(On photo: Coun. Atoy Moreno and Coun. Felix Abaño as temporary presiding officer)
Iimbitahan sa susunod na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Daet ang mga kinatawan ng mga telephone at cable companies sa bayan ng Daet hinggil sa salasalabat o mala-spaghetti na mga kable ng mga ito.
Nangangamba si Konsehal Atoy Moreno sa aksidenteng maaaring idulot nito sa mga mamamayan lalo pa’t halos matumba na ang mga poste na kinalalagyan ng mga ito sa dami ng mga linyang nakakabit dito.
Posible din anya itong magdulot ng sunog sa mga poste dahilan sa karamihan sa mga ito ay nakakabit sa poste ng Camarines Norte Electric Cooperative (CANORECO).
Sa nakatalikod na pagdalo ni Mun. Engr. Jet Fernandez sa sesyon ng SB Daet, sinabi nito na makailang ulit na din nilang inimbitahan noon sa CANORECO board ang mga opisyal ng nasabing mga kumpanya subalit makailang ulit din silang nabigo. Sa pagkakataong ito, iminungkahi ni Engr. Fernandez sa SB Daet na imbitahan ang mga ito baka sakali na lang na dumalo ang mga ito gayung Sangguniang Bayan na ang mag-iimbita sa kanila.
Nakapagpadala na ng komunikasyon ang Sangguniang Bayan ng Daet sa mga telephone at cable companies at umaasa naman si Konsehal Moreno na hindi sila bibiguin sa naturang paanyaya, lalo pa’t may kaugnayan ito sa kaligtasan ng mga mamamayan gayundin ang para maging maayos at hindi masakit sa mata ang nasabing sala-salabat na mga kable.
Gian Grijalvo
CNNews