CDO kung talagang ito na ang kinakailangan.
Sa gitna ng mainit na talakayan, bahagya naman itong inawat ni Bokal Mike Canlas. Sinabi nito na kailangang magdahan dahan ang SP, lalo pa sa pag-impose ng revenue lalo pa’t napapaulat na ang Investwell Mining Corp at kilalang ka partner ng BOHAI TOP Mining Corpration na sinasabing pawang mga illegal dahil small scale mining permit lamang ang hawak ng mga ito.
Kaugnay nito, napagkasunduan ng SP na personal na puntahan na bukas mismo ang tanggapan ng MGB upang alamin ang status ng mga permit ng mga ito, gayung ang MGB anya ang nag-iisyu ng mining o exploration permit sa mga mining companies. Bukod sa MGB, tutungo din ang ilang miyembro ng SP sa mga tanggapan ng Phil Coastguard at Phil Port Authority (PPA), hinggil naman sa paglalabas ng mga produktong mineral ng lalawigan sa pamamagitan ng mga barko.
CNNews