Hindi pinalagpas ni Konsehal Elmer Boy Bacuño ang tila nakakalimot niyang mga kasamahan sa Sangguniang Bayan ng Daet na hindi sumusunod sa tamang dress code na kanilang ipinatutupad sa konseho.
Kaninang umaga, August 4, 2014, sa kanilang regular na sesyon, sa pamamagitan ng privilege speech pinuna ni kosehal Bacuño ang tila pagbabalewala ng ilan sa kanilang mga kasamahan sa alituntunin sa pagsusuot ng tamang pananamit sa araw ng sesyon.
Anya, meron namang silang clothing allowance para bumili ng tamang unipormeng isinasaad sa kanilang napagkasunduan subalit tila nagiging madalas na ang paglabag dito ng kanyang ilang kasamahan.
Pabirong tinukoy ni Bacuño sina Vice Mayor at ngayon ay acting Mayor Ahlong Ong, Konsehal na ngayon ay Acting Mayor Concon Panotes na mas lalong nagiging gwapo at poging-pogi sa kanilang mga suot na coat and tie habang nakasuot ng maong. Hindi anya ito ang kanilang tamang uniporme base sa kanilang rules.
Ikinumpara ni Konsehal Boy Bacuño ang kanilang termino noon kumpara simula ng pumasok ang 15th council ay tila nawala na ang disiplina sa pagsusuot ng tamang uniporme ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Daet.
Nilinaw naman ni konsehal Bacuño na wala naman syang masamang intensyon sa kanyang privilege speech at nais lamang nya na magsilbi silang halimbawa sa kanilang mga empleyado ng Pamahalaang Lokal ng Daet na sumusunod din sa kanilang itinakdang uniporme.
Samantala, hindi naman minasama ni Vice Mayor Ahlong Ong ang naging Privilege Speech ni Konsehal Bacuño. Nakangiti pang nagpaliwanag ang bise alkalde sa pagsasabing iba na rin ang uso hinggil sa pananamit sa ngayon kumpara noong mga nakatalikod na mga panahon.
Anya, ang pagsusuot ng maong ka-partner ng coat and tie ay bahagi na ng trend sa ngayon at ito na anya ang kanyang pananamit sa ngayon.
Gayunpaman, sinabi nito na nakahanda naman syang sumunod sa kung ano ang prescribed uniform sa kanilang mga regular na sesyon.
Camarines Norte News