Binuweltahan ni Mayor Agnes Diezmo Ang ng bayan ng Vinzon ang kanyang mga kalaban sa pulitika sa kanyang isinagawang Ulat sa bayan kasabay ng pagtatapos ng pagdiriwang ng BABAKASIN FESTIVAL.
Buong pusong inilatag ni Mayor Agnes ang kanyang damdamin hinggil sa matinding paghihirap ngayon ng pamahalaan lokal ng Vinzons sa pagbibigay ng serbisyo sa kanyang mga mamamayan dahilan sa kawalan ng budget na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin naipapasa sa Sangguniang Bayan ng Vinzons.
Tinukoy ni Mayor Ang ang kanyang mga konsehal na si Liga President at dating Mayor Buding Segundo, Konsehal Ferrer, Elep at Guinto na mga nasa likod ng patuloy na pag harang ng pagpapasa ng budget sa nasabing sanggunian.
Ayun sa alkalde, kauna-unahan ito sa bayan ng Vinzons at sa buong lalawigan ng Camarines Norte na hindi nakapagpasa ng budget ang isang pamahalaang lokal.
Itinuturing ito ni Mayor Agnes na isang malinaw na pamumulitika na hanggang sa pondo na dapat sana ay napakikinabangan ng kanilang mga mamamayan ay dinadamay sa pamumulitika.
Isa anyang napakababaw na dahilan ang mga tinutukoy ng kanyang mga kalaban sa pag harang ng mga ito sa pagkakapasa ng budget. Partikular na tinukoy ng alkalde ay ang NAPSAGIN irrigation na kinukwestyon anya ng nasabing mga konsehal. Paliwanag ni Ang, ang naturang proyekto ay higit na mahalaga sa anupamang proyekto sa nasabing lugar dahilan sa ito ay pakikinabangan ng napakaraming magsasaka sa kanilang bayan.
“Ito ay masusing pinag aralan, dahil ito ay dumaan sa NSC National Screening Committee ng DAR at ADB. Ang NSC ay kometiba ng ng DAR na nag aapprove ng foreign assistance project ng DAR, kabilang dito ang mga kinatawan mula sa DAR, NEDA, DPWH, DA, DOF, DILG, EDCO o grupo ng mga inhenyero na kinontrata ng DAR upang mag evaluate ng mga programa upang mapag aralan ang praktikalidad benipisyo at teknikalidad ng bawat proyekto” pahayag ng alkalde.
Ayun anya sa NSC at EDco, ang napsagin irrigation system ay dadaan sa mahigit tatlong kilometrong sakahan sa napilihan na nag kakahalaga ng 22M pesos na pondo ay beneficial para sa mga magsasaka ng Vinzons, na pag nagawa ay makakapag doble ng ani sa mga magsasaka.
“Mukha yata pong nasosobrahan ang galing nyo! Please lang po, wag masyadong magaling , magmagaling at mamulitika! Maawa naman kayo sa taumbayan! Sayang po ang pagod at pakikisamang ginugol ng inyong lingcod. Pilit po nilang tinututulan ang mga proyektong pumapasok at nagpapaunlad ng bayan. E paano na nga naman po ang kanilang pulitika? Tunay na sakim! At gutom sa kapangyarihan ang ganitong klase ng pulitiko!”
“Bistado na kayo ng taumbayan kaya please lang… ako’y nakikiusap, tama na! sobra na…”
“Ang isa pa nilang sinasabi ay wala daw pong transparency ang aking administrasyon… again, ano ang kinalaman nito sa pagpasa ng budget?!”
“karaniwang akusasyon ng mga talunang pulitiko sa mga nananalong pulitiko… o di kaya mga pulitikong hindi makapag antay ng kanilang panahon o paso na!” mainit na pahayag ni Mayor Agnes.
Ipinagmalaki din ng alkalde ang “Seal of Good Governance” award na tinatanggap ng pamahalaang lokal ng Vinzons sa ilalim ng kanyang pamunuan simula pa noong 2012.
