Tiniyak ni Camarines Norte Electric Cooperative CANORECO Project Supervisor at Acting General Manager Engr. Wilfredo Bucsit na maibabalik sa mga miyembro konsumedores ang labis na nakolekta ng kooperatiba sa mga ito sa sa mga panahon ng 2011 to 2013.
Kamakalawa, dumalo si PS Bucsit sa sesyon ng Sangguniang Panlalwigan upang upang humingi ng sertipikasyon mula sa naturang hunta hinggil sa kanilang aplikasyon ng rate adjustment sa Energy Regulatory Commission ERC.
Bahagya lamang natalakay ang hinggil sa nasabing sertipikasyon sa halip ay umikot ang usapin matapos ang tila naging pag-uulat ni Engr. Bucsit sa SP hinggil sa Over and Under Recovery ng CANORECO sa mga miyembro konsumedores nito.
Sa nasabing ulat, binanggit ng naturang opisyal ang limang components ng over and under recovery. Una rito ang GENERATION RATE, na pinass-on nila sa kanilang mga miyembro na umabot sa 1.6 Million subalit kulang ang kanilang nakolekta sa mga miyembro, kung kayat ikinunsidera itong under recovery.
Sa TRANSMISSION RATE, nagkulang din sa koleksyon ang ang canoreco, SYSTEM’S LOSS, malaki ang over recovery na umabot ng 11 milyong piso. LIFE PLAN RATE, kulang din ang naging koleksyon, at labis naman ang naging koleksyon para sa SENIOR CITIZEN’S DISCOUNT.
Sa kabuuan, lumalabas sa record, may malaking halaga na kinakailangang isoli ang CANORECO na kanilang labis na nakolekta sa mga panahon ng 2011 hanggang 2013.
Sa harap nito, sinabi ni Acting General Manager Bucsit na nakapagsagawa na sila ng hearing sa Energy Regulatory Commission nitong nakatalikod pang Hunyo 20, 2014. Ito anya ay bahagi ng proseso bago sla makapagsagawa ng pag sosoli ng labis na nakolekta sa kanilang mga miyembro.
Hindi na rin ito maisosoli sa pamamagitan ng cash dahilan sa anya’y nagamit na sa operasyon ng CANORECO ang nasabing halaga. Iaawas na lamang umano ito sa mga susunod na billing ng mga konsumedores sakaling maaprubahan na ng ERC ang kanilang refund for consumers.
QUESTION AND ANSWER
Nagbalik-tanaw naman si Bokal Romeo Marmol hinggil una nilang natuklasan na over collection ng CANORECO nito ang mga nakatalikod na mga taon na umabot humigit kumulang 88M pesos. Bagay ng kinumpirma naman umano ng ERC matapos bigyan sila ng sipi kaugnay ng nasambit na over collection. Tugon ni Bucsit, hindi na ito inabot ng kanyang hawak na datus ngayon dahil simula 2011 to 2013 lamang ito. Gayunpaman, sinabi ng opisyal na unti unti na mana din itong ibinabalik sa mga miyembro konsumedores at makikita anya ito sa mga billing ngayon ng CANORECO.
Itinanong din ni Marmol ang hinggil sa paniningil sa lahat ng mga miyembro konsumedores para sa Senior Citizen’s discounts at maging ang ilang miyembro ng nasabing sector ay kinokolektahan din. Paliwanag ni Bucsit, hindi lahat ng senior citizens ay saklaw ng nasabing diskwento. Tanging ang mga Senior Citizen lamang na nag kokonsumo ng hindi lalagpas sa 100kilowatt ang makaka-avail ng nasabing benepisyo.
Itinanong naman ni Bokal Renee Herrera kung saan kukunin ang pang refund sa mga miyembro at kung ito ba ay hindi maaapekto sa operasyon ng kooperatiba. Paliwanag ni Bucsit na meron naman pagkukunan at hindi din naman ito kalakihan. Meron naman anyang allowance dahil hindi naman ito eksakto sa kanilang computation sa maintenance and operation expenses.
Nilinaw din nito na hindi naman anya talaga dapat na kumikita ang kooperatiba gayung ito ay non-profit cooperative kung kayat magsasagawa na lamang sila ng adjustment sa mga gastusin upang matugunan ang nasabing refund. Malabo din anya ang pangamba ni Bokal Herrera na bumagsak ang CANORECO dahil meron naman silang planning para sa takbo ng operasyon at hinggil sa pananalapi. Meron din anya silang mekanismo na sinusunod o software na ginagamit partikular ang ICPM – Integrated Computerization P_______ Model kung saan lahat ng datus ay dito ipinapasok, katulad ng historical data at forecast data.
Hinahanap din naman ni Bokal Gerry Quiñonez kung saan napunta ang over collection sa mga consumers. Aminado si AGM Bucsit na nagastos na ito sa operasyon ng CANORECO. Hindi na rin nag kumento si Bucsit hinggil sa naunang over collection na umaabot sa humigit-kumulang 88M dahil hindi na rin naman nya ito inabutan. Tanging ang 5M over collection lamang nitong taong 2011 to 2013 ang laman ng kanyang pag uulat.
Ipinagtataka naman ni Bokal Senen Jerez kung bakit sa kabila ng sinasabing computerized monitoring system na ipinatutupad ng CANORECO ay nangyayari pa ang mga kahalintulad nitong mga over cocllections. Nirekomenda ni Jerez kay Vice Governor Jonah Pimentel na ipagpatuloy ang kanilang isinasagawang pagbabantay at pag bubusisi sa CANORECO upang matiyak na hindi nalulugi ang mga miyembro konsumedores dahilan lamang sa pagkukulang at pagkakamali ng iilang opisyal ng kooperatiba. Tahasan nitong sinabi na ito ay isang uri ng kapabayaan sa panig ng mga namamahala ng CANORECO.
