REKLAMO NG MGA ESTUDYANTE SA CNSC DAHIL SA PAG ABOLISH NG IBANG KURSO, TINUGUNAN NI PRES ILARDE. PAG ABOLISH NG BASIC EDUCATION, ITUTULOY NA!

REKLAMO NG MGA ESTUDYANTE SA CNSC DAHIL SA PAG ABOLISH NG IBANG KURSO, TINUGUNAN NI PRES ILARDE. PAG ABOLISH NG BASIC EDUCATION, ITUTULOY NA!

Hindi inabolish ang ilang kurso, kundi inilipat lamang sa ibang campus upang hindi magkawatak watak  at mas maisaayos ang pamamalakad ng Camarines Norte State College sa mga kurso sa kanilang paaralan. Ito ang naging paliwanag ni Dr. Monsito Ilarde pangulo ng CNSC sa pagdalo nito sa pagpapatawag ng Sangguniang Panlalawigan kaninang umaga.

Tinukoy ni Ilarde ang College of Education na inilipat sa Abano  Campus mula sa Sta Elena. Ang ibang kurso naman ay isinailalim na sa laderization Program kung saan ay maaari pa ring magpatuloy ang estudyante hanggang sa ikaapat na taon sa kolehiyo o ang Bachelor’s Degree. Nagkaroon din anya ng mga pagbabago sa sistema sa ilang kurso katulad ng College of Agriculture sa Labo at Technological  Course sa Jose Panganiban.

Hinggil naman sa umanoy pag aabolish ng College of Education sa bayan ng Sta Elena, sinabi ni Dr. Ilarde na hindi naman ito tuluyang tinanggal bagkus ay pinag isa na lamang ito sa Abaño Campus sa layuning mas makatipid at matutukan ng pansin kung ito ay nasa isang campus lamang.

Isa pang hinaing ng mga estudyante ay ang nalalapit n pag tanggal ng Basic Education Department sa Abano Campus dahil hindi naman ito talaga bahagi ng programa ng Camarines Norte State College na nasa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED). Sa ngayong taon ang pinakahuling pag tanggap na ng mga enrolees para sa basic education sa nasabing paaralan.

Samantala, ayun naman kay Board Member Jay Pimentel, Committee Chairman ng Education sa Sangguniang Panglalawigan , maging siya ay nanghihinayang din sa napipintong pagpigil ng enrolment para sa nasabing School Level, subalit tiniyak nito na gagawa sila ng paraan upang mapigilan ang nasabing plano gayung isa na anyang institusyon at bahagi na ng historya ng Camarines Norte ang nasabing paaralan.

Isa pa sa pinangangambahan ni Bokal Jay Pimentel ay kung saan na mag eenroll ang mga susunod pang estudyante gayung halos punong puno na ang halos lahat ng mga public schools dito sa bayan ng Daet.

Ang CNSC Abaño Campus na dating Abaño Pilot Elementary School ay kilala sa buong lalawigan na producer ng mga magagaling na estudyante sa Camarines Norte.

Una na ring nagpaabot ng pag tutol dito ang mga alumni ng nasabing paaralan at nagpahayag ng kanilang intension na gumawa rin ng hakbangin upang wag tuluyang maalis ang basic education sa nasabing institusyon.

Gian Grijalvo

CNNews Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *