Ideneklarang Null and Void ng Department of Justice ang Provincial OrdinanceNo. 032-2013, ang ordinansang may kaugnayan sa Environmental Protection sa Camarines Norte.
Kahapon, July 9, 2014, sa Committee Meeting ng Sangguniang Panlalawigan, nabuksan ang nasabing usapin matapos na makakuha ng kopya ng desisyon ng DOJ ang ilang miyembro ng SP hinggil sa pag baliktad ng DOJ una nang naging desisyon nito may kaugnayan sa legalidad ng nasabing kontrobersyal na ordinansa.
Ayun kay Board Member Gerry Quiñonez, may akda ng naturang ordinansa, bunsod umano ito ng Motion for Reconsideration ng Mt. Labo Exploration and Development Corporation hinggil sa una nang desisyon ng DOJ na pumabor sa legallidad ng P.O. No. 032-2013.
Nilinaw ni Quiñonez na hindi pa dito nagtatapos ang usapin, ilalaban nila ito sa Court of Appeals hanggang sa korte suprema upang ganap nang maging malaya ang pagpapatupad ng naturang batas sa lalawigan.
Sa ngayon anya, ay wala namang malinaw na sinasabi sa desisyon ng DOJ na pinatitigil na ang implementasyon ng ordinansa. Anya, hanggat hindi pa ganap na nakapagpapalabas ang mas mataas na korte ng “Final and Executory” decision ay mananatiling buhay at may bisa ang kanilang ordinansa.
Ayun kay Quiñonez, Ilan sa mga naging batayan umano ng Department of Justice sa pagbaliktad ng desisyon nito ay ang mga teknikalidad sa proseso ng pagpapasa ng nasabing ordinansa. Kasama na dito ang public hearing, publication at ilan pa na tila lumalabas na minadali ang aprobasyon nito.
Paliwanag ni Quiñonez, dumaan sila sa tamang proseso partikular ng pagkakaroon ng public hearing, publication, at sakali mang may ilang naging problema sa proseso, ay nakahanda sila ayusin o i-comply.
Dalawa ang lumabas na rekomendasyon sa naging pagpupulong ng kometiba kahapon, una rito ay ang pagpasa ng resolusyon hinggil sa pagpapaliwanag ng Sangguniang Panlalawigan na dumaan ito sa tamang proseso, partikular ang pagkakaroon ng public hearing at publication. Anya, ang tinutukoy na 3 consecutive days of publication ay hindi naisagawa dahilan sa wala namang lokal na pahayagan dito sa Camarines Norte na nagpa-publish ng arawan. Pangalawa sa naging rekomendasyon ay ang pag rere-enact ng naturang ordinansa at titiyakin na ito ay tutugon na sa mga nabanggit na teknikalidad ng DOJ. Isasagawa anya ang publication ng tatlong magkakasunod na araw sa lokal na pahayagan kung talagang ito ang kanilang hinihingi.
Personal nya umanong dadalhin sa tanggapan ng DOJ ang kanilang magiging tugon upang mas maramdaman ng nasabing departamento ng hustisya ang kanilang marubdob na hangarin na maproteksyunan ang kalikasan ng lalawigan.
Kinuwestyon din ng nasabing bokal ang tila hindi patas na pagkilos ng DOJ dahilan sa hindi man lang sila binigyan ng pagkakataon na masagot ang mga tinutukoy na teknikalidad sa nasabing ordinansa. Wala umano silang natanggap na sulat man lang mula sa DOJ para pasagutin sila hinggil dito. Ikinagulat na lamang umano nila na may desisyon na ito hinggil sa mosyon ng Mt. Labo Exploration and Development corp.
Bahagi ng nilalaman ng ordinansa ay ang pag sisingil ng halaga sa sinumang magsasagawa ng pagmimina sa lalawigan na magiging pondo ng pamahalaang panlalawigan para sa restoration ng mga sisiraing kalikasan ng mga magmimina sa Camarines Norte.
Nag banta din si Quiñonez na hanggang sa tanggapan ni DENR secretary Hazareno ay ipaparating nila ang usapin hinggil sa pag kwestyon naman sa exploration permit na ibinigay ng Mines and Geosciences Bureau MGB sa Mt. Labo Exploration and Development Corporation. Hindi anya nila papayagan na makapagpatuloy ito sa kanilang aktibidad sa kabundukan ng Labo dahilan sa nandito ang watershed area na pinagkukunan ng inuming tubig ng malaking bahagi ng Camarines Norte.
Samantala, nakahanda din ang Sangguniang Panlalawigan na magpasa ng isang ordinansa para sa tuluyang pagbabawal sa lahat ng uri ng pagmimina sa Camarines Norte kapag hiningi ng pagkakataon.
Nabatid na ang “No to Mining” policy sa ciudad ng Puerto Princesa Palawan ay sa pamamagitan lamang ng isang city ordinance na maaari rin anyang gawin at ipatupad dito sa Camarines Norte.
Isa pa sa pinakahuling opsyon ng SP sakaling mangibabaw pa rin ang nasabing mayamang Mining Company, mapipilitan na silang lumapit at humingi ng tulong sa pamilya Lopez ng ABS-CBN na kilala bilang mga environmentalists.
Rodel Llovit
CNNews