MAYOR RAMORES NG SAN LORENZON RUIZ, NAHAHARAP SA KASONG ADMINISTRATIBO HINGGIL SA ISYU NG SABUNGAN!

MAYOR RAMORES NG SAN LORENZON RUIZ, NAHAHARAP SA KASONG ADMINISTRATIBO HINGGIL SA ISYU NG SABUNGAN!

Katulad ng mga bayan ng Vinzons at Labo, nakiuso na rin ang San Lorenzo Ruiz na may kinakaharap na kasong administratibo ang alkalde.

Nahaharap sa kasong administratibo si Mayor Edgar Ramores ng San Lorenzo Ruis na isinampa ng isang Eddie Gabo, isang negosyante na nagmamay-ari ng sabungan sa naturang bayan.

Pormal na ngayong pumasok sa Committee on Justice and Good Government  ng Sangguniang Panlalawigan ang nasabing administrative case na nakatakda na ring isalang para sa pagdinig sa kometiba sa mga susunod na araw.

Nag-ugat ang naturang kaso matapos hindi payagan ni Mayor Ramores na makapag renew pa ng kanyang permit sa sabungan si Ginoong Gabo para ngayong 2014.

Kasong dereliction of duty at dishonesty ang isinampa ni Gabo sa alkalde na naitala bilang Admin. Case 02-2014 sa Sangguniang Panlalawigan.

Tinukoy ni Gabo ang anya’y paglabag ni Mayor Ramores sa RA 6713 sa hindi umano pag-aksyon ng alkalde sa kanyang pagrenew ng business permit na lumagpas na ng labinglimang araw.

Ayun pa sa isinumiteng verified complaint ni Gabo sa SP, nakapag-issue pa diumano ng panibagong permit para sa sabungan ang alkalde sa isang hindi pa nabatid na personahe nito lamang Mayo 28, 2014.

Samantala, opisyal na ring nagbigay ng kayang pahayag sa media si Mayor Edgar Ramores matapos ang ilang araw na pananahimik hinggil sa kaso.

Sa eksklusibong panayam ng Kadamay Network, PBN-DZMD kay Ramores, sinabi nito na sinungaling si Ginoong Eddie Gabo sa mga alegasyon nito laban sa kanya.

Anya, taong 2013 nang tumungo sa kanyang tanggapan ang isang Mr. Lim kasama ang kanyang legal counsel na si Atty. Gestiada at ipinakita umano ang mga dokumento na nagsasabing sya ang tunay na nagmamay-ari ng lupa at nagtapos na ang kanilang lease contract kay Ginoong Gabo. Hindi na umano pinayagan pa ng may-ari ng lupa na magpatuloy pa ang sabungan sa kanyang lupa.

Bunsod nito, hindi na rin pinahintulutan ni Mayor Ramores na makapagrenew pa ng kanyang business permit ang sabungan ni Ginoong Eddie Gabo kung wala itong maipapakita na pag-aari nya ang lupa o maging kahit ng lease contract lamang.

Wala rin anyang katotohanan na nag-issue na sya ng panibagong business permit para sa panibagong sabungan. Ang Sangguniang Bayan anya ang may karapatan na magbigay ng prangkisa sa ganitong uri ng negosyo bago pa man ito dadaan sa kanyang tanggapan para sa business permit. Sa ngayon anya, isang kasinungalingan ang sinasabing meron na siyang naaprubahang bagong kapalit ng sabungan ni Ginoong Gabo.

Samantala, sa panayam naman ng Camarines Norte News kay Ginoong Eddie gabo, sinabi nito na may usaping legal pa anya ang naturang lupa at hindi anya nadadamay dapat ang usapin ng kanyang negosyo habang hindi pa naman nasesettle ang usaping legal hinggil dito.

Nabanggit din sa mga ulat na hindi lamang ito ang usapin sa nasabing bayan may kaugnayan dito kundi maging ang sinasabing illegal na “tupada” na nagaganap sa isang brgy na ang punong brgy ay kapatid  mismo ni Mayor Ramores.

Camarines Norte News

Leave a Reply

Your email address will not be published.