Umapela sa pamamagitan ng isang petition letter ang mga magulang at studyante ng Camarines Norte State College hinggil sa problema ng mga ito sa kanilang enrolment, partikular ang ilang mga scholars ng dalawang kinatawan ng lalawigan.
Nabatid na hindi na tinatanggap sa naturang paaralan para mag enrol ang mga scholars na may mga unpaid balances mula sa kanilang mga sponsors na kongesista bunsod na rin ng pag tanggal ng Pork Barrel ng mga kinatawan sa bansa.
Apat ang naging kahilingan ng mga ito. Una ay ang pagpapalawig ng enrolment period hanggang June 13. Nabatid na nito pang nakatalikod na araw ng Biyernes, June 6, 2014 pormal na nagsarado ang enrolment sa CNSC at ayun sa impormasyon ay napakarami pang estudyante ang hindi nakahabol sa nasabing deadline.
Pangalawang kahilingan ay gawing installement at babayaran buwan buwan ang kakulangan ng mga estudyante. Pangatlo, ay tanggapin ang kanilang mga promisory letter na ginagarantiyahan ng mga magulang ng mga apektadong estudyante at ang pang apat ay magamit na ang na granted scholarship fund ng ilang scholars para sa unang semester na mai-offset sa 2nd semester balances.
Hindi bababa sa dalawang daang estudyante at magulang ang nakalagda sa nasabing petisyon na ipinadala sa tanggapan ni CNSC President Dr. Monsito G. Ilarde.
Kahapon, araw ng sabado, sa follow up ng Camarines Norte News, nabatid na may ilang estudyante na, na tinanggap na umano ang promisory note. Napag alaman din na wala sa kanyang opisina ang pangulo ng naturang paaralan kung kayat hindi pa rin batid kung ano ang kahihinatnan ng kanilang pakiusap sa paaralan.
Umaasa ang mga magulang at estudyante na magiging maunawain ang pamunuan ng Camarines Norte State College dahil na rin sa hirap ng pamumuhay sa ngayon. Hindi rin naman umano nila kagustuhan ang nangyaring iskandalo sa Prok Barrel ng mga mambabatas at hindi rin marapat na sila ang magdusa ng pagkakamali at kasalanan ng ilang mga indibidwal at opisyal ng sa bansa.
Rodel Macaro LLovit
CNNews
Photos by: JP De Leon