Nakatakdang magtayo ng Coal Power Plant sa bayan ng Jose Panganiban dito sa lalawigan ng Camarines Norte na pasisimulan sa taong 2016.
Kamakailan, dumalo sa Sangguniang Bayan Jose Panganiban ang mga kinatawan ng H&WB, isang renewable power producer na syang pangunahing nagsusulong ng nasabing proyekto.
Maging si Mayor Ricarte “Dong” Padilla ay tahasan din ang ipinakitang suporta para sa nasabing malaking investment sa kanilang bayan.
Ayun sa alkalde, isa itong malaking pagkakataon sa kanilang munisipalidad para umunlad ang kanilang ekonomiya at makasabay sa ilang mga umuunlad na bayan sa bansa.
Sa panayam ng Camarines Norte News kay Mayor Padilla, sinabi nito na kanilang titiyakin na walang magiging negatibong epekto ito sa kanilang bayan sakaling makapagsimula na ang konstruksyon hanggang sa operasyon nito.
Anya, kanyang titiyakin na magiging bukas ito sa publiko upang maging bahagi sa pagbubusisi ng nasabing proyekto.
Magtatakda si Padilla ng mga serye ng pagdinig at pagpapatawag sa lahat ng sector, mula sa mga namamaranggay, mga NGO’s, PO’s, Environmentalists, Simbahan, Kabataan at iba pang mga indibidwal upang sabay-sabay silang pag-aralan ang naturang proyekto, at matiyak na wala itong anumang harm na maidudulot sa kalusugan at kaligtasan ng kanilang mamamayan at gayundin ang pagtitiyak na hindi rin ito makakasira ng kanilang kalikasan. Tiniyak nito na hindi rin sya papayag bilang alkalde ng bayan ng malagay sa alanganin ang kapakanan ng kanyang mga kababayan lalo na sa mga susunod na henerasyon.
Ikinatuwa din ni Mayor Dong Padilla na base sa pakikipag-usap sa kanila ng kinatawan ng nasabing kumpanya, tinitiyak naman anya ng mga ito na hindi perwisyo bagkus ay isang malaking progreso ang idudulot nito sa kanilang bayan.
Katuwang ng H&WB Asia Pacific Pte Ltd. Corporation ang KEPCO PHILS. na magsisilbing technical provider at mamamahala sa Financing ng proyekto. Ang KEPKO PHILS, ayun sa kanilang pagpapakilala ay kauna-unahan at nag-iisa sa buong asya na nabigyan ng authority na mag construct ng isang Ocean Power Plant. Kilala na rin ang nasabing kumpanya sa kanilang mga development power plant na nagawa sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at sa Buong Asean Region na mga Energy Projects.
LAND REQUIREMENT
Isa sa mga requirements para sa pagtatayo ng naturang proyekto ay ang 30 hectars bilang minimum land requirement, na gagamitin para sa expansion, reclaimer, logistical tur-around at ang labing limang ektarya dito ay para sa mismong power plant. Tatlong opsyon ang pagpipilian ngayon na posibleng ilagay sa MOA hinggil sa lupa na gagamitin; una rito ang 1.) Lease agreement 25 to 50 years 2.) Deed of assignment at 3.) Joint venture.
SPECIAL ECONOMIC ZONE
Ang bayan ng jose Panganiban ay matagal nang naideklara bilang Special Economic Zone kung kayat nakahanda na rin ang umaabot sa tatlumpung libong (30) ektarya para dito ayun kay Mayor Padilla.
Samantala, nito lamang nakatalikod na linggo ay nagpadala na ang H&WB ng kanilang engineering team para mag conduct ng environmental survey na kailangan sa kanilang environmental impact assessment.
Magbubuo rin ng isang komite ang LGU Jose Panganiban at ang Kumpanya na magmomonitor at mag uulat sa isasagawang proyekto habang nagpapatuloy ang proyekto upang mamonitor ng LGU ang development nito. Magiging madalas ang pag-uulat nito sa tanggapan ng alkalde.
POWER TO GENERATE
Dalawang phase ang nakatakdang itayo para sa naturang planta, isang 150 Megawatt at isang isa pang 150 Megawatt na inaasahang makakatulong para matugunan ang inaasahang power shortage sa bansa sa darating na taong 2019 base na rin sa pagtataya ng Energy Department.
Nagpahayag na ng pagka kumbinse si Mayor dong Padilla sa paliwanag ng mga kinatawan ng nasabing kumpanya partikular ang may kaugnayan sa gaano ito ka safe, na kung saan ang green coal technology umano ay hingi lamang katanggap tanggap sa Pilipinas kundi maging sa mga progresibong bansa katulad ng Europa at Amerika.
CORPORATE SOCIAL RESPONSIBILITY
Isa pa sa ikinatuwa ng alkalde ay ang malaking parte umano ng Corporate Social Responsibility ng nasabing kumpanya ay mapupunta sa proyektong katulad ng Environment, Health Care at Livelihood na lubhang kailangan ng kanyang mga mamamayan.
Sinabi pa ng aklade na hindi man direktang bababa ang presyo ng kanilang kuryente subalit ilang megawatt na igegenerate ng kumpanya ay pwedeng ibigay as subsidy sa host municipality, bagay na malaking kabawasan na rin sa kanila.
“Ang kumpanya ay maaaring magkaroon ng joint venture sa LGU na magtatatag ng isang authority na maihahalintulad sa SBMA, na patatakbuhin ng LGU kasama ang kumpanya na kung saan yung parte ng income which is a fraction of 1 % ng total generation ng kumpanya, ito ay pupunta sa CSR and part of it will be a cash benefits indirectly be receiving by the LGU, at ito ay maaaring gawing subsidy para bumaba ang magiging bayarin sa kuryente sa jose Panganiban”. Pahayag pa ni Padilla.
SKILLS REQUIRED FOR WORKERS
Samantala, sa naging laman ng usapin sa Sangguniang Bayan ng Jose Panganiban, sa pagdalo ng nasabing investors, naitanong ni Konsehal Sarah Abiado ang may kaugnayan sa kahandaan ng mga kabataan o manggagawa sa kanilang bayan hinggil sa required skills para makapapagtrabaho sa kumpanya, sinabi ni Mayor Dong Padilla na may tatlong taon pa naman simula ngayon bago tuluyang magsimula ang konstruksyon nito. Sa pagkakataon ito ay maaari na nilang maihanda ang kanilang mga kabataan na makapag aral ng mga technical courses na kakailanganin para dito upang matiyak na manggagaling sa kanilang bayan o sa iba pang bayan ng Camarines Norte ang magtatrabaho dito. Maghahanda anya sila ng mga kursong bubuksan para sa kanilang mga mag-aaral.
TRANPARENCY
Tiniyak pa ng alkalde na sa ngayon pa lamang ay bukas ang kanyang tanggapan para sa anumang mga opinion, suhestyon, pagpuna o kung anupamang usapin hinggil sa proyektong ito. Naniniwala si Padilla na hindi lamang ang sya o ang LGU at ang kumpanya lamang ang dapat na mag-usap dito, kundi ang lahat ng sektor ng lipunan o mga stakeholders hinggil dito. Siniguro din nito ang transparency kaugnay nito upang maiwasan ang anumang agam-agam o pag-alala mula sa mamamayan.
CITYHOOD
Inihahanda na rin ni Mayor Dong Padilla ang kanilang bayan para sa katuparan ng kanilang pangarap din na maging ciudad pag dating ng panahon. Ang pagkakaroon ng ganito kalaking investment sa kanilang bayan ay isa sa kanyang nakikitang simula na ng kanilang pag-unlad. Malaki din ang kanyang paniniwala na sa tatlong taon na operasyon nito ay hindi na imposible na maging ciudad na ang kanilang bayan na katulad ng bayan ng Daet at Labo ay naghahangad din silang maging marating ang ganung estado.
Ma. Eliza H. LLovit
Camarines Norte News
Rodel M. LLovit
Managing Editor