Bahagi ng nakaraang selebrasyon ng 10th Bicol Business Week nitong Agosto 26-30, 2014 sa Naga City ang isinagawang Visual Art Exhibit. Ito ay may layuning makilala ang obra ng mga Bicolanong pintor hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Kaakibat ito ng pangkalahatang tema ng pagdiriwang na “Priming Bicol Winning Asia”.
Kalahok dito ang iba’t-ibang pintor mula sa Naga at mga karatig bayan. Mapalad na naanyayahan ang bagong tatag na artist group ng Daet – ang Daet Society of Art Enthusiasts upang magtanghal ng kanilang mga obra. Ang delegasyon na sumali ay pinamunuan nina Ruel Santelices at Jao Deuna. Sa unang pagkakataon ay naipakita ng mga taga-Daet ang kanilang galing sa pagpipinta sa pinakamalaking exhibition sa buong Bicol Region.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang grupo na makilala ang iba pang grupo ng artist ng Bicol katulad ng Salingoy Art group na malugod na ipinakita ang kanilang gallery at mga obra. Nagsilbi itong inspirasyon sa grupo upang lalo pang pag-ibayuhin ang kanilang nasimulan. Inanyayahan din ang Daet Society of Art Enthusiasts na sumali sa group exhibit na isasagawa ng Salingoy Art Group sa darating na ika- 4 ng Setyembre.
Ang buong grupo ay nagpapasalamat sa suportang kanilang natanggap sa butihing mayor ng Daet, Mayor Tito Sarion, sa pagbibigay nito ng tulong upang makarating ang grupo at maitanghal ang kanilang mga obra.
Naging matagumpay sa pangkalahatan ang unang pagsali ng Daet Society of Art Enthusiasts dahil naipakita ng grupo na ang mga taga-Daet ay talagang competitive sa lahat ng larangan maging sa sining. Katunayan din ng tagumpay ang mga nabiling mga obra na lalong nagpagana sa grupo na lalong pag-ibayuhin ang kanilang talento.
Nag-uulat:
Cresencio Adlawan