Sa pangalawang pagkakataon, hindi na naman sinipot ni Municipal Engineeer Jesus “Jet” Fernandez ang imbitasyon ng Sangguniang Bayan ng Daet kaninang umaga sa kanilang regular na sesyon.
Ang pangalawang imbitasyon na ito kay Fernandez ay bunga ng pag dulog ni Punong Barangay Ysmael Talento ng Brgy. San Isidro kaugnay sa mga reklamo ng lubak lubak kna kalsada patungo sa kanila, na sakop naman ng Brgy 1, Daet.
Minarapat na ipatawag ng SB ang naturang Municipal Engr para malaman dito ang kalagayan ng mga proyektong mga kalsada na ipinatutupad sa ilalim ng Pamahalaang Lokal.
Sa hindi pagdalo ni Fernandez kanina, biglaan ang naging privilege speech ni Konsehal Sherwin Asis na tumutuligsa sa tila kawalan ng respeto ng nasabing inhenyero sa mga pormal na imbitasyon sa kanya ng Sangguniang Bayan ng Daet.
Ayun kay Asis, pormal ang imbitasyon dito kung kayat marapat lang naman anya na kahit man lamang sulat o sa kahit anong pamamaraan na makapag responde ito ay ginawa man lang sana ng nasabing opisyal.
Hindi lamang ito ang unang pagkakataon na hindi sumipot si Engr. Fernandez sa patawag ng SB, una ay ang pagpapatawag dito hinggil naman sa isyu ng problema sa electrical ng legislative building, bagay na ikinairita na rin ng ilang miyembro ng Sangguniang Bayan. Sa ngayon, sinabi ni Asis, na hanggat hindi sila sinisipot ng nasabing inhenyero, hindi rin sila titigil ng pagpapatawag dito, kahit pa ilang ulit kung kinakailangan.
Sa iprinisintang program of works ng MEO sa pamahalaang lokal para sa dalawang milyong pisong pondo para mga pagawaing kalsada sakop ng bayan ng Daet, nais malaman ng naturang konsehal kung bakit sa isinumiteng listahan ng mga kalsadang patutunguhan ng dalawang milyong piso ay wala dito ang matagal nang inirereklamong kalsada sa Magallanes Ilaod, Brgy 1.
Tanging ang mga kalsada ng DSWD Service Road sa Brgy Camambugan, isang service road sa Brgy. Bagasbas, Urbano St. Interior sakop ng Brgy 2, sa Purok 7 ng San Isidro at sa itaas road ng Purok 9, Brgy IV. Nitong nakatalikod na 2013 ay umabot sa halagang 5 milyong piso ang inilaan ng pamahalaang lokal ng Daet para sa nasabing mga road concreting and asphalting, subalit hindi rin dito naisama ang para sa Brgy 1, Magallanes Ilaod.
Ayun sa mga residente ng Brgy San Isidro, panahon pa ni dating punong Brgy Sonny Velasco hanggang sa panahon ngayon ni PB Tina Rano ay tila walang interes ang mga opsiayl ng Brgy 1 para sa idulog sa kinauukulan ang nasabing problemadong kalsada.
Gian Grijalvo
CNNews