Ito anya ang isang malinaw na patunay ng malinis at maayos nyang napapatakbo ang gobyerno ng Vinzons sa pamamaraan ng transparency at good governance.
Ang bayan ng Vinzons din anya ay nanalo bilang 1 of the best LGU na ginawad ng COA at Transparency Asia noong 2013. At base annual audit report mula 2011 to 2013, ay walang makikita na iregularidad sa transparency o kurapsyon sa kanyang pamunuan. Sa katunayan anya ay bukas ang kanyang tanggapan sa sinumang gusto mag check ng kanilang mga records hinggil sa pananalapi ng bayan ng Vinzons.
Hinggil naman sa panibagong akusasyon ni Dating Mayor Buding Segundo kaugnay sa diuman o’y ghost project na flood control/seawall sa brgy Sula ay pinag tawanan lamang ng alkalde. Anya, mismong ang Brgy Council ng Brgy Sula ay nagpasa ng resolusyon na nagpapasalamat sa nasabing proyekto. Hinamon ni Mayor Agnes ang kanyang mga detractors na sukatin nila ang nasabing proyekto na nagkakahalaga ng isang milyong piso at kapag hindi umabot sa itinakdang sukat ay nakahanda syang mag resign.
Maliwanag lamang anyang gumaganti sa kanya ang dating alkalde at ngayon ay Liga President dahil sa desisyon ng Ombudsman na inakyat sa Sandiganbayan ang kasong Graft and Corruption laban dito na sa ngayon anya ay naghihintay na lamang ng resolusyon mula sa nasabing anti-graft court.
Sa kabila nito ay patuloy ang panawagan ni Mayor Agnes Ang sa kanyang mga kapwa opisyal na tigilan na ang pulitika at sabay sabay na lamang silang mag silbi sa kanilang mamamayan at hindi para pasakitan ang mga ito.
“Ang pagkawala ng annual budget ay parang dinaanan ni Yolanda o epidemya dahil ito ay magpapahinto sa lahat ng programa at proyekto ng LGU na kung san malayo na sana ang narrating dahil hindi naman lingid sa lahat ang natamong pagbabago at pagsulong sa mga nakaraang taon kahit na ako ay iniipit at pinipigilan nila.” Dagdag pa ni Ang.
Labis labis ang hinanakit ni Mayor Agnes dahilan sa anyay nadadamay ang kanilang mahihirap na mamamayan sa matinding pulitikang nagaganap sa kanilang bayan. Ang mga estudyante na umaasa sa scholarship ng LGU Vinzons, ang mga humihingi ng gamot, tulong pinansyal sa mga mangingisda, magsasaka, at maging ang mga nagtatrabaho sa munisipyo (Job Order) na halos hindi ngayon makatanggap ng kanilang mga sweldo na kanilang pinagtatrabahuhan.
Maging ang mga lying-in centers anya ay apektado din kung saan dito nanganganak ang mga mahihirap nilang mga kababayang nagdadalang-tao. Ang mga regular employees ng munisipyo na hindi nila maipatupad ang Salary Standardization sa kawalan ng pondo.
Labis din ang panghihinayang ng alkalde sa umaabot sa 3.5 milyong piso n asana ay manggagaling sa Department of Labor and Employment DOLE para sa kagamitang pangisda at puhunan para sa limang daang pamilya sa kawalan ng resolusyon mula sa Sangguniang Bayan na ibinibigay sa kanya. (hanggang sa mga oras nang pananalita ni Ang)
“Isa pang nakakabahalang ginagawa ng ilang miyembro ng SB, ay ang pag tulong at pag kunsinti nito sa illegal na pangngisda, inuudyukan pa nila ang mga ilegalista na gumawa ng masama. Tama ba na sabihin ng isang pulitiko ang mga katagang katulad nito? “mga kabaranggay, malapit na at malapit na naman kayong makakapag langaw-langaw dahil si mayor ang ay masususpinde na!” ito ba ng mga iniluklok nating mga lingkod bayan? Sila mismo ay law breaker? Sila mismo ang nangungunsinti? Sila mismo ang violator ng ginawa nilang batas. Saan tayo patutungo kung ganito ang mga gumagawa ng batas.
