INVESTWELL MINING CORP, KINILALA NA NG SP MATAPOS NA MAGLAGAK NG 4.2M SA PROV. TREASURY BILANG PAG SUNOD SA ORDINANSA!

INVESTWELL MINING CORP, KINILALA NA NG SP MATAPOS NA MAGLAGAK NG 4.2M SA PROV. TREASURY BILANG PAG SUNOD SA ORDINANSA!

Itinuturing ngayong tagumpay at puntos para sa Sangguniang Panlalawigan ang pag bayad ng INVESTWELL Mining Corporation ng halagang umaabot sa 4.5 milyong piso bilang pagtalima sa Provincial Ordinance No. 32-2013 o batas na magpoproteksyon sa kalikasan ng Camarines Norte.Labis ang naging katuwaan ni Board Member Gerry Quinonez, ang may akda ng naturang ordinansa, sa kanilang regular na sesyon kahapon matapos na makumpirma ang paglagak ng nasabing halaga sa provincial treasury kasama ang karagdagang 300 thousand pesos para naman sa accreditation fee.

Mula sa pagiging tila kontrabida, kinikilala na ngayon ng Sangguniang Panlalawigan ang INVESTWELL MINING CORPORATION na una nang naging kotrobersyal hinggil sa balakin nitong maglabas ng mineral ore mula sa bayan ng Jose Panganiban. Isinulong ni Board Member Senen Jerez ang resolusyon para sa pag appreciate sa INVESTWELL bilang kauna-unahang mining company na kumilala at tumalima sa kanilang ordinansa. Habang hindi naman sinang-ayunan ni Bokal Mike Canlas ang nasabing resolusyon sa dahilang hindi na anya kanilangan pa ito dahil ito ay kanilang obligasyon at marapat lang naman na tumalima sila dito. Sa katunayan, ayun sa bokal, nagulat sya sa bilis ng mga pangyayari na bigla na lamang lumabas ang naturang resolusyon. Sa kabila ng pagtutol ni Bokal Canlas, at dahil sa pag sang-ayun naman ng mayorya, naaprubahan din naman ang naturang resolusyon ni Jerez.

Magugunitang nitong mga nakatalikod na sesyon, mismong si Vice Governor Jonah Pimentel ang nag ulat sa kanyang mga kasamahan sa SP, hinggil sa pag daong ng isang barko sa pantalan sa Jose Panganiban na nakatakdang maglabas ng mga mineral ore mula sa lalawigan.

Nag ugat ito ng personal na pag bisita ng ilang miyembro ng SP sa pangunguna VG Pimentel sa tanggapan ng Mines and Geo Sciences Bureau para linawin ang napakaraming usapin ng pagmimina sa lalawigan.

Isa ito sa napag alaman sa tanggapan ng MGB matapos na maipakita sa kanila ang mga dokumentong nagapatunay ng legalidad umano ng operasyon ng INVESTEWLL Mining Corporation.

Sa panig ng may akda ng ordinansa na si Bokal Gerry Quinonez, sinabi nito na mas makabubuti na rin na nakapag pasa sila ng naturang ordinansa dahilan sa makikinabang din ang Camarines Norte sa yamang mineral ng lupang nasasakupan. Kumpara noong mga nakatalikod na matagal na panahon na wala ni isang kusing ang napupunta sa pamahalaan habang patuloy na minimina ang mga lupain ng Camarines Norte.

Alinsunod sa ordinansa, dalawang piso (2.00) ang sisingilin sa bawat metriko toneladang miminahin at ilalabas ng lalawigan. Sa ngayon ay umaabot sa 21 libong metriko tonelada ang nakatakdang ilabas ng INVESTWELL kung kayat umakyat sa 4.5 milyong piso ang binayaran nito sa tanggapan ng ingat yaman ng kapitolyo. 60% nito ay mapupunta sa trust fund na maglalayong magamit sa rehabilitation, reforestation, preservation ng mga masisirang likas yaman ng lalawigan at ang 40% naman ay mapupunta sa mga proyekto ng pamahalaang panlalawigan na pakikinabangan naman ng mga mamamayan.

Samantala, sa follow up ng Camarines Norte News kay Vice Governor Jonah Pimentel, nabatid na pansamantala umanong pinatitigil ng tanggapan ng MGB ang operasyon ng INVESTWELL Mining Corporation. Ito umano sa dahlan na rin sa usapin ng claim dispute sa pagitan nito at isa pang Mining Company sa nasabi ring lugar. Nais muna umano ng MGB na maresolba ang gusot sa pagitan ng dalawang kumpanya bago muling makapagpatuloy ng operasyon ang mga ito. Papayagan munang mailabas ang mineral ore na nakahanda nang ikarga sa barko dahilan na rin sa nabigyan na ito ng clearance ng naturang sangay ng DENR.

Kamakailan lang din ay napaulat ang pagpapalitan ang diumano ng putok ng baril mula sa mga security guards ng magkalabang kumpanya na nag ugat naman sa pag rekomenda ni PNP Provincial Director Moises C. Pagaduan sa kanilang mga higher officials na tanggalan na ng armas ang mga security guards ng dalawang kampo at ang PNP na lamang ang mag momonitor ng seguridad at kapayapaan sa nasabing pinag aagawang lugar.

 Rodel M. Llovit/Ricky Pera

Uploaded by: Jeffrey De Leon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *