Punong puno ng hinagpis ang mga deboto na Patron ng San Roque sa Brgy V sa bayan ng Daet hinggil sa planong pag demolish sa mismong kapilya ng naturang patron.
Ilang araw na ang isinasagawang pag vigil ng mga residente sa nasabing barangay matapos na mabatid na nagpalabas nan g kautusan ang korte pabor sa umanoy tunay na nag mamay-ari ng lupa na kiinatitirikan ng naturang chapel.
Kanina, July 3, 2013, alas singko ng hapon , isinagawa ang isang banal na misa bilang pagpapakita ng kanilang naisin na hindi matuloy ang pagbawi ng lupa.
Napag-alaman ng Camarines Norte News na bukas, July 4, 2014 nakatakda nang ipatupad ng sheriff ang pag papadlock sa naturang simbahan base na rin sa kautusan ng korte pabor sa nagmamay-ari na pamilyang Gullion.
Magugunitang matagal nang panahon ang nasabing usapin at kamakailan lamang tuluyang nakapag palabas ng desisyon ang korte hinggil sa nasabing pagbibigay ng karapatan sa pamilyang umaangkin dito.
Ayun sa mga nakatatanda, ang kapilya ng San Roque sa Brgy V, ang kauna-unahang Chapel na naitayo sa kasaysayan ng bayan ng Daet, at sinundan ng Peñafrancia sa Brgy VIII. Naitayo ito ng taong 1948, anim na put anim (66) na taon na ang nakaraan.
Sinabi ni Ginoong Alex Madi, Pangulo ng San Roque Friday Club, isang grupo na sumusuporta sa pastoral council ng nasabing Brgy, labis ang kanilang kalungkutan sa pangyayari.
Isang matandang ginang ang maluha-luhang nagpahayag ng sama ng loob hinggil sa pangyayari. Anya, hindi pa sya pinapanganak, naitayo na ang nasabing chapel. Bitbit ang mga lumang dokumento, pilit nitong ikinakatwiran na nai-donate na ang nasabing lupa ng mga magulang o ninuno ng pamilyang umaangkin dito. Labis nitong ipinagtataka kung bakit ganito ang nagging desisyon ng korte hinggil sa nasabing dispute.
Gayunpaman, ayun sa kanila, wala silang magagawa kundi irespeto kung anuman ang desisyon ng korte. Wala din umano silang plano na alisin o kunin ang imahe ni San Roque sa loob mismo ng chapel. Ipapaubaya nila sa may-ari ng lupa kung ilalabas nila ito o kung saan dadalhin, doon na lamang nila ito kukunin at pagawan ng sariling tahanan.
Sa isinagawang Misa kanina, nakita din ang suporta ng mga opisyal ng barangay at mga kilalang personalidad sa nasabing lugar. Namataan ng Camarines Norte News sina Kgd. Alex Ternida, Kgd. Crisanto Raymundo, Kgd. Ferdie Chua at dating punong Barangay Augusto Magana na pawing iisa ang saloobin ng kalungkutan hinggil sa mga pangyayari. Anila, nakatali din ang kanilang kamay gayung korte ang nag uutos ng pagbawi ng lupa. Gayunpaman, buo ang kanilang suporta sa anumang magiging hakbangin ng mga deboto ng kanilang patron.
Maging ang kilalang Media personality at MDD-CNTV Owner and Manager Myrna Deligero na tubong Brgy V ay dumalo din sa nasabing banal na misa bilang pagpapakita ng suporta.
Bukas, July 4, 2014, alas 8 ng umaga, nakatakda na ang pagpapasarado (padlock) ng nasabing chapel at inaasahan din ang pag dagsa ng mga residente at deboto ng mahal na patron San Roque bilang pagpapakita ng kanilang matinding hinanakit sa kinasapitan ng pinakamatandang chapel dito sa bayan ng Daet.
Nabatid din na maging ang iba pang mga miyembro ng pastoral council mula sa iba’t ibang Barangay sa Daet ay tutungo din sa kapilya ni San Roque upang ipakita din ang kanilang pakikidalamhati sa sinapit ng tahanan ng kanilang patron.
-Rodel Llovit
CNNews