Tatlo pa lamang sa siyam na miyembro ng Committee on Justice and Good Government ng Sangguniang Panlalawigan ang nagbigay na ng kanilang mga boto hinggil sa kasong administratibong isinampa ni Liga President Buding Segundo laban kay Mayor Agnes D. Ang ng bayan ng Vinzons.
Sa isinagawang Committee Hearing kanina, (Aug. 20, 2014), pinag-aralan ng mga miyembro nito kung tatanggapin pa o hindi na ang Supplemental Complaint na ipinasok ng nagrereklamo.
Dito, lumalabas sa kanilang paunang rekomendasyon na isantabi na muna ang nasabing karagdagang ebidensya/argumento matapos na makakitaan ng panibagong reklamo maliban pa sa orihinal na kaso.
Gayunpaman, ayun naman kay Board Member Mike Canlas, Chairman ng komite, ang plenaryo o En banc pa rin ang magdedesisyon nito sa oras na maisumite na nila ito sa pamamagitan ng Committee Report kung ito nga ay ituturing na karagdagang argumento o ebidensya lamang.
Kanina din, nauna nang nagpalabas ng desisyon ang tatlog miyembro ng komite. Walamg nakikitang sapat na batayan sina Board Members Tessie Malubay, Erwin Lausin at Bong Quibral para ituloy pa ang pagdinig. Nais ng mga ito na maibasura na ang naturang kaso.
Samantala, ang mga nalalabing miyembro ng komite at mismong si Bokal Canlas ay inireserba muna ang kanilang boto hinggil sa kaso.
Anila, sa mismong en Banc na lamang sila mag bibigay ng kanilang desisyon may kaugnayan kung may sapat na batayan ang kasong isinampa laban sa alkalde.
Sa susunod na sesyon, nakatakda na itong ipasok sa plenaryo at doon magdedesisyon ang buong Sangguniang Panlalawigan kung kailan na magpapalabas ng kanilang pinal na desisyon at kung sa papanong paraan ng pagboboto.
Sakaling makakitaan umano ng sapat na batayan ang hunta, agaran na ring magpapalabas ng desisyon para sa preventive suspension sa akusado kasunod na ang pormal na pagdinig sa kaso.
PRELIMINARY CONFERENCE
Magugunitang nitong nakatalikod na linggo, nagkaharap ang magkabilang kampo sa SP para sa preliminary conference. Dumalo sa nasabing paghaharap ang mismong nagrereklamo na si Liga President Buding Segundo. Humarap naman bilang kinatawan ni Mayor Agnes Ang ang kanilang Municipal Engineer na si Engr. Quilas, samantalang inimbitahan din sa nasabing usapin ang mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayun kay Board Member Gerry Quiñonez, SP Chairman on Infrastructure, lumalabas sa mga iprinisintang mga dokumento na mistulang iisang larawan ang ipinapakita ng DPWH project at ang proyekto naman ng LGU Vinzons.
Tinutukoy ng kampo ni Segundo na Ghost Project umano ang proyektong break water sa Brgy. Sula, Vinzons ng LGU-Vinzons dahilan sa ang larawan na kanilang ginamit sa isinumiteng accomplishment report ay ang larawan naman na ipinagawa ng DPWH.
Bagay na itinanggi naman ng kampo ni Mayor Ang dahilan sa anila’y idinugtong lamang dito sa proyekto ng DPWH ang kanila namang proyekto kung kayat halos iisang pagawain lamang ang makikita sa larawan.
Pinag-aralan din ng SP ang sinasabing pagbabago sa orihinal na proyekto ng DPWH, at isa ito sa maaaring maging batayan ng magiging desisyon ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan hinggil sa kaso.
Camarines Norte News