Si dating Punong Brgy Cezar Moya ang nanalong punong brgy ng Barangay 8, Daet, Camarines Norte sa nakatalikod na Brgy Elections noong Oktubre 28, 2013 ayun sa korte.
Pagkatapos ng eleksyon agad na nagsampa ng protesta si dating punong Brgy Moya laban sa kanyang katunggali na incumbent Punong Barangay na si William “Cocoy” Villarin matapos na lumabas ang resulta pabor kay Villarin. Dineklara ng Commission on Elections bilang nanalong kapitan si PB Villarin, abante ng dalawang boto lamang sa katunggaling si Moya (Villarin -348 vs Moya-346). Bumagsak ang kaso sa sala ni Presiding Judge Rene M. De La Cruz ng Municipal Trial Court 5th Judicial Region.
Reklamo ng kampo ni Moya, hindi nabilang ang ilang mga boto na dapat ay para sa kanya partikular ang ilang mga nasa balota sa precinct number 47, 48, 49 at 50, 51, 52 sa nasabing barangay.
Ilan sa mga kinukwestyon ni Moya sa pamamagitan ng kanyang mga Poll Watchers na sina Jessa Abay at Marissa Duran ay ang pagkakasulat ng pangalan ni Moya sa pwesto ng para sa 1st kagawad na ayun sa mga watchers ni Moya ay hindi umano binilang ng mga Board of Election Inspectors (BEI). Paliwanag ng korte, dapat ay ibinilang ito para sa nagrereklamo sa ilalim ng “Neighborhood Rule”.
Ilang boto pa ang hindi rin umano nabilang para kay Moya ang maling pagkaka-baybay (spelling) ng apilyido ng nagpoprotesta na “oya”. Sinabi ng korte na malinaw na nagkulang lamang ng letra ang pagkakasulat ng salitang “moya” kung kayat dapat na ibilang din ito sa nasabing kandidato, ito ayun sa korte at alinsunod naman sa “Rule of Idemsonans”. Tatlong boto sa kabuuan ang narecover ni Moya mula sa mga hindi nabilang na boto para sa kanya. Dito malinaw umano ayun sa korte na panalo si dating punong barangay Cezar Moya laban sa kanyang katunggali na si incumbent Punong Barangay William Villarin.
Bago ang desisyon ng korte, naglatag ng magkabilang argumento ang magkabilang at iginiit ng kampo ni Villarin na walang katotohanan ang mga alegasyon ni Moya at hindi lamang anya nito matanggap ang pagkatalo. Wala rin anyang iregularidad na nangyari sa nasabing mga presinto na binabanggit sa protesta. Wala rin anyang maipakitang katibayan si Moya na legal ang personalidad ng kanyang mga poll watchers bilang authorized poll watcher. Hindi anya dapat na kilalanin ng korte ang mga testamento ng nasabing mga witnesses/poll watchers ni Moya sa kawalan nga ng sapat na patunay na awtorisado ang mga ito na kumatawan sa dating punong barangay. Kung kayat una nang hiniling nito na maibasura ang reklamo. Malaki na din anya ang kanyang nagagastos sa nasabing kaso kaya naman hiniling din nito na pagbayarin ng danyos si Moya upang maibalik ang mga nagastos nya at sa pewisyo nito sa kanya.
Tumayo bilang witness sa kampo ni PB Villarin ang isa sa mga BEI na si Anabel Babala na nagsabing matagal na syang tumatayong BEI sa napakarami nang eleksyon at wala naman syang nakitang anumang iregularidad sa pagkakataong ito. Aminado si Babala na hindi nya alam ang may kaugnayan sa Neighborhood Rule. Dinugtungan din ito nina Cielo Aboga at Rowena Naval pawang mga poll watchers Villarin sa pagsasabing ipinapakita naman sa kanila ng mga BEI ang balota bago o habang binabasa at wala silang naalalang nagkaroon ng ganitong sitwasyon.
Matapos na mapag aralan ng korte ang panig ng dalawang kampo, nagpalabas na ng desisyon ang sala ni Judge Rene Dela Cruz pabor sa nagrereklamo. Mula sa dating boto na 346 para kay moya, nadagdagan na ito tatlo at lumabas na 349 ang boto para kay Moya at 348 kay Villarin.
Sa desisyon ng korte, pinawawalang bisa at pinasasantabi na nito ang proklamasyon ni Villarin noong Oktubre 28, 2013.
MOTION FOR RECONSIDERATION/APPEAL
Nakatanggap na rin si Villarin ng kopya ng desisyon ng korte at labis naman ang sama ng loob nito. Sa panayam ng Camarines Norte News, sinabi ng punong brgy na baguhan lamang sya sa ganitong larangan at wala sa kanyang kakayanan ang gumawa ng panlalamang sa kapwa nya kandidato, lalo pa anya’t “Gimpualan” o tumanda na sa pulitika ang kanyang katunggali.
Ipinagmalaki din nito ang kanyang nagawa bilang punong brgy na sa loob lamang ng halos walong buwan ay malaki na ang naging pagbabago sa kanilang brgy sa kanyang panunungkulang. Ang kanya umanong nagawa sa maikling panunungkulan ay katumbas na ng ilang terminong panunungkulang ng ibang mga dating naging kapitan ng kanilang brgy.
Sa ngayon ay nananatili pa rin si Villarin sa pwesto bilang kapitan. Ipinagtataka din nito ang mga pagkilos ngayon ng kampo ni dating kapitan moya na tila gustong gusto nang maupo samantalang hindi pa naman final and executory ang desisyon ng mababang korte.
Anya, nagsampa na sila ng motion for reconsideration at maaari pa ding i-apela sa mas mataas na korte hanggang sa COMELEC kung kinakailangan pa. Anya, hanggat hindi nakapagdedesisyon ang pinakamataas na korte o hunta para sa nasabing kaso ay mananatili syang nakaupo bilang punong brgy.
Sakali anyang mapatutunayan na talagang hindi sya ang tunay na nanalo, ay agad agad naman syang bababa sa pwesto subalit hindi pa sa ngayon habang hindi pa tapos ang laban.
Rodel M. Llovit
Camarines Norte News