Ipinaliwanag sa programang Daet on the Go sa Radyo nitong araw ng Sabado ang may kaugnayan sa kahulugan at kabuluhan ng pagkakapanalo ng bayan ng Daet bilang Most Competitive Municipality sa buong Pilipinas kamakailan.
Bisita ni Ate Minda Almadrones sa nasabing programa si Ginoong Hector Villegas na dinitalye ang ibig sabihin ng prestihiyosong award na bagamat bago pa lamang ay hangad na ng bawat bayan at syudad sa buong bansa na makatanggap nito.
Ayun kay Villegas, isang napakalaking karangalan para sa isang bayan ang makatanggap ng nasabing award mula sa National Competitiveness Council(NCC), kung saan ito ay binubuo ng iba’t-ibang sangay ng pamahalaan, at maging mula sa pribadong sector na nag-aaral ng kakayahan ng isang lugar na makipaglaban o makipagpagalingan sa kapwa bayan hinggil sa iba’t-ibang aspeto. Kabilang dito ang imprastraktura, komunikasyon, transportasyon, pangkalusugan at kalinisan, edukasyon, peace and order, kalakalan at maging ang simpleng pagsunod ng mga mamamayan sa mga umiiral na batas. Higit sa lahat ang kung papano pinapatakbo ng lider ng isang bayan ang kanyang pamahalaan.
Ang 1-Stop-Business Registration ng LGU Daet ay isa rin sa nakita ng mga evaluator na magandang programa ng LGU Daet na nagpapagaan para sa mga negosyante sa kanilang mga transaksyon sa munisipyo at ang mga lehislasyon na isinasagawa ng Sangguniang Bayan ng Daet bilang katuwang ng tanggapan ng alkalde.
Ayun kay Villegas, ang pagkakapanalo ng bayan ng Daet ay nangangahulugan na nasa ating bayan ang maayos na kalagayan ng mga nabanggit na aspeto. Hindi man perpekto, subalit maituturing na nakalalamang higit sa anuman sa mahigit apat na raang munisipalidad sa bansa.
Sa nasabing parangal, dito rin anya nagpapatunay na may malinaw na direksyon ang pamahalaan ni Mayor Tito Sarion at alam kung saan patungo.
Ang mga programang Town of Character, Daet on the Go, Visit Daet, Go Green Daet, at METRO-DAET ay hindi lamang isang basta programa, kundi isang behikulo patungo sa malinaw na direksyong tinatahak ng pamahalaang Sarion.
Ang mga programang ito anya, ay syang naging dahilan ng pagyabong ng mga mamumuhunan sa bayan ng Daet na naging dahilan para magkaroon ng mga pagpapatayo ng mga pagawain sa bayan. Isa ito sa naging batayan ng nasabing award.
ADVANTAGE ON ASEAN INTEGRATION
Ipinaliwanag din ni Villegas na ang nasabing Award ay preparasyon na ng Pilipinas para sa Asean Integration na matagal na ring sinimulan. Kabilang dito ang may sampung (10) bansa na magtutulungan para palakasin ang ekonomiya ng bawat kasapi.
Nakasaad din dito ang open trading o free market sa darating na 2015 na may mga areas of coordination, kabilang na dito ang single market and production based. Nangangahulugan na anya ito na sa darating na mga taon ay makakakita na tayo dito sa bayan ng Daet na mga magtitinda mula sa ibang bansa. Maaari na din tayong mangalakal at magtinda sa mga bansang kasapi na kung saan ay mas mababa ang taripa (tariff).
Malaking puntos anya sa bayan ng Daet na tayo ang may hawak ng Most Competitive Municipality sa buong Pilipinas dahilan sa mas magiging attractive tayo sa mga mamumuhunan at mas gusustuhin nila dito dahilan sa competitive ang bayang ito.
Payo din ni ginoong Villegas sa mga taga Daet na lalabas ng bansa, partikular kung tutungo sa mga bansang kasapi ng Asean Integration, na dumaan muna sa LGU Daet upang mabigyan ng gabay kung papano mas mapapaganda ang kalalagayan nila sa bansang patutunguhan bilang isang magtatrabaho na galing sa isang competitive municipality.
LGU DAET IMPROVEMENT OF SERVICE
Sa ngayon anya, na hindi tumitigil ang pamahalaang lokal ng Daet sa pag-aaral sa kung papano pa mas palalakasin ang serbisyo nito sa kanyang mga mamamayan. Wag na rin anyang magtaka ang mga mamamayan na pupunta sa munisipyo kung makikita nila na nagpupulong pulong ang mga kawani ng bawat departamento dahilan sa isa ito sa kanilang pagkakaabalahan ngayong mga susunod na araw.
Wag na rin anyang magtaka kung isang araw ay may mabalitaan sila na may matatanggal na kawani dahil isa rin ito sa kanilang ginagawa ngayon na linisin at alisin ang mga hindi na nagtatrabaho ng naaayun sa kanilang tungkulin. Subalit tiniyak naman ni Villegas na gagawing makatarungan ng LGU Daet ang pagtatanggal kung sakaling meron man. Dadaan anya ito sa tamang proseso at bibigyan ng karapatan ang sinumang mairereklamo upang pagpaliwanagin at bigyan ng pangalawang pagkakataon kung kinakailangan. Kasabay din naman nito ang pagkilala sa mga masisipag at maaasahang kawani ng pamahalaang lokal.
Rodel M. Llovit
CNNews