SULAT NI MGB REGIONAL DIRECTOR THEODORE ROMMEL PESTAÑO, PINAGTALUNAN SA SANGGUNIANG PANLALAWIGAN!

SULAT NI MGB REGIONAL DIRECTOR THEODORE ROMMEL PESTAÑO, PINAGTALUNAN SA SANGGUNIANG PANLALAWIGAN!


Wala umanong malinaw na direktiba ang ipinadalang sulat ni Mines and Geosciences Bureau MGB, Theodore Rommel Pestaño kay PNP Provincial Director Supt. Moises Pagaduan ukol sa pagpapatigil ng mga small scale mining sa Barangay Malaya sa Bayan ng Labo at sa iba pang lugar na may kaparehong aktibdidad sa lalawigan.

Ito ay matapos na maging laman ng diskusyon sa pagitan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa kanilang regular na sesyon kahapon hinggil sa kung ano ang tunay ng pakay ng nasabing sulat.

Ayon kay Bokal Gerry Quiñones, ang nasabing sulat ay hinggil sa pagpapatigil ng mga small scale mining operation sa lalawigan ngunit wala umanong nakasaad na partikular na aksyon na dapat gawin ng mga kapulisan.

Binigyang diin din ng Bokal ang nakasaad sa sulat ni Pestaño na “for your information” na diumano’y malinaw na isang pagbibigay lamang ng impormasyon sa pulisya ng pagpapahinto sa mga naturang aktibidad at walang malinaw na kautusan o aksyon na dapat gawin.

Lumalabas ayun kay Quiñones na sa nagiging pagkilos nito, tila pinoproteksyunan ni Pestaño ang Mt. Labo Exploration and Development Corporation, isang Large Scale mining company na nagooperate sa Mt. Labo na nasasakupan Brgy Malaya.

Iminungkahi pa ni Quiñones na kinakailangang magpadala ang Sangguniang Panlalawigan ng sulat kay Pestaño para magpaliwanag sa kanyang tunay na layunin tungkol sa kanyang sulat kay PNP Provincial Director Supt. Moises Pagaduan.

Pahayag pa ni Bokal Quinones na hndi rin binanggit ni Pestaño ang mga reklamo tungkol sa pagmimina at ang nakasaad lang ay ang ginawang pagsisiyasat sa Barangay Malaya ng Mines and Geosciences Bureau.

Dagdag pa nito na pumunta sa Bayan ng Paracale si Director Pestaño nitong nakatalikod na Martes para dumalo sa pagpupulong ng Sangguniang Bayan subalit hindi naman umano nito pinapaunlakan ang paanyaya ng Sangguniang Panlalawigan na tila binabalewala ang kanilang otoridad.

Ayon naman kay Bokal Senen Jerez, padalahan na lamang din umano ng resolusyon si Pestaño na naglalaman na gusto na nila itong patalsikin sa kanyang posisyon bilang Regional Director ng Mines and Geosiences Bureau na sinangayunan naman ni Board member Bong Quibral.

Nalilito rin si Bokal Jay Pimentel kung anong klaseng kautusan ang nasa sulat dahil hindi naman alam kung sino ang pinatutungkulan. Nais din nito na mabigyan linaw hinggil dito at may hinala din na may ibang agenda ang MGB Director kung kaya’t ganito ang tema ng sulat nito.

Sa pahayag naman ni Board Member Pamela Pardo na nakapangalan ang liham kay Supt. Moises Pagaduan kaya’t malinaw na inuutusan nya ang Director ng PNP na ipatigil ang nasabing gawain sa pagmimina ngunit mali ang pagkakagawa ng nasabing sulat.

Hinala naman ni Bokal Jerez na sinadya ng MGB OIC na ganito talaga ang maging tema ng kanyang sulat, dahil imposible anyang magkamali ito gayung eksperto ito sa mga ganitong pag gawa ng komunikasyon. Hindi lamang anya isang Inhenyero si Pestano kundi may masteral degree pa, kung kayat malabo itong magkamali sa ganung kasimpleng sulat o kaatasan.

Dagdag naman ni Bokal Michael Arthur Canlas na posibleng sindaya nga na ganito ang maging laman ng sulat dahil maihahalintulad ito sa sulat na ipinadala ng naturang opisyal hinggil sa usapin ng Nickle Ore na wala ring ngipin kung kaya’t nakalabas ang mineral patungo ng China. Duda ng SP, na hanggang papel lang talaga ang mga ito upang masabi lamang na sila ay may ginagawang aksyon.

Matatandaang makailang-ulit nang nagpadala ang Sangguniang Panlalawigan ng paanyaya kay Pestaño kaugnay ng ilang usapin hinggil sa pagmimina sa lalawigan subalit hindi ito sumipot sa napakaraming pagkakataon.

Magpapadala ngayon ng sulat ang Sanguniang Panlalawigan kay Dir. Pestaño upang himungi ng paliwanag tungkol sa sulat na ipinadala nito sa PNP Provincial Director ng lalawigan. Kasama sa ipapadala ng SP sa naturang opisyal ang kanilang inaprubahang resolusyon na naglalaman ng kahilingan sa DENR na palitan na sa pwesto ang kasalukuyang OIC ng MGB na si Theodore Rommel Pestaño bunga ng kawalan umano ng silbi nito sa Camarines Norte para maproteksyunan ang kalikasan dito.

Hanggang sa ngayon, ay hindi pa rin nag co-convene ang Provincial Mining Regulatory Board PMRB na pinamumunuan ng nasabing MGB Regional Director.

Nais ni Vice Governor Jonah Pimentel at ng kabuuan ng Sangguniang Panlalawigan na kumilos na ang PMRB upang matugunan na ang matagal nang problema ng mga magmimina sa lalawigan na maging legal at malayo sa peligro at magkaroon ng sapat at patas na kita ang mga maliliit na minero na naghahanapbuhay dito.

Tanging ang PMRB lamang ang syang susi para maisakatuparan ito upang ganap nang matapos ang samu’t saring problemang dulot ng illegal na pagmimina sa Camarines Norte.

Gian Grijalvo/ Edwin Datan, Jr.

 Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.