KONTROBERSYAL NA BYAHE NG JEEP SA BRGY 8 DAET, PINALAYAS NA NI KAPITAN VILLARIN!

KONTROBERSYAL NA BYAHE NG JEEP SA BRGY 8 DAET, PINALAYAS NA NI KAPITAN VILLARIN!

Sa tindi ng pressure, napilitan na si Punong Barangay William “Cocoy” Villarin ng Brgy 8, Daet na palayasin ang mga jeepneys na nagteterminal sakop ng kanilang barangay.

Ilang araw nang laman ng mga pagtalakay sa iba’t ibang himpilan ng radyo ang may kaugnayan sa pagpapatuloy na umanoy mistulang pagteterminal na ng mga biyaheng Mercedes at Basud sa nasabing brgy. partikular sa kahabaan ng Dasmariñas St.

Sa panayam ng Kadamay Network PBN-DZMD nitong araw ng Lunes (Aug. 18, 2014) kay PB William Villarin, hindi malinaw dito kung ano talaga ang kanyang paninidigan hinggil sa naturang isyu. Makailang ulit nitong sinabi na hindi sya ang dapat na tinatanong hinggil dito dahil may mga mas nakatataas na dapat magpatigil dito. Anya, wala pang limang minuto, magsisipaglayas ang nasabing mga jeepneys kung mismong ang hindi naman binanggit na nakatataas ang mag-uutos dito.

Duda ang punong brgy na meron lamang mga taong gusto syang idiin sa mga negatibong isyu, partikular ang diumano’y libong piso na tinatanggap umano ng Brgy subalit hindi naman matukoy kung sino sa mga ito ang tumatanggap. Mariing pinabulaanan ni Villarin na may ganitong mga pangyayari at ito anya ay pawang mga paninira lamang.

Gayunpaman, inamin nito na sa pagsisimula ay minsan nag-offer sa kanya ng tulong ang mga grupo ng mga drivers at nagamit naman nila ito sa ilang okasyon ng Brgy. Hindi na anya ito nasundan pa simula nang mapag-isipan sya ng masama. Sa katunayan, minsan na din nilang ipinatawag ang mga opisyal ng nasabing transport group subalit hindi na rin naman ito sumipot sa kanilang sesyon.

Sa makailang ulit na pagtatanong ni Kadamay Jorge Dayaon kay Villarin kung paalisin na nya ang nasabing illegal na pagteterminal, iisa lamang din ang sagot ng kapitan na si “nakatataas” ang dapat na magpalayas dito.

Sa simula ng panayam, nabanggit ng naturang kapitan na legal at marangal naman ang trabaho ng mga jeepney drivers at isa ito sa kanyang ikinukunsidera. Maaaring may mali lamang sa proseso ng mga ito na si  “nakatataas” na ang dapat na gumalaw.

Maging ang Brgy outpost ay napagkakamalan na rin na outpost para sa mga dispatchers ng naturang biyahe ay ipinagtanggol din ni kapitan. Anya, ang naturang outpost ay para sa mga tanod tuwing gabi para bantayan ang kanilang mga kabaranggay at maging ang mga nagtatapon ng basura sa nasabing lugar. Sakali anyang dito sumisilong ang mga dirvers o dispatcher ay wala syang nakikitang masama kung ito naman ay nakakatulong sa kanila para may masilungan sa init ng araw.

Samantala, ngayong umaga (August 19, 2014), ikinagulat ng mga residente ng brgy 8 ang biglang pagpapalayas ni PB Villarin sa mga jeepneys na nagteterminal na sakop ng kanilang Brgy.

Sa panayam ng 102.9 bay Radio sa palatuntunang Bay Watch ni SM Jigz Buñag kay Brgy Kagawad Victor Bacuño, sinabi nito na mismong si Kapitan Villarin na ang nanguna kasama ang kanilang mga Tanod sa pagpapalayas sa nasabing mga Jeepneys.

Aminado si Kgd. Bacuño, Chairman ng Health and Sanitation sa kanilang konseho na nagiging sanhi din ng pagkakalat ng basura ang nasabing mga jeepneys dahilan sa kalsada na lamang itinatapon ang mga balat ng mga pinagkainan ng mga pasahero ng mga ito.

Ayun pa kay Kgd Bacuño, sa Setyembre nakatakda nilang muling kausapin sa kanilang regular na sesyon ang mga presidente ng mga biyaheng Mercedes at Basud upang alamin kung ano at kung meron talagang Memorandum of Agreement katulad ng tinutukoy ng mga ito. Makikipag-ugnayan din sila sa mga opisyal ng pamahalaang lokal hinggil dito upang tuluyan nang maisaayos ang nasabing sitwasyon.

CNNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *