Bigo pa rin ang mga rescuer na Makita ang isang lalaki na tumalon sa ilog Daet mula sa Daet Bridge # 1 (near 1st Rizal Monument) alas 2:45 kahapon, July 29, 2014.
Nabatid na habang ang isang grupo ng mga kabataan sa Rizal Park ay nageensayon sayaw, nakita umano ng mga ito isang hinihinalang lasing na lalaki na tumalon sa ilog mula sa tulay. Agad na tumawag ng rescue ang nasabing mga kabataan matapos na makitang, lumutang din ang naturang lalaki pagpagsak sa tubig at muli ding lumubog at hindi na muling lumutang.
Mabilisan din naman ang naging responde ng Rescue Team mula sa MDRRMO, PDRRMO, CANORA, Phil. Red Cross, Phil Coastguard at Kabalikat Charity at ilan pang mga grupo upang iligtas ang nasabing lalaki na nakilala sa pangalang Willy Boy Morales, humugit kumulang 35 taong gulang, nakatira sa mismong tabing ilog.
Nabatid din na bago naganap ang pagtalon sa ilog, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ni Morales at ang kinakasama nitong isang Pipi at Bingi (deaf and mute).
Sa pagiimbestiga ng Camarines Norte News nabatid na madalas umanong nakikita na nagtatalo ang mag-asawa at hindi lamang ito ang unang pagkakataon na tumalon ito sa ilog na mistulang nagpapakamatay subalit umuuwi din namang buhay sa kanilang tahanan. Minsan na rin umano itong nakarating sa Mercedes mula sa pag talon sa Ilog Daet. Ikatlong pagkakataon na itong ginawa ni Willy Boy at sa pagkakataong ito ay tila palaisipan na sa mga rescuer kung ito ay totoong nalunod na o nagtatago lamang.
Ilang impormasyon din ang nakalat ng mga rescuers na magaling umanong lumangoy at sumisid si Morales kung kayat imposible umanong malunod ito, ayun na rin sa mga nakakakilala dito.
Kahapon, alas otso na ng gabi tumigil pansamantala ang mga rescuers at muling bumalik kaninang umaga para ipagpatuloy ang paghahanap.
Tumungo na rin sa bayan ng Mercedes ang ilang miyembro ng MDRRMO upang tingnan kung nakarating na doon si Morales.
Sa ngayon, halos 24 na oras na ang nakalipas subalit wala pa ring bangkay o buhay na morales ang kanilang natatagpuan.
Samantala, dahilan sa samu’t saring espekulasyon hinggil sa kung totoong nagpakamatay ang naturang personahe o nagtatago lamang, sinabi ni Acting Mayor, Vice Mayor Ahlong Ong na pasasampahan nila ito ng kaso kung sakaling mapatunayan na nagkunwari lang itong nagpakamatay upang makakuha lang ng atensyon.
Ricky Pera
Camarines Norte News
Photos by: Orlando Encinares