Nilinaw naman ni Bokal Pol Gache ang hinggil sa orihinal na pakay ng appearance ni Engr Bucsit sa Sanguniang Panlalawigan. Ang sertipikasyon mula sa SP na ipinabatid dito ang kanilang application for rate adjustment sa ERC ang tanging pakay ng nasabing opisyal ng CANORECO na isa sa mga requirments sa aplikasyon nito sa rate adjustment. Bagay na hindi nakakakitaan ng relevance ng SP sa nasabing requirement gayung wala naman silang kapangyarihan hinggil dito. Wala rin silang kapangyarihan na aprubahan o i-disapprove ito.
Samantala, hinggil naman sa hinihinging sertipikasyon para sa rate adjustment, tinukoy ni Bucsit ang tariff Glide Path,(inaudible on recording) kung saan, dito umano sinusukat ang performance ng isang kooperatiba. Kung maganda ang performance ay maaaring makapag rate increase, at pag mababa naman ang performance ay bababa din ang rate ng kuryente.
Sinabi ni Bokal Pol Gache na tinitiyak nya na bababa ang rate ng CANORECO dahil sa nakikita nyang very poor ang performance ng CANORECO sa ngayon. Bagamat pabor ito sa mga miyembro konsomedores, ikinalulungkot din ito ni Marmol dahil nangangahulugan ito ng pagbaba ng kalidad ng serbisyo nito sa mga konsumedores. Gayunpaman, sinabi ni Gache na pabor pa rin sya sa pag baba ng rate ng kuryente at sakaling tataas naman ay tutol sila dito.
Naisingit din ni Gache sa talakayan ang hinggil sa overpricing na dalawang transformer ng binili ng CANORECO. Anya, bagamat tinutulan nila ang aplikasyon ng CAPEX na nagkakahalaga ng 500 milyong piso dahilan sa wala silang nakikitang magandang patutunguhan nito, hindi na mana sila kumontra sa pagbibili ng transformers para sa dalawang Sub Station sa 1st District ng Lalawigan dahil para naman ito sa development at serbisyo sa mga mamamayan.
Gayunpaman, ayun kay Gache, nagkaroon pa din ng over pricing sa nasabing 5M peso ransformer at cable wire na 13M, bagay na lumabas din sa NEA Audit Report kamakailan.
Sinabi ni AGM Bucsit na ang CAPEX ang inaprubahan ng ERC subalit hindi ang pera para sa nasabing proyekto kung kayat itinuring nga itong iregular.
Samantala, sa nasabi ding sesyon, nilinaw naman ni Vice Governor Jonah Pimentel na walang masama sa naging pakikialam ng SP sa usapin ng CANORECO. Tinanong pa mismo ni VG Pimentel si Engr. Bucsit kung mali ba ng kanilang ginawa at kung nagbunga ba ito ng maganda para sa publiko. Positibo naman ang naging pag tugon ni Engr. Bucsit sa pagsasabing maganda ang naging bunga ng pagkilos ng SP hinggil sa nasabing mga suliranin.
Samantala, hinggil naman sa usapin ng hinihinging sertipikasyon ng CANORECO hinggil sa rate adjustment nito sa ERC, sinabi ni VG Pimentel na bagamat wala silang direktang kapangyarihan para i-approve o i-disapprove ito, papasok anya dito ang prinsipyo ng “Representative Governance”. Dito maaari nilang katawanin ang mga miyembro konsumedores at direktang makapag pahayag ng sentimiyento sa mismong tanggapan ng ERC.
Inamin din ni Pimentel na mismong kagustuhan nila na makapag appoint ang NEA ng Project Supervisor para sa CANORECO na mismong manggagaling sa regulatory agency, upang maiwasan ang pagdududa ng publiko na sila ay nakikialam sa operasyon ng kaooperatiba sa gitna ng maiinit na issue.
Sa usapin naman ng over collection, ikinalungkot ni Vice Governor Pimentel na wala nang pag asang maibalik pa ito mismo sa mga miyembro konsumedores, sa paniniwalang manggagaling din mismo sa mga miyembro ang i-paparefund sa mga ito. Wala din naman anyang ibang pwedeng pagkunan ng pera ang kooperatiba kundi sa mismong mga miyembro din nito. “Gisa sa sariling taba” ang terminong ginamit ng Bise Gobernador sa nasabing sitwasyon.
Gayunpaman, positibo naman si Pimentel na ang mga naging pangyayari ay hudyat na para sa inaasahang pagbabago ng Sistema ng CANORECO. Sa mga susunod na araw, tanging si Dir. Argarin na lamang anya ang maaaring matira sa mga kasalukuyang Board of Directors ng CANORECO. Ang mga nalalabi ay nakatakda na ring magtapos ang termino at maaaring hindi na rin ma qualify ang mga ito base sa pinakabago at pinahigpit na panuntunan ng NEA para sa mga kakandidatong director.
Binigyan diin ni Pimentel na hindi makikialam ang Sangguniang Panlalawigan sa mga darating na eleksyon ng CANORECO Board at ipauubaya nila ito sa kagustuhan ng mga miyembro.
Umaasa na lamang ang bise gobernador na magiging maayos na ang patakbo ng CANORECO sa pamamagitan ng mga bagong papalit na director.
Samantalang magpapatuloy pa din naman sila sa pagbabantay sa takbo ng kooperatiba upang matiyak na ang mga miyembro nito ang syang pangunahing mapagsilbihan at mabigyan ng tapat at malinis na serbisyo.
Rodel Macaro Llovit
CNNews