Sa kabila ng malaking bahagi ng agrikultura at imprastraktura ang sinira ng bagyong GLENDA, malaking pagpapasalamat pa rin ng mga mamamayan ng Camarines Norte dahilan sa wala namang naiulat na nasawi dulot ng bagyo.
Ilan lamang sa mga napaulat na sinira ng bagyo ang isang malaking puno ng akasya sa loob ng St John D’ Baptist Parish compound na nakatayo sa napakatagal nang panahon, gayundin ang isang lumang puno ng kahoy sa Brgy Pamorangon dito sa bayan ng Daet. Agaran din namang naputol ng chain saw ang mga punong kahoy na natumba sa mga gilid ng kalsada upang hindi ito maging sagabal sa mga dumaraan na sasakyan.
Sa datus na nakuha ng Camarines Norte News sa tanggapan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office sa pangunguna ni acting PDRRMO head Arnel Ferrrer base sa pinakahuling ulat na kanilang nakalap, umabot sa humigit kumulang 116,728 ang kabuuang bilang ng naapektuhang tahanan sa umaabot sa 28,452 pamilya. Umabot sa 1,617 ang nasirang tahanan at 11,159 ang partially damage.
Tatlo naman ang naitalang nasaktan, isa rito ang mula sa Bayan ng San Lorenzo Ruiz na napaulat na nadulas sa kasagsagan ng bagyo samantalang dalawa dito ang mula naman sa bayan ng Labo.
Sa Agrikultura, bagamat hindi pa kumpleto ang naisusumiteng detalye, as of July 18, 2014 ay umabot na sa P16,882,089.00 ang halaga ng nasirang mga pananim, hindi pa rito kasama ang mga nasira sa pangisdaan at livestocks.
Sa infrastructure, sa mga paunang ulat ay umaabot na sa 116,846,000 ang naitalang nasira ng bagyo.
Ngayon araw, muling sisimulan ang pagkalap ng mga datus ng PDRRMO mula sa labing dalawang MDRRMO sa 12 bayan bago ito isumite sa NDRRMO.
Samantala, ikinatuwa naman ng mamamayan ng Camarines Norte ang personal na pagprograma nina Governor Edgardo Talado at Vice Governor Jonah Pimentel sa Radyo ng Bayan sa kasagsagan ng bagyo.
Umani ito ng positibong reaksyon mula sa publiko na ayun sa mga ito ay nagmistulang pampalakas ng loob ng mamamayan na sa gitna ng kalamidad ay naririnig nila ang boses ng nasabing mga opisyal at personal na nagbibigay ng kaatasan sa mga concerned personels and offices.
Nagpasalamat din naman at pinapurihan ni Governor Edgardo Tallado ang lahat ng mga volunteers nakanilang nakatuwang, hanggang sa mga Brgy Officials, Brgy Tanod at mga mismong mamamayan na nag at tumulong asikaso sa kani-kanilang mga kabaranggay.
Nagpasalamat din naman si PDRRMO head Arnel Ferrer sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na naging katuwang nila sa kanilang operasyon simula sa paghahanda hanggang sa pagkatapos ng bagyo.
Hanggang sa ngayon ay patuloy pa naman ang assessment na isinasagawa ng tanggapan ng gobernador sa pamamagitan ng PDRRMO upang malaman na sa lalong madaling panahon ang kabuuang bilang ng mga naapektuhang pamilya, mga nasirang bahay, kabuhayan, imprastraktura at agrikultura dulot ng nasabing bagyo.
Camarines Norte News