Sa kabila ng pagsipot ni Mines and Geo-Sciences Bureau OIC Regional Director Teodore Rommel Pestaño sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, hindi pa rin dito tuluyang natapos ang usapin hinggil sa inirereklamong exploration permit na ibinigay sa Mt. Labo Mining and Development Corporation.
Unang inilatag ng SP ang kanilang usapin tungkol sa posibleng pagkasira ng watershed area na pinagkukunan ng inuming tubig ng malaking bahagi ng mamamayan ng Camarines Norte. Inamin ni Pestaño na umaabot sa 1.8 kilometers sa tinutukoy na watershed area ang layo ng exploration ng nasabing Mining Company, kung kayat tiniyak nito na kanyang aatasan na i-urong ng Mt. Labo Mining and Dev’t Corp. ang kanilang operasyon papalabas sa dalawang kilometrong protected watershed area.
Inilatag ni MGB RD Pestaño sa kanyang pahayag sa SP na iiwasan ang watershed area na unang tinukoy bilang Solomonic Solution sa nasabing gusot. Kasama dito ang pag bubuo ng isang Technical Group para magsagawa ng pagpa-plot sa tutukuying ang Watershed Area.
Subalit tila hindi pa rin naging katanggap tanggap sa panig ng ilang miyembro ng SP sa Solomonic Solution ni Pestaño. Sa inilabas na mga larawan ni Board Member Erwin Lausin na kuha mula sa nasabing kabundukan, makikita ang mga maliliit pang mga bukal ng tubig (water spring) na magpapatunay ng hindi lamang sa loob ng dalawang kilometrong idineklarang watershed area mayroong water spring. Lumalabas na maging sa labas ng dalawang kilometro ay may mga source pa rin ng malinis na tubig na dapat pa ring proteksyunan, Kung kayat nag dulot ito ng mas mariing pag-tutol mula sa mga miyembro ng SP sa anumang exploration o mining activity doon.
Sa panayam ng Camarines Norte News kay BM Gerry Quiñonez, SP Committee Chairman on Environment, sinabi nito na hindi nya ito titigilan hanggat hindi tuluyan umaalis ang exploration activity sa naturang kabundukan. Anya, kanyang inirekomenda kay Director Pestano na hindi lamang pauurungin ang nasabing Mining Company kundi tuluyan na itong patigilin at palayasin sa naturang lugar.
Muling binigyan diin ni Quiñonez na sya ring author ng Prov. Ordinance No. 32-2013 o Environmental Protection Ord. na walo sa labing dalawang bayan ng Camarines Norte ang nakikinabang sa pinakamalinis na inuming tubig sa bansa na mula sa Mt. Labo. Ayaw ng naturang opisyal na sa mga susunod pang henerasyon ay hindi na ito mapakinabangan o maranasan. Balak pa ng Sangguniang Panlalawigan na iparating ang nasabing usapin sa tanggapan ni DENR Secretary Ramon Paje upang humingi ng rescue sa nasabing opisyal bago pa man lamang maging huli ang lahat.
Maging ang Camarines Norte Water District din ay nagbabalak na ipadeklara bilang protected area ang buong area na ini-explore ngayon ng nasabing Mining Company. Una na rin itong nagpasa ng isang Board Resolution bilang suporta sa pagkilos ng Sangguniang Panlalawigan hinggil sa pag poproteksyon sa watershed area ng lalawigan.
Sa pagtatapos ng sesyon, ay hindi pa din naman tuluyang natuldukan ang naturang usapin at muli na lamang itatakda ang mga susunod pang pag uusap hinggil dito. Hindi pa din naman nakapagbigay pinal na desisyon ang SP hinggil sa nasabing usapin, samantalang hindi rin naman nagdesisyon si Pestaño kung susundin ang rekomendasyon ng ilang SP Members na tuluyan nang palayasin sa nasabing lugar ang naturang mining company at palipatin na lamang sa ibang lugar sa lalawigan.
Rodel M. Llovit
CNNews