Hindi naging katanggap tanggap sa panig ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang isyung lumutang hinggil sa diumano’y tig-iisang daang libong pisong tinanggap ng mga miyembro ng SP mula sa kumpanyang nag mamay-ari ng Nickle Ore na itinambak sa Brgy Larap Jose Panganiban, Camarines Norte. Lumutang na rin ang katagang “Kikil Ore” na mismong nabanggit din ng ilang miyembro ng SP.
Kahapon, sa regular na sesyon ng SP, tahasang itinanggi ng bawat isang miyembro ng hunta ang nasabing paratang at anila, isa itong malaking kasinungalingan at “Foul” na hindi nila palalagpasin.
Masama ang loob ng nasabing mga opisyal na sa kabila ng kanilang pagtatrabaho para maproteksyunan ang kalikasan ng lalawigan at tila sila pa ang napag-isipan ng masama.
Nag-ugat ang nasabing usapin sa SP matapos na mabuksan sa sesyon ang hinggil sa sinasabing dalawa sa kanilang kasamahan ang diumano’y nagsilbing negosyador para sa naturang suhol. Hindi naman nabanggit sa sesyon kung sino ang sinasabing dalawang miyembro ng SP. Nagpahayag din si Bokal Bong Quibral na diumano’y unang napaabutan ng impormasyon ni Jose Panganiban Mayor Ricarte “Dong” Padilla. Kasusunod pa nito, kwento ni Bokal Quibral na nagkita sila ni Dating Gobernador Roy Padilla Jr. na inakbayan sya nito at sinabi ang katagang “Pare, nakadale ka?” Bagay na labis na ikinabahala umano ni Quibral.
Kaugnay nito, balak imbitahan ng SP si Mayor Dong Padilla sa kanilang sesyon upang marinig ang panig ng alkalde hinggil sa sinasabing dito nagmula ang naturang kwento.
ROOT OF THE ISSUE
Ang tinutukoy sa usapin ay ang kontrobersyal na Nickel Ore na galing Indonesia na sinasabing napadpad ang barkong sinasakyan nito malapit sa Jose Panganiban matapos na magkaroon ng remalaso kung kaya’t dito ito idiniskarga.
Unang nakadiskubre nito sa hanay ng mga miyembro ng SP ay mismong si Vice Governor Jonah Pimentel na agaran ding ipinaabot sa publiko sa pamamagitan ng pag post nito ng video ng naturang stock pile ng Nickel Ore sa kanyang Official Facebook Account.
Magkakasamang tinungo ng mga miyembro ng SP ang nasabing lugar sa Brgy Larap upang personal na makita ang naturang mga mineral. Wala ni isang opisyal ng kumpanyang humarap sa nasabing mga opisyal.
Matapos nito, agarang nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan para sa kahilingan kay Mines and Geosciences Bureau OIC Regional Director Teodore Rommel Pestaño na pansamantalang ipatigil ang isinasagawang loading ng nasabing mga mineral sa barkong naghihintay sa karagatan ng Jose Panganiban. Nais ng SP na tumalima ang may-ari ng nasabing mga mineral sa alituntuning nakasaad sa Provincial Ordinance #032-2013 may kaugnayan sa proteksyon sa kalikasan ng Camarines Norte. Nakasaad din dito ang pagbabayad sa pamahalaang panlalawigan ng mga maglalabas ng mineral sa Camarines Norte na nagkakahalaga ng dalawampung piso (P20.00 piso) kada metriko tonelada.
Hindi dito sumunod ang nasabing kumpanya matapos na lumabas ang desisyon ng Department of Justce na idineklarang Null and Void ang nasabing ordinansa, subalit sa kabila nito, iginigiit pa rin ng SP na may bisa pa rin ito dahilan sa nakapag-apela naman sila hinggil sa nasabing pagbaliktad ng desisyon ng DOJ. Mananatili anya itong may bisa hanggat hindi nakakarating sa korte suprema. Sa ngayon, bilang unang remedy, agaran ding muling isinulong ang nasabing ordinansa (re-enact) kasama na ang pagtutuwid sa ilang naging puna ng teknikalidad ng DOJ.
RESSURECTION OF PERSONA NON GRATA FOR PESTAÑO
Una na ring inihayag umano ni MGB OIC RD Pestaño na ipapatigil at magsasagawa ng kaukulang imbestigasyon hinggil sa usapin. Subalit, isang araw paggising ng mga miyembro ng SP ay wala na ang mineral ore at tuluyang nang naikarga at nailabas na ito ng bansa.
Sa pangyayaring ito, dito tila pakiramdam ng SP ay nabastos sila ng mismong opisyal ng MGB, matapos na mabatid na dito nanggaling ang kaatasan para makaalis ang nasabing mineral. Ayun kay Bokal Gerry Quiñonez, mistula pa umanong tagapagtanggol ng nasabing kumpanya si Pestaño nang iprisinta nito ang mga dokumento nito bilang pagpapakita ng legalidad. Ang pagpapahintulot anya ng MGB na makaalis ang nasabing Nickle Ore ay pagpapakita ng kawalan ng respeto ni Pestaño sa mga lokal na opisyal ng lalawigan at sa mga batas na umiiral dito.
Bunga nito, muling nabuhay ang usapin hinggil sa posibleng pagpapasa ng resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan upang ideklara bilang Persona Non-Grata si Director Teodore Rommel Pestaño dahilan sa makailang ulit nitong pagpapakita ng kawalan ng respeto at pambabastos sa institusyon ng SP.
Makailang ulit na ring sinabi ng ilang miyembro ng SP na pakiramdam nila ay pinapaikot lang sila ni Pestaño sa mga nagiging mga pagkilos at desisyon nito. Binabalak din ng SP na masampahan ng kaso ang nasabing opisyal ng MGB na sa ngayon ay kanilang pinag-aaralan.
Camarines Norte News