Nag aalala po ako at hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin akong natatanggap na resolusyon upang makipag MOA sa BFAR…. Ang nakapaloob po sa programang ito ay mga kagamitan sa pangingisda na nagkakahalaga ng 2m pesos.” Pahayag ng alkalde.
Labis din ang panghihinayang ni Mayor Agnes Ang sa anya’y nawalang pondo na galing sa DSWD dahil lumampas na anya ang takdang panahon upang makapag bigay ng mga dokumento sa DSWD na sana ay para sa pabahay sa mga walang tahanan sa kanilang bayan na sa ngayon ay nakawala pa. May lupa naman sana anyang pang counterpart ang LGU pero hindi mabigyan ng resolusyon sa napakaraming panahon, hanggang sa natapos na lang anya noong buwan ng Mayo ang taning ng DSWD.
Pinasaringan pa nito ang Sangguniang Bayan sa kawalan ng Ordinansa hinggil sa pag regulate ng Calaguas Island na sa ngayon anya ay hindi magkaron ng maayos na panuntunan hinggil sa paniningil at regulasyon sa nasabing pinakasikat na isla sa lalawigan na nasa kanilang bayan.
Nagkaroon din anya ng problema ang 8M halaga ng proyekto na galing sa Dept of Agriculture sa continuation ng Farm to Market road ng sito mantigbi patungo ng sula dahilan din sa anyay kapabayaan ng SB.
Ang “Salin-Tubig” project ng DILG ay muntik na rin anyang maglaho na parang bula at hindi mapakinabangan ng mga taga Brgy Banocboc kung hindi nya nagawan ng paraan at nakakuha ng counterpart para sa nasabing proyekto.
Ang municipal Town Kiosk na sinertipikahan ng Municipal Engineering Office at ng DPWH na hindi na ligtas ay hindi pa rin maipaayos dahilan sa kawalan ng re-alignment sa pamamagitan lamang ng resolusyon, na bagamat anya ay may pondo na maaaring magamit mula sa re-enacted budget ay hindi naman sasapat dahilan sa ayun sa pagtataya ng DPWH ay aabutin ito ng halos 2 milyong piso.
Sa kabila ng krisis pinansyal na kinakaharap ng nasabing bayan, ngayong July 2014 ilulunsad na ng LGU Vinzons ang single mother, disability livelihood ito ay naglalayon na Mabigyan ng puhunan upang maging produktibo ang nasabing sector. Ssailalim din sa tatlong araw na ang mga ito upang mas lalo sila maging handa sa pagsubok sa pagnenegsyo. Ilulunsad din ang feeding program na kung saan nag lalaan siya ng pondo para sa mag-aaral ng vinzons pilot high school.Maglalaan programa at tulong para sa mga estudyante na malalayo ang bahay. Plano rin ni Mayor Agnes na makipag ugnyan sa DepEd at Vinzons Pilot High School upang maging maayos ang programang ito. Nagpapasalamat din sa Deped at guro sa patuloy napag suporta sa pamahalaan.
Naglagay rin ng pondo ang LGU upang masiguro ang kaayusan at serbisyo ng kapulisan, maglalagay rin ng CCTV sa ibat ibang strategic na lugar kagaya ng mga negsoyo ,paaralan at simbahan at ito rin anya ang magiging kauna-uhang himpilan ng pulisya na may CCTV cameras.
Sa pag tatapos ng alkalde sa kanyang pahayag, umaasa ito na magiging matatag ang kanyang mga kababayan sa kinakaharap nilang problema na dulot ng pamumulitika ng ilan sa kanilang mga halal na opisyal.
Tiniyak din ni Mayor Agnes Ang na sa kabila ng kawalan ng budget, pipilitin nyang makapag serbisyo sa kanilang mga kababayan sa abot ng kanyang kakayanan.
CNNews